2011
Itinuro ni Jesus Kung Paano Tratuhin ang Iba
Setyembre 2011


Mga Kuwento tungkol kay Jesus

Itinuro ni Jesus Kung Paano Tratuhin ang Iba

Mula sa Lucas 10:25–37.

Ang mga Judio at Samaritano ay hindi magkasundo. Ayaw ng mga Judio sa mga taong nakatira sa Samaria. Akala nila ay mas mabuti sila kaysa mga Samaritano at sinikap nilang huwag magpunta sa lupain ng mga ito. Kung makakita sila ng mga Samaritano, hindi nila ito kinakausap.

Ngunit itinuro ni Jesus na dapat ninyong tratuhin ang mga tao na tulad ng gusto ninyong pagtrato sa inyo. Ibig sabihin kaya niyan ay maging mabait sa mga tao kahit hindi ninyo sila kilala o Samaritano sila?

Sinabi ni Jesus na dapat mahalin ng mga tao ang kanilang kapwa. Ngunit ang kapwa ba ay isang tao lamang na nakatira sa malapit o isang taong katulad ninyo? May ikinuwento si Jesus para maipaunawa sa mga tao kung paano nila dapat tratuhin ang iba.

Sa kuwento isang Judio ang naglalakbay mula Jerusalem patungong Jerico. Napakamapanganib ng daan na paakyat sa matatarik na kaburulan. Kadalasan ay nagtatago ang mga magnanakaw sa likod ng malalaking bato at pinatitigil at ninanakawan ang mga naglalakbay.

Sinalakay ng mga magnanakaw ang lalaki at sinaktan ito nang husto. Hinubaran nila ito at iniwan ito sa tabi ng daan para hayaang mamatay.

Isang saserdote na naglalakbay sa daan ang nakakita sa sugatang lalaki. Ngunit nagmadali siyang pumakabila ng daan at humayo.

Sumunod dito, isang lalaking Levita ang naparaan at nakita ang sugatang lalaki. Ito man ay pumakabila ng daan at nagmadali, at ni hindi tumigil para tumulong.

Sa huli, isang lalaki mula sa Samaria ang naparaan. Nang makita niya ang Judiong ninakawan, nahabag siya rito at tumigil para tumulong.

Hinugasan at tinalian ng Samaritano ang mga sugat ng lalaki, isinakay ito sa kanyang buriko, at dinala sa isang bahay-tuluyan, kung saan ito makapagpapahinga at makakakain. Binayaran ng Samaritano ang tagapamahala sa bahay-tuluyan para alagaan ang sugatang lalaki hanggang sa gumaling ito.

Nagpakita ng kabaitan at awa ang Samaritano sa sugatang lalaki. Tinrato niya ito bilang kanyang kapwa.

Gusto ni Jesus na tratuhin natin ang iba na tulad ng ginawa ng mabuting Samaritano.

Samaria

Ilog Jordan

Jerusalem

Jerico

Detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; mga paglalarawan ni Dan Burr; paglalarawan ni Cody Bell

Print