Girls on a mountain
Gospel Living

Aktibidad: Ang Kapangyarihan ng Disiplina sa Sarili

08/20/20 | 1 min basahin

Layunin

Palakasin ang inyong disiplina sa sarili, at tuklasin kung paano kayo matutulungan nitong magtagumpay.

Iminumungkahing Aktibidad

Para masimulan ang aktibidad, magpamigay ng kaunting makakain sa mga kabataan. (Tiyakin kung may allergy sa pagkain ang sinuman bago gumawa o bumili ng makakain.) Ipaliwanag na maaari nilang kainin iyon anumang oras ng aktibidad. Gayunman, sabihin sa kanila na, kada 20 minuto, tatanggap sila ng isa pang makakain para sa bawat pagkaing hindi nila kinain. Kaya, kung tumagal nang isang oras ang aktibidad at hindi nila kinain ang anuman sa kanilang mga makakain, tatapusin nila ang aktibidad na may walong makakain. Ipaliwanag na kumakatawan ito sa naantalang kasiyahan, isang mahalagang alituntunin ng disiplina sa sarili.

Pagkatapos, itanong sa grupo, “Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng disiplina sa sarili?” Isulat ang kanilang mga sagot, pagkatapos ay hilingin sa kanila na ilarawan ang ilang gawain mula sa kanilang lingguhang iskedyul na nangangailangan ng disiplina sa sarili; halimbawa:

  • Dumating sa oras sa paaralan, seminary, o simbahan
  • Mag-ehersisyo araw-araw
  • Umiwas sa hindi masustansyang pagkain
  • Tapusin ang takdang-aralin sa takdang oras
  • Tapusin ang mga gawaing-bahay
  • Matulog nang sapat
  • Manatiling mahinahon sa nakakainis na sitwasyon

Sama-samang talakayin kung paano nila hinarap ang mga sitwasyong ito noon. Ano ang nagawa nila nang maayos? Paano nila magagawa iyon nang mas maayos? Ipaliwanag na, sa mga sitwasyong nangangailangan ng disiplina sa sarili, kailangan nating magpakita ng pagtutuon at determinasyon. Para mailarawan ito sa masayang paraan, isagawa ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga laro:

  • Pagpartner-partnerin ang mga miyembro ng grupo. Paupuin nang magkaharap ang mga magka-partner. Susubukin ng isang partner na pangitiin ang kapartner niya, at ang ka-partner naman ay pipiliting huwag ngumiti. Maaaring magsalita ang mga magka-partner pero hindi nila puwedeng hawakan ang isa’t isa. Limitahan ang oras (isa o dalawang minuto). Sa pagtatapos ng takdang oras, pagpalitin ng puwesto ang mga magka-partner.
  • Bigyan ang bawat kalahok ng papel na may isang salita o parirala na iaakto nila. Maaari ninyong pahirapin ang aktibidad sa paggamit ng mas mahihirap na salita at parirala. Hindi maaaring magsalita ang taong inaakto ang salita. Sabihin sa mga kalahok na mas pagtuunan na huwag mayamot habang naglalaro.
  • Pagpartner-partnerin ang mga miyembro ng grupo, at magkaroon ng contest sa titigan. Sino ang makapagpapakita ng disiplina sa sarili at hindi kukurap? Paglabanin ang mga nanalo mula sa bawat pares hanggang sa magkaroon ng isang kampeon.

Sa buong talakayan at mga laro, bigyan ang mga kabataan ng angkop na dami ng makakain kada 20 minuto batay sa kung kinain nila ang una o sumunod na mga makakain.

Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kinakailangan para matiyak na ang lahat ay makakasali, makakabilang, at makakapag-ambag. Iakma ang aktibidad batay sa mga allergy sa pagkain ng mga miyembro sa inyong kongregasyon.

Mga Ideya sa Pag-aangkop

  • Anyayahan ang isang maalam na tao sa komunidad na ipakita sa mga kabataan ang mga pangunahing galaw sa sayaw, yoga, martial arts, o iba pang pisikal na aktibidad na nangangailangan ng disiplina sa sarili. Sabihin sa tagapagsalita na ipaliwanag ang kaugnayan ng ehersisyo sa disiplina sa sarili at kung paano ito makakatulong na mapagbuti ang pagtutuon at determinasyon.
  • Bilang isang grupo, saliksikin ang mga banal na kasulatan at kasaysayan ng Simbahan para sa mga halimbawa ng mga taong nagpakita ng disiplina sa sarili. Isulat ang kanilang mga pangalan at kung saan matatagpuan ang kanilang kuwento. Paano sila nagpakita ng disiplina sa sarili? Anong espirituwal na alituntunin ang inilalarawan sa kanilang kuwento? Ano ang matututuhan natin mula sa kanila? Halimbawa, maaari ninyong ikuwento kung paano sinunod nina Sadrach, Mesach, at Abed-nego ang mga pamantayan nila sa pagkain kahit napaligiran sila ng masasarap at malilinamnam na pagkain na gustong ipakain sa kanila ng hari ng Babilonia.

Talakayan

Hikayatin ang mga kabataan na pag-usapan kung paano makakatulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring gawin ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat tumagal lamang nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Maraming beses tinukso si Jesucristo sa Kanyang mortal na ministeryo. Paano Siya nagpamalas ng disiplina sa sarili sa mga sitwasyong ito? Paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa?
  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga ang disiplina sa sarili sa inyong pag-unlad at kaligayahan?
  • Kailan kayo nakaranas ng mga pagpapala ng disiplina sa sarili?

            Kaugnay na Aktibidad

            Ang Kapangyarihan ng Disiplina sa Sarili

            Subukang gawin ang aktibidad na ito kasama ang inyong pamilya, klase, korum, o mga kaibigan.
            Mga Komento
            0