2011
Mas Mataas na Mithiin
Setyembre 2011


Espesyal na Bahagi tungkol sa Tungkulin sa Diyos

Mas Mataas na Mithiin

Ang pag-anyaya sa iba sa mga aktibidad ng Simbahan ay magandang paraan ng pagtulong sa amin na magampanan ang aming tungkulin sa priesthood na anyayahan ang “lahat na lumapit kay Cristo” (D at T 20:59).

Nagpasiya ang stake namin, ang San Cristóbal Venezuela Stake, na mag-organisa ng football tournament para sa mga kabataan ng Aaronic Priesthood. Ang aktibidad na ito ay hindi lang iisa ang layunin, kabilang na ang pagkakaroon ng mga kaibigan at pagpapalakas sa iba’t ibang priesthood quorum.

Sinabi ng mga lider ng stake na tanging mga kabataang lalaki lamang ng bawat ward o branch ang maaaring lumahok at hihikayatin nila ang mga bagong miyembro at di-gaanong aktibong miyembro na sumali sa kanila para makabuo sila ng mga team para sa bawat edad. Sa ward namin, ang Táriba Ward, dalawa lang ang deacon, isang teacher, at ilang priest.

Pagbubuo ng Isang Team

Ang anak kong si José Francisco, na magiliw naming tinatawag na “Junior,” ay bahagi ng deacons quorum, kasama ang matalik niyang kaibigang si Oscar Alejandro. Kitang-kita na hindi sapat ang mga batang lalahok sa football tournament. Kaya nakipagtulungan sila sa mga misyonero at lider ng ward na hanapin ang lahat ng di-gaanong aktibong kabataan. Gumugol sila ng oras bawat linggo sa paghahanap sa mga kabataang ito, hinihikayat sila at kinukuha ang kanilang tiwala. Dahil sa mga pagsisikap ng dalawang 12-taong-gulang na batang ito, nakakuha sila ng sapat na dami ng kabataan para sa team. Ang isa sa mga himalang bunga ng kanilang mga pagsisikap ay nagkaroon ng mas marami pang aktibong kabataan ang aming ward!

Sa bawat linggo sinusundo nila ang mga bago nilang kaibigan at nagsasanay sa community field. Malaking trabaho iyon, at lagi silang pagod. Kakaunti ang alam o istratehiya nila, ngunit hindi iyon nakapigil sa mga kabataan. Masaya sila sa ginagawa nila.

Pagsisimula ng Tournament

Sa wakas, dumating na ang unang araw ng kumpetisyon. Dumating ang magiting na team namin ng mga deacon sa stake center. Walang gaanong nanonood para ipagbunyi sila, ni wala silang coach para tulungan sila o mga unipormeng gaya ng karamihan sa iba pang mga team. Ngunit naglaro sila nang may kasigasigan, pagkakaisa, at pagmamahal.

Malaki ang lamang ng kalaban kaya natalo sila sa unang laro. Ngunit hindi sila sumuko, at pinalakas ng buong stake ang loob nila, na sinasabi na ang kabataang nagmula sa Táriba Ward ay napakabubuting halimbawa.

Si Junior ang goalkeeper. Dinepensahan niya nang matindi ang goal kaya ang naharang niyang mga bola ay nag-iwan ng marka sa kanyang mga kamay. Sa bahay noong gabing iyon, sinabi niya sa akin na talagang masakit ang mga kamay niya at kailangan niyang magguwantes. Inilabas namin ang aming ipon para maibili namin siya ng isang pares ng guwantes. Ngunit hindi namin kayang bilhin ang mga guwantes sa tindahan, kaya bumili na lang kami ng mga guwantes na panghalaman na gawa sa tela. Tinanggap niya ang mga ito nang buong pasasalamat.

Hindi ko alam kung saan nakuha ng kanyang team ang inspirasyong magpatuloy. Sila ang huli sa ranking, pero patuloy silang naglaro.

Sa huli ay oras na para magtanggal ng mga team. Kahit kulang ng mga deacon sa stake, nakapaglaro ang magiting na grupong ito hanggang sa huli, ngunit ang kalaban nila ay isang praktisadong team na ang coach ay isang napakahusay na manlalaro. Gumugol ito ng maraming oras para maturuan ang kanyang team. Sila ang nangungunang team; pare-pareho ang uniporme nila at nagpakita sila ng disiplina na nagmula sa training. Malamang ay tiwala ang kanilang coach na mananalo sila sa laro dahil hindi gaanong magaling ang team ng anak ko.

Kababalik lang ng asawa ko mula sa biyahe, kaya nagpasiya siyang tulungan ang mga deacon. Hinikayat niya sila, binigyan sila ng ilang payo, at nakakagulat na nanalo sila. Kaya nakaharap nila ang isa pang stake team. Nanalo ulit ang mga kabataan namin!

Pagkatapos ng laro, nagpalakpakan ang lahat. Halos hindi makapaniwala ang mga manonood na ang mga kabataang iyon ang nagtamo ng unang gantimpala sa kategorya ng mga deacon at ikatlong gantimpala sa stake sa buong Aaronic Priesthood.

Pagsasakatuparan ng Kanilang mga Mithiin

Ang karanasang ito ay nagturo sa amin ng mga alituntunin at walang-hanggang katotohanang magagamit namin sa buhay na ito. Ang mga kabataang lalaki ng stake ay mga halimbawa ng pagmamahal, pagkaaktibo, tiyaga, kasigasigan, at pagtutulungan bilang isang team. Ipinamalas nila ang tunay na adhikain ng aktibidad. Nagbuo sila ng mga bigkis ng pakikipagkaibigan sa iba.

Paglalarawan ni Bjorn Thorkelson

Print