2011
Pagpapatatag sa Aking Walang-Hanggang Kasal
Setyembre 2011


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Pagpapatatag sa Aking Walang-Hanggang Kasal

Noong tinedyer ako, nagkaroon ako ng pananampalataya na ang kasal ay maaaring maging maganda at walang-hanggang karanasan. Gayunman, naging mahirap para sa akin ang laging maniwala dahil ang nakita kong mga halimbawa ng pagsasama ng mag-asawa habang lumalaki ako ay hindi matibay, at nagkaroon ng takot sa puso ko tungkol sa pag-aasawa. Ngunit nagpasiya ako na hindi kailangang mangibabaw ang kabiguan at kalungkutan at na ipaaalam sa akin ng Ama sa Langit kung paano magkaroon ng maligayang pagsasama ang mag-asawa.

Noong 26 anyos ako, nagpakasal ako kay Sidnei sa São Paulo Brazil Temple. Noong nagdedeyt pa lang kami, sinikap naming ihanda ang aming espirituwalidad at kalooban para sa pinakamahalagang pangyayari sa aming buhay. Nagpasiya kami kung anong uri ng kasal ang gusto namin, magkasama kaming nagtakda ng aming mga mithiin, at nagbahaginan kami ng mga ideya—ang aming patotoo sa ebanghelyo, mga naisin at pangamba, at mga pangarap. Sabay rin naming binasa ang payo ng mga propeta tungkol sa pag-aasawa. Ginawa namin ang lahat para makapaghanda, na umaasam na mapaligaya at mabigyan ng seguridad ang isa’t isa at ang aming magiging mga anak. Hiniling namin sa Panginoon na bigyan kami ng karunungan upang mamuhay nang maligaya.

Ngayon ay 18 taon na kaming kasal. Sa mga taong ito, patuloy kaming natututo mula sa mga tuntunin ng ebanghelyo, sa payo ng ating mga lider, at, siyempre pa, sa Espiritu. Ang ilan sa mga bagay na nagawa namin upang maging matatag at maligaya ang aming pagsasama ay:

  1. Magkasamang manalangin araw-araw. Kapag nagdarasal kami sa gabi, pinasasalamatan namin ang Ama sa Langit sa pagsasama naming mag-asawa, sa pag-ibig namin sa isa’t isa, at hinihiling namin na patatagin ang aming kalooban at maging malakas ang bawat isa sa amin sa harap ng mga tukso ng kaaway, na kumikilos upang wasakin ang mga pamilya.

  2. Humingi ng kapatawaran. Sinisikap naming hindi maging hadlang ang pagmamalaki sa paghingi namin ng tawad o pag-amin na mali kami. Ang pag-ibig at pagkakaisa ay mas mahalaga kaysa kung sino ang tama o mali.

  3. Huwag magsalita ng masama tungkol sa isa’t isa kailanman. Kitang-kita naman na walang perpekto sa aming dalawa, ngunit hindi kami nagsasalita ng masama tungkol sa isa’t isa, at kapag may kasama kaming iba, magagandang bagay ang sinasabi namin tungkol sa isa’t isa.

  4. Ipagtanggol ang institusyon ng kasal. Tuwing may pagkakataon kami—at lalo na kung may mga tao sa aming paligid na bumabatikos sa institusyon ng kasal—naninindigan kami para sa mga pamilya at sa paniniwala namin.

  5. Mag-usap nang madalas at makinig. Itinitigil namin ang aming ginagawa para talagang makinig kapag nagsasalita ang isa sa amin.

  6. Mahalin at unawain ang isa’t isa. Hindi namin iniinsulto, pinararatangan, o pinipintasan ang isa’t isa.

  7. Patuloy na humingi ng tulong at payo tungkol sa pagsasama ng mag-asawa mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta. Hindi namin alam ang lahat ng bagay. Hindi kami perpekto at madali kaming makalimot at magkamali. Ayaw naming hintayin pang magkaproblema kami, sa halip ay sinisikap naming patatagin ang aming pagsasama bago pa kami masaktan sa isang sitwasyon.

Ang mga bagay na ito ay naging kasangkapan sa pagpapatibay ng relasyon naming mag-asawa. Alam ko na kung ibabahagi natin ang ating buhay at damdamin sa Ama sa Langit at hihingin ang Kanyang payo, bibigyan tayo ng inspirasyon ng Espiritu Santo at magiging walang hanggan ang ating pamilya, at malalagpasan natin ang lahat ng hirap. Alam din namin na tutulungan tayo ng Ama sa Langit kapag hinangad nating malaman at gawin ang Kanyang kalooban.

Paglalarawan ni Laureni Fochetto

Print