Layunin
Ang buhay ay isang pakikipagsapalaran na may matututuhan. Kapag mas marami kang natutuhan, mas mapangangalagaan mo ang iyong sarili at ang iba. Tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano sila matututo sa iba’t ibang paraan.
Iminumungkahing Aktibidad
Sabihin sa mga bata na may gagawin kayong magandang pakikipagsapalaran. Matagal na nilang nararanasan ito—ang pambihirang karanasan na habambuhay na pag-aaral.
Kung maaari, ihanda nang maaga ang ilang istasyon na kumakatawan sa mga natututuhan natin sa iba’t ibang yugto ng buhay. Sa bawat istasyon, anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang simpleng aktibidad. Maaaring gawin ang mga sumusunod na mungkahi:
- Mga sanggol na nag-aaral maglakad: lumakad nang nagbabalanse o maglakad nang malayo na nakasuot ng sapatos ng maliit na bata.
- Maliliit na bata na nag-aaral magbihis nang mag-isa: patungan ng malaking kamiseta at pantalon o damit ang kanilang sariling kasuotan.
- Nag-aaral magbasa: basahin ang isang talata mula sa mga banal na kasulatan o isang sipi mula sa isang aklat o magasin.
- Nag-aaral magbisikleta o mag-scooter: magbisikleta papunta sa isang lugar at bumalik.
- Nag-aaral magmaneho ng sasakyan: magkunwari na nagmamaneho gamit ang isang plato bilang manibela at mga pedal para sa gasolina at brake na gawa sa mga papel na nakalapag sa sahig; sundin ang iba’t ibang mga karatula sa kalsada, tulad ng hinto (stop) o tawiran (pedestrian crossing).
- Nag-aaral ng mga kasanayan sa trabaho: magpraktis ng kasanayan na may kaugnayan sa mga trabahong karaniwang makikita sa inyong lugar.
- Nag-aaral magluto: magpraktis na magluto ng simpleng pagkain o sabihin sa mga bata na magtulungang gumawa ng recipe.
- Nag-aaral magpalit ng lampin: praktising gawin ito sa manika.
Ipaliwanag na isa sa mga layunin ng buhay ay mag-aral para matuto at umunlad, at patuloy na mag-aral kahit malaki na tayo. Ipaliwanag na ang mahirap gawin noong mas bata pa sila ay maaaring madali na ngayon, at ang mukhang mahirap ngayon ay magiging madali na kalaunan. Pag-usapan kung paano naging mga oportunidad na matuto ang mahihirap gawin.
Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kailangan upang matiyak na makakasali, makakabilang, at makakatulong ang lahat.
Mga Ideya sa Pag-aangkop
- Habang nirerebyu ninyo ang iba’t ibang kasanayan sa pangunahing aktibidad, ituro kung paano tayo matututo sa iba’t ibang paraan: sa pagbabasa o pakikinig sa mga tagubilin, sa panonood ng isang demonstrasyon, pagtuturo sa isa’t isa, at pagpapraktis. Pag-usapan kung paano magagamit ng mga bata ang iba’t ibang paraan ng pagkatuto sa pinag-aaralan nila ngayon.
- Tulungan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan o gumawa ng collage tungkol sa gusto pa nilang matutuhan. Pag-usapan ang iba’t ibang paraan na maaari nilang matutuhan ang mga bagay na iyon. Anyayahan ang mga bata na ipaliwanag sa klase ang kanilang mga drowing o collage.
Talakayan
Hikayatin ang mga bata na pag-usapan kung paano makatutulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring gawin ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat tumagal lamang nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
- Ano ang pinakamahahalagang bagay na dapat matutuhan sa buhay?
- Paano natin mas malalaman pa ang tungkol sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo?
- Paano natin magagamit ang mga natututuhan natin para tulungan ang iba?
Kaugnay na mga Aktibidad
- Pag-aralan ang tungkol sa Siyensya
- Ko e Maʻu ha Mahino ki he Ngaahi ʻAó
- Paano Tumutubo ang mga Halaman
- Pag-aaral tungkol sa Musika
- Mga Kuwento ng Pamilya
- Vakaiʻi e Ngaahi Ngāue Maʻuʻanga Moʻuí
- Pag-aaral ng mga Pangunahing Paunang Lunas
- Alamin ang tungkol sa mga Hayop at Pahalagahan ang mga Ito
- Ligtas na Paggawa ng Apoy
- Paghahanap sa Gospel Library
- Pagpapasalamat sa mga Naglilingkod sa Komunidad
- Ko e Ako ki he Feimeʻatokoní