Layunin
Tulungan ang mga bata na malaman ang napakaraming iba’t ibang uri ng hayop na nilikha ng Ama sa Langit.
Iminumungkahing Aktibidad
Basahin ang Genesis 1:20–21 sa mga bata. Sabihin sa mga bata na pakinggang mabuti ang mga salita tungkol sa mga uri ng hayop na nilikha ng Ama sa Langit, sa pamamagitan ni Jesucristo. Gumawa ng mga kategorya ng mga hayop mula sa mga talatang ito, tulad ng:
- “gumagalaw na kinapal”
- “mga ibon sa itaas ng lupa”
- “malalaking hayop sa dagat”
- “bawa’t may buhay na kinapal na gumagalaw”
Ipahula sa mga bata ang pangalan ng mga hayop na ito, mula sa mga alakdan at langgam at balyena, isda, at ibon. Kung maaari, ipakita ang mga larawan ng iba’t ibang hayop, ibon, at insekto.
Maaari ninyong laruin ang isa sa mga sumusunod:
- Karera ng mga Hayop: Magkarerahan kung saan kailangang gayahin ng bawat bata ang kilos ng isang hayop: lumukso na parang kuneho o palaka, magpaampang-ampang na parang pato, gumapang na parang ahas, at marami pang iba.
- Panggagaya ng mga hayop: Maghahalinhinan ang mga bata sa panggagaya ng isang partikular na hayop, pati na mga galaw at tunog. Susubukan ng ibang mga bata na hulaan ang hayop.
Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kailangan upang matiyak na makakasali, makakabilang, at makakatulong ang lahat.
Mga Ideya sa Pag-aangkop
- Kung maaari, pumunta sa isang bukirin, zoo, animal rescue, o aviary (malaking kulungan ng mga ibon) para malaman pa ang tungkol sa mga hayop doon.
- Bigyan ang mga bata ng 60 segundo para magbanggit ng maraming bagay na maiisip nila na mayroon ang mga hayop pero wala ang mga tao tulad ng walong paa, kaliskis, tuka, o kakayahang mag-camouflage. Pagkatapos ay bigyan sila ng 60 segundo para magbanggit ng maraming bagay na maiisip nila na ginagamit natin na nagmumula sa mga hayop, tulad ng lana, pataba, karne, keso, itlog, at katad o leather.
- Ideya sa Paglilingkod: Bisitahin ang isang magsasaka, rantsero, pastol, dog trainer, o kapitbahay na may mga alagang hayop para malaman ang tungkol sa kanilang mga hayop. Maaari mong kausapin ang bibisitahin ninyo kung maaaring makagawa ng anumang uri ng serbisyo ang mga bata habang naroon.
Talakayan
Hikayatin ang mga bata na pag-usapan kung paano makatutulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring gawin ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat tumagal lamang nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
- Ano ang naramdaman ninyo nang malaman ninyo na nilikha ng Ama sa Langit, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang lahat ng hayop?
- Paano nakatutulong sa atin na maging katulad ni Jesucristo ang kaalaman tungkol sa iba’t ibang hayop na nabubuhay sa mundo?
- Bakit nilikha ng Ama sa Langit ang mga hayop?