Layunin
Magpakita ng pasasalamat sa mga taong naglilingkod sa inyong lugar, tulad ng mga pulis, bumbero, hukom, guro, at iba pa.
Iminumungkahing Aktibidad
Isaayos nang maaga ang pagbisita sa isang istasyon ng pulis, bumbero, hukuman, o water treatment plant. Alamin ang iba pa kung paano nakakatulong sa komunidad ang organisasyong binibisita ninyo at kung bakit ito kailangan. Pag-usapan kung paano tayo natutulungan ng pagsuporta sa mga organisasyong ito na maging mas mabubuting mamamayan ng ating bansa at komunidad. Habang naroon, maghatid ng maiikling sulat ng pasasalamat o makakain sa mga manggagawa.
Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kailangan para matiyak na lahat ay makalahok, makabilang, at makatulong.
Mga Ideya sa Pag-aangkop
Kung hindi ninyo mabibisita nang personal ang organisasyon, ituro sa mga bata kung paano tumutulong ang organisasyon sa komunidad. Isaalang-alang ang sumusunod na mga ideya:
- Anyayahan ang mga bata na sumulat ng maiikling sulat ng pasasalamat na maipapadala sa koreo.
- Ipasadula sa mga bata ang ilan sa mga paraan na tumutulong ang mga organisasyong ito sa komunidad.
- Lumikha ng isang simpleng obstacle course na gumagaya sa ilan sa mga bagay na ginagawa ng mga pulis at bumbero, tulad ng pagbubuhat ng mabibigat na bagay, pagtakbo, pag-akyat, at pagsusuot ng damit na nagpoprotekta sa katawan.
Talakayan
Hikayatin ang mga bata na pag-usapan kung paano nakakatulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maidaraos ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat ay tumagal lamang ito nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
- Paano nakakatulong ang pagiging mabubuting mamamayan para masunod natin si Jesucristo?
- Paano ninyo magagamit ang inyong mga kaloob at talentong bigay ng Ama sa Langit sa paglilingkod sa ating komunidad?