Pangkalahatang Kumperensya
Mga Tipan at Responsibilidad
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2024


15:11

Mga Tipan at Responsibilidad

Ang Simbahan ni Jesucristo ay kilala bilang isang simbahan na nagbibigay-diin sa pakikipagtipan sa Diyos.

“Paano naiiba ang inyong Simbahan sa iba?” Pabagu-bago ang sagot ko sa mahalagang tanong na ito dahil nagkakaedad ako at lumago na ang Simbahan. Nang isilang ako sa Utah noong 1932, ang miyembro ng ating Simbahan ay nasa mga 700,000 lang, na halos lahat ay nasa Utah at kalapit na mga estado. Nang mga panahong iyon, 7 pa lang ang templo natin. Ngayo’y mahigit 17 milyon na ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa humigit-kumulang 170 bansa. Nitong Abril 1, mayroon na tayong 189 na inilaang templo sa maraming bansa at 146 pa ang ipinaplano at itinatayo. Nadama ko na kailangan kong magsalita tungkol sa layunin ng mga templong ito at sa kasaysayan at papel na ginagampanan ng mga tipan sa ating pagsamba. Magiging karagdagan ito sa inspiradong mga turo ng mga naunang tagapagsalita.

I.

Ang tipan ay isang tapat na pangakong tuparin ang mga partikular na responsibilidad. Ang personal na mga pangako ay mahalaga sa pagpapatakbo ng ating indibiduwal na buhay at sa paggawa ng lipunan. Ang ideyang ito ay nahaharap sa hamon sa kasalukuyan. May isang maliliit na grupong sumasalungat sa awtoridad ng institusyon at iginigiit na dapat malaya ang mga tao sa anumang mga paghihigpit na naglilimita sa kanilang indibiduwal na kalayaan. Subalit alam natin mula sa libu-libong taon ng karanasan na isinusuko ng mga tao ang kaunting indibiduwal na kalayaan para matamo ang mga pakinabang ng paninirahan sa mga organisadong komunidad. Ang gayong mga pagsuko ng mga indibiduwal na kalayaan ay nakabatay una sa lahat sa matatapat na pangako o tipan, ipinahayag man o ipinahiwatig.

Mga tauhan ng militar.
Mga tauhan ng ospital.
Mga bumbero.
Mga full-time missionary.

Narito ang ilang halimbawa ng sinumpaang mga responsibilidad sa ating lipunan: (1) mga hukom, (2) militar, (3) mga tauhan ng ospital, at (4) mga bumbero. Lahat ng nauugnay sa mga pamilyar na trabahong ito ay tapat na nangangako—na kadalasa’y pormal na ginagawa sa panunumpa o pakikipagtipan—na gagampanan ang mga tungkuling nakaatas sa kanila. Totoo rin ito sa ating mga full-time missionary. Ang partikular na kasuotan o mga name tag ay nilalayong ipakita na nakipagtipan ang maysuot nito at sa gayon ay may tungkulin siyang magturo at maglingkod at dapat siyang suportahan sa paglilingkod na iyon. Ang kaugnay na layunin nito ay ipaalala sa mga maysuot nito ang mga responsibilidad nila sa tipan. Walang magic sa kanilang partikular na kasuotan o mga simbolo, mahalagang paalala lamang ito sa mga espesyal na responsibilidad na tinanggap ng mga maysuot nito. Totoo rin ito sa mga simbolo ng engagement at singsing sa kasal at ang papel ng mga ito na ipabatid sa mga nakamasid o ipaalala sa mga maysuot nito ang sinumpaan nilang mga responsibilidad.

Mga singsing sa kasal.

II.

Ang nasabi ko tungkol sa pagiging pundasyon ng mga tipan para sa pagpapatakbo ng indibiduwal na buhay ay naaangkop lalo na sa mga tipan na pangrelihiyon. Ang pundasyon at kasaysayan ng maraming relihiyon at mga hinihingi ay batay sa mga tipan. Halimbawa, ang tipang Abraham ay mahalaga sa ilang malalaking tradisyong pangrelihiyon. Nagbibigay ito ng banal na ideya tungkol sa mga pangako ng Diyos sa pakikipagtipan sa Kanyang mga anak. Madalas tukuyin sa Lumang Tipan ang tipan ng Diyos kay Abraham at sa kanyang binhi.1

Ang unang bahagi ng Aklat ni Mormon, na isinulat noong panahon ng Lumang Tipan, ay malinaw na nagpapakita ng papel na ginagampanan ng mga tipan sa kasaysayan at pagsamba ng mga Israelita. Sinabi kay Nephi na ang mga isinulat ng mga Israelita sa panahong iyon ay “isang talaan ng mga Judio, na naglalaman ng mga tipan ng Panginoon, na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel.”2 Madalas tukuyin sa mga aklat ni Nephi ang tipang Abraham3 at ang Israel bilang “mga pinagtipanang tao ng Panginoon.”4 Ang ginagawang pakikipagtipan sa Diyos o mga pinuno ng relihiyon ay nakatala rin sa mga nakasulat sa Aklat ni Mormon tungkol kina Nephi, Jose sa Egipto, Haring Benjamin, Alma, at Kapitan Moroni.5

III.

Nang sumapit ang panahon para sa Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, tumawag ang Diyos ng isang propeta, si Joseph Smith. Hindi natin alam ang buong nilalaman ng naunang mga tagubilin ng anghel na si Moroni sa lumalaking batang propetang ito. Ang alam natin ay sinabi niya kay Joseph na “ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa [kanya]” at na “ang kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo” ay kailangang ihayag, pati na ang “mga pangakong ginawa sa mga ama.”6 Alam din natin na ang mga talatang masigasig na binasa ng batang si Joseph—bago pa man iniutos sa kanya na magtatag ng isang simbahan—ay ang maraming turo tungkol sa mga tipang isinalin niya sa Aklat ni Mormon. Ang aklat na iyon ang pangunahing pinagmulan ng kabuuan ng ebanghelyo sa Pagpapanumbalik, kabilang ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak, at ang Aklat ni Mormon ay puno ng pagtukoy sa mga tipan.

Dahil maalam sa Biblia, malamang na alam na ni Joseph ang tungkol sa pagtukoy ng aklat ng Mga Hebreo sa layunin ng Tagapagligtas na “[gumawa] ng bagong tipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda.”7 Tinutukoy rin ng Mga Hebreo si Jesus bilang “ang tagapamagitan ng bagong tipan.”8 Higit sa lahat, ang salaysay sa Biblia tungkol sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas ay pinamagatang “Ang Bagong Tipan (The New Testament),” na halos kasinghulugan ng “Ang Bagong Tipan (The New Covenant).”

Ang mga tipan ay pundasyon sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Malinaw ito sa pinakaunang mga hakbang na ipinagawa ng Panginoon sa Propeta sa pagtatatag ng Kanyang Simbahan. Nang mailathala na ang Aklat ni Mormon, agad na inutos ng Panginoon ang pagtatatag ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, na tatawagin kalaunan na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.9 Iniutos sa paghahayag na itinala noong Abril 1830 na ang mga tao ay “tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan” matapos silang “magpatunay” (na ibig sabihin ay taimtim na magpatotoo) “na sila ay tunay na nagsisisi sa lahat ng kanilang kasalanan, at pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas.”10

Iniutos sa paghahayag ding ito na ang Simbahan ay “magtipon nang madalas upang makakain ng tinapay at makainom ng alak [tubig] sa pag-alaala sa Panginoong Jesus.” Ang kahalagahan ng ordenansang ito ay malinaw sa mga salita ng mga tipan na tinukoy para sa elder o priest na nangangasiwa. Babasbasan niya ang mga sagisag na tinapay para sa “mga kaluluwa ng lahat nila na kakain nito … , [na kanilang] … patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila.”11

Ang napakahalagang papel ng mga tipan sa bagong ipinanumbalik na Simbahan ay muling pinagtibay sa paunang salita na ibinigay ng Panginoon para sa unang paglalathala ng Kanyang mga paghahayag. Doon ay ipinahayag ng Panginoon na tinawag Niya si Joseph Smith dahil ang mga naninirahan sa mundo ay “lumihis mula sa aking mga ordenansa, at sumira sa aking walang hanggang tipan.”12 Ipinaliwanag pa sa paghahayag na ito na ang Kanyang mga kautusan ay ibinibigay “nang ang aking walang hanggang tipan ay mapagtibay.”13

Ngayon ay nauunawaan na natin ang papel na ginagampanan ng mga tipan sa ipinanumbalik na Simbahan at ang pagsamba ng mga miyembro nito. Ibinigay ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang buod na ito ng epekto ng ating binyag at lingguhang pagtanggap ng sakramento: “Bawat miyembro ng simbahang ito na lumusong sa mga tubig ng binyag ay naging kabahagi na ng isang sagradong tipan. Sa tuwing nakikibahagi tayo ng sakramento ng hapunan ng Panginoon, pinaninibago natin ang tipang iyon.”14

Ipinaalala na sa atin ng maraming tagapagsalita sa kumperensyang ito na madalas tukuyin ni Pangulong Russell M. Nelson ang plano ng kaligtasan bilang “landas ng tipan” na “umaakay sa atin pabalik sa [Diyos]” at “tungkol ito sa ating [ka]ugnayan sa Diyos.”15 Itinuro niya sa atin ang kahalagahan ng mga tipan sa ating mga seremonya sa templo at hinihimok tayong tingnan ang wakas mula sa simula at “mag-isip nang selestiyal.”16

IV.

Ngayon ay magsasalita pa ako tungkol sa mga tipan sa templo. Para maisakatuparan ang kanyang responsibilidad na ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, ginugol ni Propetang Joseph Smith ang marami sa mga huling taon niya sa pamamahala sa pagtatayo ng isang templo sa Nauvoo, Illinois. Sa pamamagitan niya inihayag ng Panginoon ang mga sagradong turo, doktrina, at mga tipan na pangangasiwaan ng kanyang mga kahalili sa mga templo. Doon tuturuan ang mga taong na-endow tungkol sa plano ng kaligtasan ng Diyos at aanyayahang gumawa ng mga sagradong tipan. Ang mga taong namuhay nang tapat sa mga tipang iyon ay pinangakuan ng buhay na walang hanggan, kung saan “lahat ng bagay ay kanila” at sila ay “mananahan sa kinaroroonan ng Diyos at ng kanyang Cristo magpakailanman at walang katapusan.”17

Ang mga seremonya ng endowment sa Nauvoo Temple ay isinagawa bago mapaalis ang ating mga naunang pioneer para simulan ang kanilang makasaysayang paglalakbay papunta sa kabundukan sa Kanluran. Nasa atin ang mga patotoo ng maraming pioneer na ang kapangyarihang natanggap nila mula sa pagkabuklod kay Cristo sa kanilang mga endowment sa Nauvoo Temple ay nagbigay sa kanila ng lakas na gawin ang kanilang mahabang paglalakbay at mamuhay sa Kanluran.18

Responsibilidad ng mga taong na-endow sa templo na magsuot ng temple garment, isang uri ng kasuotan na hindi nakikita dahil isinusuot ito sa ilalim ng damit-panlabas. Ipinapaalala nito sa mga na-endow na miyembro ang mga sagradong tipan na ginawa nila at ang mga pagpapalang ipinangako sa kanila sa loob ng banal na templo. Upang matupad ang mga banal na layuning iyon, inatasan tayong patuloy na magsuot ng mga temple garment, maliban sa mga pagkakataong malinaw na hindi ito kailangang isuot. Dahil ang mga tipan ay walang “araw ng pahinga,” ang paghubad ng mga garment ng isang tao ay masasabing pagtalikod sa mga responsibilidad at pagpapala ng tipan na nauugnay sa mga ito. Sa kabilang dako, ang mga taong matapat na nagsusuot ng kanilang mga garment at tumutupad sa kanilang mga tipan sa templo ay patuloy na pinagtitibay ang kanilang papel bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.

Mapa ng mga templo.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtatayo ng mga templo sa lahat ng dako ng mundo. Layunin nitong pagpalain ang mga pinagtipanang anak ng Diyos sa pagsamba sa templo at sa mga sagradong responsibilidad at kapangyarihan at natatanging mga pagpapala na mabigkis kay Cristo na natatanggap nila sa pamamagitan ng tipan.

São Paulo Brazil Temple.

Ang Simbahan ni Jesucristo ay kilala bilang isang simbahan na nagbibigay-diin sa pakikipagtipan sa Diyos. May kaakibat na mga tipan ang bawat isa sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na pinangangasiwaan ng ipinanumbalik na Simbahang ito. Ang ordenansa ng binyag at ang kaugnay na mga tipan nito ay kinakailangan para makapasok sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansa at kaugnay na mga tipan sa templo ay kinakailangan para sa kadakilaan sa kahariang selestiyal, ang buhay na walang hanggan, na “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”19 Diyan nakatuon ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling araw.

Pinatototohanan ko si Jesucristo, na siyang pinuno ng Simbahang iyan, at hinihiling ko ang Kanyang mga pagpapala sa lahat ng naghahangad na tuparin ang kanilang mga sagradong tipan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.