Childhood

Pagsasaya sa Labas

07/07/20 | 1 min basahin

Layunin

Maglakad o mag-hiking kasama ang mga bata para masiyahan sa magagandang nilikha ng Diyos.

Iminumungkahing Aktibidad

Bilang isang grupo, mag-hiking o maglakad papunta sa isang magandang lugar. Habang naglalakad kayo, ituro ang iba’t ibang likas na katangian, halaman, o hayop na nakikita ninyo. Anyayahan ang mga bata na isipin kung paano nilikha ni Jesucristo, sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, ang bawat puno, bulaklak, dahon, ilog, burol, at bundok. Anyayahan silang pasalamatan ang Ama sa Langit sa kanilang panalangin para sa magagandang bagay na nakikita nila sa bawat araw.

Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kailangan upang matiyak na ang lahat ay makakalahok, mapapabilang, at makapag-aambag.

Mga Ideya sa Pag-aangkop

  • Bago ang aktibidad, magtago sa buong paligid ng mga sipi o talata ng banal na kasulatan tungkol sa Paglikha o tungkol sa pagpapahalaga sa kalikasan. Kapag nagtipon ang mga bata para sa aktibidad, bigyan sila ng clue kung nasaan ang unang sipi o talata ng banal na kasulatan. Ang unang bagay na mahahanap nila ay dapat magdala sa mga bata sa pangalawang nakatagong sipi, at ulit-ulitin ang prosesong ito.
  • Maglaro ng hula-hulaan habang naglalakad. Hilingin sa bawat bata na tumingin sa paligid at maghanap ng isang bagay sa kalikasan (halimbawa, isang malaking bato o isang sapa). Pagkatapos ay sabihin sa isang bata na magbigay ng mga clue para tulungan ang iba na mahulaan kung ano ang bagay na iyon. Ang batang nakahula nang tama ang susunod na magbibigay ng mga clue.
  • Pagimitin ang bawat bata ng lente, o ng isang magnification app sa phone mo. Sabihin sa kanila na tingnan ang ilang pamilyar na bagay tulad ng mga bato at dahon. Ano ang ipinagbago sa hitsura ng mga bagay na ito kapag pinalaki ang mga ito? Ipabahagi sa mga bata ang kanilang mga natuklasan sa bawat isa.
  • Habang naglalakad o nagha-hike ang mga bata, magpadampot sa kanila ng mga damo o basura sa daan bilang paglilingkod sa iba na gumagamit ng lugar. Bigyan sila ng mga guwantes na pangkaligtasan (safety gloves), at sabihin sa kanila na huwag hawakan ang matutulis na bagay.

Talakayan

Hikayatin ang mga bata na magbahagi kung paano makakatulong sa kanila at sa iba ang mga natututuhan nila para maging mas malapit sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang mga talakayan ay maaaring mangyari bago, habang ginagawa, o kapag natapos na ang aktibidad at dapat tumagal nang ilang minuto lamang. Maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod:

  • Paano natin maipapakita ang pasasalamat para sa daigdig na nilikha ni Jesucristo?
  • Paano nakakatulong ang paglapit sa kalikasan para mas mapalapit kay Jesucristo?

Kumilos

Subukan ang aktibidad na ito sa iyong pamilya, klase, korum, o mga kaibigan.
Mga Komento
0