2011
Ibabalik ng Simbahan sa Dating Anyo ang Lugar Kung Saan Ipinanumbalik ang Priesthood
Setyembre 2011


Ibabalik ng Simbahan sa Dating Anyo ang Lugar Kung Saan Ipinanumbalik ang Priesthood

Ipinahayag ng Unang Panguluhan ang planong ibalik sa dating anyo ang makasaysayang lugar ng dati ay kilalang Harmony (malapit sa kasalukuyang Susquehanna), Pennsylvania, USA, kung saan isinalin ni Propetang Joseph Smith ang karamihan sa Aklat ni Mormon at kung saan ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood noong 1829.

Kasama sa proyekto ang pagtatayo ng mga makasaysayang gusali at sakahan sa Harmony gayundin ang mga bantayog na ginugunita ang panunumbalik ng Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood noong 1829. Inaasahang idaraos ang groundbreaking sa 2012, at tinatayang matapos ang proyekto sa loob ng dalawang taon.

Harmony, Pennsylvania, ang lugar kung saan isinalin ni Joseph Smith ang karamihan sa Aklat ni Mormon sa pagitan ng 1827 at 1830. Doon tinanggap ng propeta ang 15 sa pinakaunang mga paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan.

Sa lugar ding iyon, tulad ng nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75, tinanggap nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Aaronic Priesthood mula kay Juan Bautista noong 1829. Hindi naglaon ay iginawad nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood sa kanila sa isang lugar sa di-kalayuan.

Sabi ni Mark Staker, senior researcher sa grupo ng mga makasaysayang lugar ng Church History Department, na nasimulan na ng departamento ang pagsasaliksik ng mga arkeologo upang tukuyin ang kinaroroonan ng ilan sa orihinal na mga gusali sa lugar.

“Plano naming ibalik sa dating anyo ang bahay na tinirhan nina Joseph at Emma sa Harmony gayundin ang lugar ng kapanganakan ni Emma Smith at ang bahay ng kanyang pamilya,” wika niya.

Isang rebulto nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery na tinatanggap ang Aaronic Priesthood ang naroon na sa 90-acre (36 ektarya) na lugar. Ginagawa na ang mga plano ng mga bagong bantayog. May mga plano ring magtayo ng isang visitors’ center sa lugar.

Inanyayahan ng mga pinuno ng Simbahan ang mga miyembrong interesado na gumawa ng isang maliit at minsanang kontribusyon sa proyekto. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagsulat ng “Priesthood Restoration Site” sa kategoryang “Other” sa tithing slip na makukuha sa mga bishop at branch president.

Isang 90-acre (36 ektarya) na lugar sa Pennsylvania ang ibinabalik sa dating anyo upang gunitain ang pagpapanumbalik ng priesthood at pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Print