2011
Nagbalik-loob sa Ebanghelyo—at Nagmisyon
Setyembre 2011


Nagbalik-loob sa Ebanghelyo—at Nagmisyon

Marco Brando, Italy

Lumaki ako sa Simbahan at noon pa man ay plano ko nang magmisyon. Subalit habang nalalapit ang sandali ng aking paglilingkod, inasam kong makadama ng sarili kong matinding karanasan sa pagbabalik-loob tulad ng narinig kong sinabi ng ibang tao nang ikuwento nila ang pagsapi nila sa Simbahan.

Alam ko na ang pagpunta sa misyon ay mangangailangan ng mga sakripisyo. May magandang trabaho ako na malaki ang suweldo, at inisip ko kung makakakita pa ako ng gayon kagandang trabaho pag-uwi ko. Nag-alala ako tungkol sa pagtigil ko sa pag-aaral at pag-iwan ko sa pamilya at mga kaibigan. Ngunit alam ko sa aking kalooban na tama ang magmisyon, kaya’t patuloy akong naghanda.

Bilang bahagi ng paghahandang iyon, sumama ako sa mga elder sa lugar namin sa kanilang mga pagtuturo. Isang gabi tinuruan namin ng mga misyonero ang isang lalaki tungkol sa Word of Wisdom, ngunit ayaw niya itong tanggapin. Nang lisanin namin ang kanyang tahanan, halata kong nanlata ang mga elder, at nalungkot din ako.

Pero hindi ko sigurado kung bakit dapat akong malungkot, dahil hindi ko naman talaga kilala ang lalaking ito. Patuloy kong inisip iyon, at natanto ko na ganito ang pakiramdam ko dahil nadama ko ang Espiritu habang itinuturo namin ang aralin. Nalungkot ako na tinanggihan ng taong ito ang isang bagay na nagdulot sa akin ng napakalaking kagalakan.

Kasabay niyon natanto ko na ako ay tunay na nagbalik-loob. Alam ko na ang ebanghelyo ay totoo, at hindi ako makapaghintay na maibahagi ito. Hindi nagtagal tinawag akong maglingkod sa Italy Rome Mission.

Marami akong pagpapalang natanggap dahil sa mga sakripisyong ginawa ko sa paghahanda para sa aking misyon. Itinuro ko ang ebanghelyo sa maraming mabubuting tao, nagkaroon ako ng mga kaibigang panghabambuhay, at natuto ako ng Ingles. Patuloy na dumating ang mga pagpapala nang makauwi na ako. Natanggap ako sa dati kong trabaho bago ako nagmisyon at itinaas pa ako ng ranggo.

Gayunman, ang pinakamalaking pagpapala marahil ay ang ibayong patotoo sa ebanghelyo. Ang panahon sa misyon ko ay walang-kapantay na espirituwal na pag-unlad, na lagi kong pasasalamatan.

Print