Picking Flowers
Gospel Living

Pagkakaroon ng Nakakatulong na mga Kaisipan

09/08/20 | 1 min basahin

Layunin

Bilang anak ng Diyos, maaari ninyong matutuhang gawing positibo ang mga negatibong iniisip.

Mungkahing Aktibidad

Gamitin ang ideya ng mga bulaklak at damo para pag-usapan ang nakakatulong at hindi-nakakatulong na mga iniisip. Tulungan ang mga bata na isipin kung paano nagiging halaman ang isang buto o binhi. (Kung maaari, magdala ng mga buto o magpakita ng mga larawan ng isang binhing lumalaki para maging isang bulaklak.) Ang ating mga iniisip ay maaaring maging tulad ng mga binhi o buto: ang nakakatulong na mga iniisip ay nagiging mga bulaklak at tumutulong sa atin na maging masaya, samantalang ang hindi nakakatulong na mga iniisip ay nagiging mga damo, na nagpapalungkot sa atin.

Maglaro ng isang laro upang matukoy ang nakakatulong at hindi nakakatulong na mga iniisip at kung paano palitan ang “mga damo” ng “mga bulaklak.” Anyayahan ang isang bata na maging isang “hardinero,” habang ang iba pang mga bata ang magiging “mga binhi.”

Maglagay ng mga piraso ng papel na may mga negatibo at positibong kaisipan sa isang mangkok. Anyayahan ang mga bata na kumakatawan sa mga binhi na pumili ng isang papel mula sa mangkok. Kapag sinabi ng hardinero na “lago,” ang binhi ay kakalat at magkukunwaring lumalago. Ang hardinero ay pupunta sa bawat bata at magtatanong kung ano ang kanilang iniisip. Kung positibo ang iniisip, ang bata ay nananatili sa lugar. Kung negatibo ang iniisip, tutulungan ng hardinero ang bata na gawin itong positibo. Ang nabagong “binhi” ay magiging “hardinero,”, at ang dating “hardinero” ay makakakuha ng papel sa mangkok at magiging isang binhi. Matatapos ang laro kapag ang bawat bata ay may kahit isang pagkakataon na ibahagi ang kanyang isipin.

Narito ang ilang halimbawa ng nakakatulong at hindi nakakatulong na mga kaisipan:

  • “Kaya kong lumutas ng mga problema.”
  • “Tutulungan ako ng mga tao.”
  • “Maaayos din ang mga bagay-bagay.”
  • “Hindi ko ito kaya.”
  • “Hindi sapat ang aking talino.”
  • “Hindi ako gusto ng kaibigan ko.”

Ang mga negatibong iniisip ay maaaring gawing positibo. Halimbawa, ang “Napakahirap nito!” ay maaaring gawing “Kung magsisikap at mag-uukol ng oras para magpraktis, magiging mas mahusay ako.”

Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kinakailangan upang matiyak na ang lahat makakalahok, mapapabilang, at makapag-aambag.

Mga Ideya sa Pag-aangkop

  • Magpraktis o magsadula ng mga aktibidad na tutulong sa mga bata na alisin ang mga hindi nakakatulong na mga iniisip. Kabilang dito ang ehersisyo, pagkanta ng isang paboritong awitin sa Primary o himno, pagtulong sa isang tao, pagdarasal, o pakikipag-usap sa isang taong pinagkakatiwalaan nila.
  • Paupuin nang pabilog ang mga bata at sabihin sa kanila na maghalinhinan sa pagsasabi ng isang positibong bagay tungkol sa bawat isa. Isulat ang mga ito para mabasa ito ng mga bata sa bahay kung kailangan nila ng positibong bagay na makapagpapalakas sa kanila.

Talakayan

Hikayatin ang mga bata na magsalita tungkol sa kung paano makakatulong sa kanila at sa iba ang mga natututuhan nila para mas mapalapit sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang mga talakayan ay maaaring mangyari bago, habang ginagawa, o kapag natapos na ang aktibidad at dapat tumagal nang ilang minuto lamang. Maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod:

  • Paano nakatutulong sa inyo ang kaalaman na kayo ay anak ng Diyos kapag hindi nakakatulong ang inyong mga iniisip?
  • Paano makakatulong ang matutuhan kung paano baguhin ang mga hindi nakakatulong na mga kaisipan para makadama at makapagbahagi kayo ng pagmamahal?

            Kumilos

            Subukan ang aktibidad na ito sa inyong pamilya, klase, korum, o mga kaibigan.
            Mga Komento
            0