Sand Heart in Hands

Pagsasalita nang May Kabaitan

09/08/20 | 1 min basahin

Layunin

Tulungan ang mga bata na magpakita ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo sa pamamagitan ng pagsasalita nang may kabaitan sa lahat ng panahon.

Mungkahing Aktibidad

Umupo nang pabilog sa paligid ng isang lalagyan ng buhangin, lupa, o iba pang katulad na materyal. Ipasa ang garapon at anyayahan ang bawat isa na kumuha ng isang dakot ng materyal. Habang ginagawa nila ito, ipaliwanag na ang buhangin sa kanilang mga kamay ay kumakatawan sa lahat ng mga salita na sinasabi nila. Matapos makakuha ang bawat bata ng isang dakot na buhangin (o ng iba pang materyal), anyayahan sila na subukang ibalik ang bawat butil ng buhangin—bawat isa—sa lalagyan nito.

Pag-usapan kung ano ang mangyayari kapag nagsalita tayo ng masasakit na salita. Ano ang nangyayari sa taong sinasabihan at pinag-uusapan? Ano ang nangyayari sa mga taong nagsasalita ng masasakit na salita? Tulungan ang mga bata na gawin ang koneksiyon na kasing imposible ng pagbabalik ng bawat butil ng buhangin sa garapon ang pagbawi ng masasakit na salita at pagtsitsismis kapag nasabi na ang mga ito. At karaniwan, nananatili ang ilang masasamang bagay sa taong nagsabi ng masasakit na bagay.

Tulungan ang mga bata na matutong mag-isip bago magsalita ng isang bagay na makasasakit, kahit na ito ay totoo. Anyayahan silang itanong sa kanilang sarili:

  • Ang sinasabi ko ba ay totoo?
  • Kailangan bang malaman ng mga kaibigan ko ang sasabihin ko sa kanila?
  • Mabuti ba ang aking sasabihin?

Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kinakailangan upang matiyak na ang lahat ay makakalahok, mapapabilang, at makapag-aambag.

Mga Ideya sa Pag-aangkop

  • Basahin ang Mga Kawikaan 16:24 nang magkakasama: “Ang mga maligayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.” Kung maaari, gumawa ng matatamis na pagkain o ng lip balm nang magkakasama para magpaalala sa mga bata na panatilihing “matamis” ang kanilang mga salita.
  • Maglaro ng isang laro kung saan pinoprotektahan ng isang boluntaryo ang iba pang mga bata mula sa masasakit na salita.
    • Anyayahan ang dalawang bata na tumayo sa harap ng grupo.
    • Magbigay ng ilang magagaan na bola sa bawat isa sa iba pang mga bata. Ang bawat bola ay kumakatawan sa nakakasakit na salita.
    • Ang mga bata ay maaaring maghalinhinan sa marahang paghahagis ng kanilang mga bola habang sinisikap na matamaan ang isa sa mga bata.
    • Susubukan ng isa pang bata na saluhin at hawakan ang lahat ng bola (masasakit na salita) na kaya niyang saluhin at hawakan.
    • Kapag wala nang maaaring saluhin na bola ang bata, anyayahan ang isa pang bata na tumulong.
    • Maghalinhinan kayo ng iba pang mga bata na tumayo sa harapan at magpatama ng mga bola.
    • Talakayin kung ano ang natutuhan at naramdaman ng mga bata. Ano ang nadarama ng taong binabato ng bola? Ano ang nadarama ng taong sumasalo ng mga bola? Paano natin mapoprotektahan ang iba mula sa masasakit na salita?
  • Bilang grupo, gumawa ng listahan ng mabubuting puna na maibabahagi ng mga bata sa isang kaibigan o kapamilya. Talakayin kung ano ang madarama ng taong ito tungkol sa mga puna. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang tao na maaaring bigyan ng mabubuting salita at kung ano ang maaari nilang sabihin sa kanila.
  • Mag-isip ng isang grupo ng mga tao na maaaring gumamit ng mabubuting salita, tulad ng mga service professional, missionary, o bishopric. Magpasulat sa mga bata ng maiikling sulat para sa kanila.
  • Awitin ang “Palaging Sasamahan Ka,” nang sama-sama (Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79). Talakayin kung paano nakipag-usap ang Tagapagligtas sa iba.

Talakayan

Hikayatin ang mga bata na magsalita tungkol sa kung paano makakatulong sa kanila at sa iba ang mga natututuhan nila para mas mapalapit sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang mga talakayan ay maaaring mangyari bago, habang ginagawa, o kapag natapos na ang aktibidad at dapat tumagal nang ilang minuto lamang. Maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod:

  • Paano nakakatulong ang paggamit ng mabubuting salita para masunod natin ang kautusan ng Tagapagligtas na mahalin ang isa’t isa?
  • Paano natin masusundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pakikipag-usap sa ibang tao?

              Kumilos

              Subukan ang aktibidad na ito sa inyong pamilya, klase, korum, o mga kaibigan.
              Mga Komento
              0