2011
Kanya ang Buhay Ko
Setyembre 2011


Kanya ang Buhay Ko

Mahonry Gonzalez, Morelos, Mexico

Noong mag-18 anyos ako, maraming miyembro sa aking ward at stake ang nagsabi sa akin na dapat akong magmisyon. Kahit noon pa man ay plano ko nang magmisyon, ayaw ko ng pinipilit ako.

Hindi nagtagal at nagsimula ako sa unang taon ko sa kolehiyo. Dahil masipag akong mag-aral, nabigyan ako ng scholarship kaya nakapag-aral ako sa Germany. Ang Germany ay ibang-iba sa sinilangan kong bayan ng Mexico, pero inalam ko ang kultura at mabilis kong natutuhan ang kanilang wika.

Kalaunan inalok ako ng permanenteng trabaho sa isang kilalang kumpanya sa Europa. Ang pagmimisyon ay biglang naging tila isang tungkulin sa halip na hangarin. Inisip ko na maaari kong tanggapin ang trabahong ito at tamasahin ang tagumpay sa mundo.

Isang araw na umuulan ng niyebe naglakbay ako sa lungsod ng Heidelberg kasama ang kaibigan kong si Melanie. Makalipas ang ilang oras, natakpan na ng niyebe ang lansangan, at inantok kami. Mga 65 milya (105 km) ang takbo namin bawat oras nang lumagpas kami sa pulang ilaw at sumalpok sa isang bus.

Pagkagising ko, nakita ko ang pulis, ang ambulansiya, at si Melanie, na umiiyak. Wasak ang kotse, at nasa loob pa rin ako nito. Naiyak ako nang matanto ko kung gaano kami kapalad na buhay pa rin kami. Nagsimula akong magdasal at magpasalamat sa aking Ama sa Langit na tinulutan Niya kaming makaligtas, pero nakadama ako ng panibagong pangamba—hindi ko maigalaw ang mga binti ko.

Patungong ospital, narinig kong sinabi ng mga narses na kung napinsala ang gulugod ko, malamang ay hindi na ako muling makalakad. Taos-puso akong nagdasal sa aking Ama sa Langit. Una ay pinasalamatan ko Siyang muli na tinulutan Niya akong makaligtas, na natatanto na hindi akin ang buhay ko. Pagkatapos ay ipinangako ko sa Kanya na, “Kung magiging maayos ang mga paa ko at makakalakad ako, magmimisyon ako nang buong puso ko’t isipan.”

Makalipas ang apat na oras sa ospital, maganda ang kinalabasan ng pagsusuri sa akin: makakalakad akong muli. Hindi na ako nag-alinlangan pa tungkol sa pagmimisyon. Sa halip ay nakadama ako ng matinding hangaring ibahagi ang aking patotoo na ang Diyos ay buhay, na Siya ang ating Ama sa Langit, at makagagawa Siya ng mga himala sa ating buhay.

Pagkatapos ng karanasang iyon ipinasiya kong huwag tanggapin ang inialok sa aking trabaho. Alam ko na ang aking oras at lahat ng mayroon ako ay sa Panginoon. Bakit hindi ko ibigay sa Kanya ang ilan sa oras na iyon at paglingkuran siya nang dalawang taon?

Nang makatapos ako sa pag-aaral, tinawag akong maglingkod sa Frankfurt, Germany. Sa aking misyon pinatotohanan ko ang aking Ama sa Langit. Alam ko na Siya ay buhay, na Siya ang aking Ama, at pinoprotektahan Niya ako. Ibinigay Niya sa akin ang aking buhay, at lalagi itong Kanya.

Print