Layunin
Pag-aralan kung paano magkaroon ng magandang asal sa hapag-kainan at kung ano ang wastong pagkilos habang kumakain para magpakita ng paggalang sa iba.
Mungkahing Aktibidad
Itanong sa mga bata kung anong mga patakaran o wastong pagkilos sa hapag-kainan ang isinasagawa ng kanilang pamilya. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang paghuhugas ng mga kamay bago kumain, pagbabasbas ng pagkain bago sumubo, huwag magsalita kapag may laman ang bibig, pasalamatan ang sinumang nagluto ng pagkain, huwag magreklamo tungkol sa pagkain, magsabi ng “paki” at “salamat” kapag nagpapasa ng pagkain, huwag gumamit ng mga gadget sa mesa, maghalinhinan sa pagsasalita, gumamit ng mahinang boses sa loob ng bahay, at marami pang iba. Pag-usapan kung bakit sa tingin ng mga bata ay mahalaga ang mga ideyang ito. Bigyang-diin na ang paggamit ng ating pinakamagandang asal—maging sa tahanan—ay nagpapakita ng paggalang sa ating mga kapamilya at sa iba na kasama nating kumakain.
Kung maaari, praktisin ang magagandang asal habang sama-samang kumakain ng kaunting pagkain o miryenda. Mangyaring baguhin batay sa allergy sa pagkain ng mga miyembro sa inyong kongregasyon.
Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kinakailangan upang matiyak na ang lahat ay makakalahok, mapapabilang, at makapag-aambag.
Mga Ideya sa Pag-aangkop
- Maghanda ng ilang simpleng pagkain na maaaring nakakalito kung paano kainin nang maayos. Pakainin ang mga bata sa paraang nalalaman nila, at pagkatapos ay ipakita ang magalang na paraan ng pagkain nito. Masiyahan sa nakakatawang mga sandali habang sama-sama kayong nagpapraktis!
- Praktisin ang pag-aayos ng mesa. Bigyan ang mga bata ng mga pinggan at kubyertos, i-set ang timer, at ipahanda ang mesa sa bawat isa (ang malalaking grupo ay maaaring bumuo ng mga team). Magbigay ng tulong kung kinakailangan.
- Tulungan ang bata na magsanay na makipag-usap nang may paggalang sa oras ng pagkain (kung ano ang dapat sabihin at hindi dapat sabihin). Anyayahan sila na pasalamatan ang mga taong naghahanda ng pagkain para sa kanila sa tahanan, paaralan, o iba pang mga lugar.
Talakayan
Hikayatin ang mga bata na magsalita tungkol sa kung paano makakatulong sa kanila at sa iba ang mga natututuhan nila para mas mapalapit sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang mga talakayan ay maaaring mangyari bago, habang ginagawa, o kapag natapos na ang aktibidad at dapat tumagal nang ilang minuto lamang. Maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod:
- Paano nakatutulong sa atin na madama ang pagmamahal ni Cristo kapag nagpapakita tayo ng paggalang sa iba?
- Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pakikitungo sa iba si Jesus nang Siya ay pinakain at inalagaan nila?