Two Brothers Spending Time Together

Aktibidad: Pagkakaroon ng mga Kasanayan sa Magandang Pakikipag-usap

08/13/20 | 1 min basahin

Layunin

Bumuo ng pagkakaibigan sa pamamagitan ng magandang pakikipag-usap.

Iminumungkahing Aktibidad

Gamitin ang sumusunod na aktibidad upang matulungan ang mga bata na magsanay ng magandang pakikipag-usap, tulad ng kung paano magtanong, matutong maghintay ng sagot, at magpakita ng interes sa ibang tao.

Simulan sa pagpapakita o pagsasadula ng mga halimbawa ng mga kasanayang ito. Pagkatapos, sabihin sa mga bata na maupo sa dalawang hanay nang magkaharap. Sabihin sa kanila na magpapraktis sila ng magandang pakikipag-usap sa taong nakaupo sa tapat nila. Bigyan sila ng paksang pag-uusapan, at anyayahan sila na talakayin ang paksa sa taong nakaupo sa tapat nila. Baguhin ang paksa pagkatapos ng ilang minuto, at sa bawat pagbabago ng paksa, palipatin ng upuan ang isang hanay ng mga bata para magkaroon ang lahat ng bagong kausap.

Maaaring isama sa mga posibleng paksang pag-uusapan o mga tanong ang:

  • Ano ang gusto mong gawin para malibang?
  • Ano ang paborito mong pista opisyal o holiday? Bakit paborito mo iyon?
  • Ano ang gusto mong gawin paglaki mo?
  • Kung mabibigyan ka ng pambihirang lakas, ano iyon? Bakit?
  • Anong lugar ang gustung-gusto mong mapuntahan? Bakit?
  • Ano ang isang bagay na nagawa mo na ipinagmamalaki mo?
  • Bumanggit ng lima sa mga paborito mong bagay.

Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kailangan upang matiyak na makakasali, makakabilang, at makakatulong ang lahat.

Mga Ideya sa Pag-aangkop

  • Talakayin sa mga bata kung paano nakakapagpadala ng mga mensahe sa iba ang ating mukha at katawan.
    • Magbasa ng aklat o magpakita ng larawan ng mga taong nagpapakita ng iba’t ibang emosyon. Sabihin sa mga bata na ilarawan ang mukha, mga kamay, at posisyon ng katawan ng bawat tao.
    • Sabihin sa isang bata na kumuha ng isang kard na may nakasulat na emosyon mula sa sumbrero. Tulungan ang mga bata na ipakita ang emosyon nang hindi nagsasalita. Pahulaan sa ibang mga bata kung anong emosyon ang ipinapakita niya. Hayaang magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata.
  • Maghalinhinan sa pagsasalita at pakikinig. Bigyan ng marker o patpat ang isang bata. Kapag nagtanong ka sa grupo, tanging ang bata lang na may hawak ng marker ang puwedeng sumagot. Matapos makasagot ang batang may marker, sabihin sa kanya na ipasa ang marker sa isa pang bata na siya namang magsasalita. Ipagpatuloy ang pagtatanong hanggang sa magkaroon ng pagkakataong makasali ang lahat ng bata.
  • Talakayin ang mga wastong paraan ng pagbati at pagtawag sa iba sa inyong kultura. Paano mo babatiin ang nakatatanda sa iyo nang naiiba sa pagbati mo sa kaibigan mo sa paaralan?

Talakayan

Hikayatin ang mga bata na pag-usapan kung paano makatutulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring gawin ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat tumagal lamang nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus sa paraan ng pakikipag-usap natin sa ibang tao?
  • Paano nakatutulong sa atin ang natutuhang mabuting pakikipag-usap para mas mapaglingkuran ang iba?

Kumilos

Subukang gawin ang aktibidad na ito kasama ang iyong pamilya, klase, korum, o mga kaibigan.
Mga Komento
0