2011
Pagbibigay sa Diyos ng Pagkakataong Pagpalain Tayo
Setyembre 2011


Pagbibigay sa Diyos ng Pagkakataong Pagpalain Tayo

Paano nagkaroon ng 17 kasal sa templo sa loob ng wala pang apat na taon ang isang district sa Argentina na may iilang maliliit na branch lamang? Sabi ng mga lider, simple lang ang sagot: pagsunod.

Nang lumipat sa pinakatimog na lungsod ng Ushuaia ang 21-taong-gulang na si Gisela Silva kasama ang kanyang pamilya mula sa Mendoza, Argentina, naisip niya kung naiwan ba ang pagkakataon niyang makasal sa templo. Tutal, may stake sa Mendoza na puno ng mga ward ng mga Banal sa mga Huling Araw, samantalang ang malayong bayan ng Ushuaia—na nasa pulo ng Tierra del Fuego—ay may 600 miyembro lang na dumadalo sa tatlong maliliit na branch.

“Ikinasal ang mga magulang sa templo, at nais kong makamtan ang pagpapalang ito para sa sarili ko—ang makasal sa isang tapat na miyembro ng Simbahan, na makakasama kong bumuo ng walang-hanggang pamilya,” paggunita niya. “Ngunit pagdating ko sa Ushuaia, iilan lang ang mga young adult dito kaya nag-isip ako kung mangyayari pa iyon.”

Ang problema ni Lucas Romano ay kapareho ng kay Gisela. Noong nasa misyon siya sa Uruguay, lumipat ang kanyang pamilya sa Ushuaia. Nang makasama niya sila pagkatapos ng kanyang misyon, agad niyang napansin na mas maraming young single adult na lalaki kaysa babae. Gayunpaman, determinado siyang sundin ang payo ng mga lokal na lider na mga miyembro lang ng Simbahan ang ideyt.

Naging mas madaling sundin ang payong iyon nang makilala ni Lucas si Gisela sa simbahan at mag-enrol ito sa mga English class sa paaralang pinagtuturuan niya. Sinimulan niyang ihatid si Gisela sa bahay nito pagkatapos ng klase, at hindi nagtagal ay nagsimula na silang magdeyt. Habang hiwalay nilang ipinagdarasal ang nabubuo nilang relasyon, sinabi nila na dumating ang pagtiyak nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30; D at T 98:12).

Noong Abril 2005, ikinasal sa huwes sina Lucas at Gisela, tulad ng hinihingi sa batas ng Argentina, at saka sila ibinuklod sa Buenos Aires Argentina Temple. Ang kanilang pagbubuklod ay makahulugan sa mga kabataan ng Simbahan sa Ushuaia: iyon ang una sa 17 kasal sa templo sa loob ng wala pang apat na taon.

Isang Napakagandang Kuwento ng Tagumpay

Paano nagkaroon ng napakaraming kasal sa templo sa loob ng napakaikling panahon ang isang district na may iilang maliliit na branch lamang? Simple lang ang sagot, ayon sa mga lokal na lider: pagsunod.

“Ito ay isang napakagandang kuwento ng tagumpay,” sabi ni Marcelino Tossen, dating pangulo ng Ushuaia district. “Ang mga kabataang ito ay nagpapakita ng magandang halimbawa sa mga miyembro ng Simbahan. Ang isa sa mga katangian nila ay sinusunod nila ang Panginoon, mga propeta, at kanilang mga lokal na lider, at sinusunod nila ang mga panghihikayat ng Espiritu. Pinagkakaisa ng katangiang ito ang mga kabataan dito sa Ushuaia district.”

Gayunman, inaamin ni President Tossen na ang mga lokal na lider “ay matagal na pinagsikapang gawin ito sa buong district” bago nagbunga ang kanilang pagtuturo at pagpapayo tungkol sa kahalagahan ng kasal sa templo.

Sabi ni Roberto Ignacio Silva, Ushuaia district president, ang napansin daw niya matapos silang lumipat ng kanyang pamilya sa Ushuaia noong 2004 ay ang bilang ng nakauwi nang mga misyonerong binata pa at ng mga dalaga. Ang kanyang anak na si Gisela ay naging bahagi ng grupong iyon. Gusto raw ng mga young adult na makasal sa templo ngunit kailangan nila ng kaunting paghihikayat at patnubay.

“Sinabi ko sa kanila na kung gusto nating magkaroon ng makakasama sa kawalang-hanggan, hindi natin kailangang maghanap ng perpektong tao,” sabi ni President Silva. “Ngunit kailangan nating manalangin at magpatulong sa Panginoon, at manatiling tapat sa Simbahan.”

Bukod pa sa pagdaragdag ng mga aktibidad para sa mga young single adult—kabilang na ang mga fireside at aktibidad na kasama ang mga young single adult mula sa Rio Gallegos at iba pang lungsod sa hilaga—binigyang-diin ng mga lider ang kahalagahan ng panalangin, katapatan, at pagkamarapat. Hinikayat din nila ang mga young adult sa Ushuaia na magkaroon ng sapat na pananampalataya upang mapaglabanan ang kanilang mga pangamba.

Walang-Wala Na Kami

“Ang isang malaking alalahanin ng mga kabataan dito ay kung paano sila makapag-aasawa kung kakaunti ang pera nila,” sabi ni President Silva. “Naipaunawa namin sa kanila na hindi kailangang nasa atin ang lahat bago tayo mag-asawa.”

Nakilala ni Ruth Rodríguez si Emanuel Silva nang patulungin silang dalawa sa pagbuo ng pinagsamang aktibidad ng mga young single adult ng district sa Rio Gallegos, mahigit 200 milya (320 km) patungong hilaga, noong Pebrero 2006. Inasam ng kaibigang humiling sa dalawa na magtulungan na magkasundo sila sa una pa lang nilang pagkikita. “Nangyari nga,” paggunita ni Emanuel, na dalawang taon nang nakauwi mula sa paglilingkod sa Arizona Tucson Mission.

Nang magpakasal sila ni Ruth makalipas ang anim buwan, ang kanilang paghahanda—sa espirituwal at sa temporal—ay nakatulong sa kanila upang madaig ang kanilang pangamba sa hinaharap.

“Nadama kong mahal ako ng aking Ama sa Langit at nais Niya akong magbuo ng sarili kong pamilya,” sabi ni Emanuel tungkol sa mga sagot sa kanyang mga dalangin. “Nang itakda ko na ang mithiing iyon, ipinakita Niya sa akin ang daan at tinulungan akong makahanap ng mapapangasawa.”

Idinagdag pa ni Ruth na ang mga mithiing itinakda nilang mag-asawa, kabilang na ang pagtatrabaho nang husto upang makaipon para makapunta sa templo, ay nakatulong sa kanila na sumulong. “Kung minsan ay may mga gusto kaming bilhin,” wika niya, “pero sabi namin, ‘Hindi, kailangan nating makaipon para makapunta tayo sa templo.’”

Naubos ang naipon nila sa pamasahe sa eroplano papunta at pauwi mula sa Buenos Aires Argentina Temple noong 2006. “Pagkatapos niyon ay walang-wala na kami,” sabi ni Emanuel, na inuulit ang karaniwang sinasabi ng mga bagong kasal. Ngayon ay pinagtatawanan nila ni Ruth ang alaalang iyon, at nagpapasalamat na dahil sa kanilang pananampalataya ay nagkaroon sila ng “magandang karanasan” na mabuklod sa templo—isang karanasang pinakamahalaga pa rin sa kanila.

“Maaaring marami tayong pinangangambahan kapag iniisip nating mag-asawa,” sabi ni Ruth. “Paano na ang mga bagay na wala tayo? Paano na ang kabuhayan natin? Paano na ang pagpapalaki ng mga anak? Ngunit kung masunurin tayo sa salita ng Panginoon, magpupunta sa templo, at magsisimula ng pamilya, hindi tayo kailangang mag-alala. Pagpapalain tayo ng Panginoon sa mga paraang hindi natin sukat-akalain.”

Hindi Ninyo Maipaplano ang Lahat

Nang mawalan ng trabaho si Ezequiel Agustín Frau sa pagsisimula ng taong 2006, halos dalawang taon na siyang nakauwi mula sa kanyang misyon sa Colombia. Binata pa siya ngunit dama niyang wala sa Ushuaia ang mapapangasawa niya. Nagpasiya siyang magpunta sa templo upang humingi ng patnubay.

“Gusto kong makaugnay pang lalo ang Espiritu Santo, malaman ang kalooban ng Panginoon para sa akin, at humingi ng inspirasyon,” wika niya. “Tinulungan ako ng templo na mahanap ito.”

Nang makarating siya sa Buenos Aires pagkaraan ng tatlong-araw, 2,000-milya (3,200 km) sakay ng bus, nakituloy siya sa mga kaibigan at pagkatapos ay sa isang kamag-anak habang madalas na pumupunta sa templo. Ilang linggo pagkaraan paubos na ang pera ni Ezequiel at nag-iisip nang bumalik sa Ushuaia. Gayunman, nahanapan siya ng trabaho ng bishop doon, kaya’t nagpasiya siyang huwag nang umalis.

Hindi nagtagal sa isang aktibidad sa Simbahan, nakilala ni Ezequiel ang isang dalagang nagngangalang Marina Mas. Nalaman nila na madaling kausapin ang isa’t isa, at nakapalagayang-loob kaagad ni Ezequiel ang dalaga. Nang muli niyang makita si Marina sa isang aktibidad ng mga young single adult, may sinabi ang dalaga na hinangaan niya.

“Dapat tayong mamuhay na katulad ng taong gusto nating mapangasawa,” paggunita ni Ezequiel na sinabi ni Marina nang pag-usapan nila ang tungkol sa mga mithiin.

Para kay Marina, matagal na niyang ipinagdarasal na makatagpo siya ng karapat-dapat na mapapangasawa. Marami siyang kilalang binata ngunit agad siyang humanga sa espirituwalidad ni Ezequiel.

Tinulungan ng isang kaibigan nila si Ezequiel na makahanap ng matitirhan na malapit sa kanyang trabaho, na noon ay tatlong oras ang biyahe sa bus mula sa kanyang tinutuluyan. Nagkataon na ang kanyang bagong apartment—sa isang lungsod na may 13 milyong katao—ay dalawang kanto lang ang layo mula sa bahay ni Marina.

“Hindi ko ipinlanong tumira nang dalawang kanto ang layo sa bahay niya,” paggunita niya. “Ni hindi ko alam kung saan siya nakatira.”

Ang pagkakalapit ng tirahan ay nagbigay ng sapat na pagkakataon kay Ezequiel na madalaw si Marina, na ang pamilya ay malugod siyang tinanggap. Ang pagtutugma ng mga pangyayari ay sagot sa kanyang mga dalangin.

Nagdeyt ang magkasintahan at hindi nagtagal ay nagsimula nang magplano tungkol sa kanilang kinabukasan. Matapos ikasal sa templo noong taglagas ng 2006, lumipat sila sa Ushuaia.

“Hindi natin palaging mauunawaan ang plano sa atin ng Ama sa Langit, at hindi natin maipaplano ang lahat,” sabi ni Ezequiel habang binabalikan ang nakaraan. “Ngunit maaari tayong sumunod at bigyan natin Siya ng pagkakataong pagpalain tayo.”

Napakagandang Magkaroon ng Pamilya

Sinabi ni President Tossen na ang isa sa pinakamagagandang pagpapalang hatid ng kasal sa templo sa Ushuaia ay na “paparating na ang araw na ang Simbahan ay pamumunuan ng mga anak na isinilang sa loob ng tipan. Lalaganap ang ebanghelyo dahil dito, at pagpapalain ng Panginoon ang Simbahan”—tulad ng pagpapala Niya sa matatapat na magkasintahang ikinakasal sa templo.

“Noong maliit pa ako at nagsasalita ang mga lider namin tungkol sa pag-aasawa, lahat ng kuwento ay masaya,” sabi ni Ruth Silva. Natanto niya na ang “kaligayahan magpakailanman” ay kailangang pagsikapan, “ngunit dama ko na totoo ang mga kuwentong iyon. Ang pinakamalaking pagpapala ng makasal sa templo ay ang kaligayahang nadarama ko sa pagkaalam na kami ay ibinuklod bilang isang walang-hanggang pamilya.”

Dahil sa halimbawa ni Marina ay nagpabinyag ang kanyang ama noong 2008 at pagkatapos ay dinala nito ang kanyang pamilya sa templo, kung saan ibinuklod sila pagkaraan ng isang taon.

“Ang pinakagusto kong pagpapala, bukod pa sa pagpapalaki sa aking mga anak sa ebanghelyo, ay ang kagalakan at kapayapaan sa aking puso sa pagkaalam na nasunod ko ang nakapagliligtas na ordenansa ng kasal na walang hanggan,” dagdag pa ni Lucas Romano. “Ang makasama ang aking asawa at mga anak ay nagpapasariwa sa kaligayahang iyan. Gaya ng gumugulong na snowball, patuloy ito sa paglaki. Araw-araw lalo akong nagpapasalamat sa Panginoon na nag-asawa ako at nagsimula ng pamilya.”

Dagdag pa ni Marina Frau, “Napakagandang magkaroon ng pamilya. Mahirap kung minsan dahil napakaraming dapat matutuhan, pero napakaganda nito.”

Buenos Aires

Ushuaia

“Ang pinakamalaking pagpapala ng makasal sa templo ay ang kaligayahang nadarama ko sa pagkaalam na kami ay ibinuklod bilang isang walang-hanggang pamilya,” sabi ni Ruth Silva, na nakalarawan sa gitna kasama ang kanyang asawang si Emanuel, at ang kanilang anak na si Banira. Itaas: Sina Ezequiel at Marina Frau, kasama ang kanilang anak na si Ailín. Ibaba: Sina Lucas at Gisela Romano, kasama ang kanilang mga anak na sina Benjamín at Rebeca.

“Kung gusto nating magkaroon ng makakasama sa kawalang-hanggan, hindi natin kailangang maghanap ng perpektong tao. Ngunit kailangan nating manalangin at magpatulong sa Panginoon, at manatiling tapat sa Simbahan,” sabi ni Roberto Ignacio Silva, Ushuaia district president, sa mga young adult, na karamihan (nakalarawan sa itaas) ay sinunod ang payong ito at ikinasal sa Buenos Aires Argentina Temple.

Larawan ng Buenos Aires Argentina Temple na kuha ni Néstor Curbelo; mapa na gawa ng Mountain High Maps © 1993 Digital Wisdom, Inc.

Mga larawang kuha ni Michael R. Morris, maliban kung iba ang nakasaad; background © iStockphoto

Itaas: larawang kuha ni Gabriel J. Paredes; larawan ni Pangulong Hinckley na kuha ni Drake Busath

Print