2011
Ang Laro sa Hapunan
Setyembre 2011


Ang Laro sa Hapunan

“Sa pagpuputolputol ng tinapay sa bahay-bahay, [nagsikain] sila ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso” (Mga Gawa 2:46).

Nalanghap ang anghang ng spaghetti sauce sa paligid nang umupo si Joseph at ang kanyang pamilya para sa hapunan noong Linggo. Nanalangin si Itay, at iniikot na ang pagkain sa lamesa.

“Laro tayo ng Movie Quotes!” sabi ni Joseph.

Movie Quotes ang paborito niyang laro sa oras ng hapunan. Gusto rin ng kanyang nanay, tatay, at dalawang kapatid na sina Jill at Julia ang larong ito. Magbabanggit ang isang tao ng sinabi mula sa isang pelikulang napanood na ng pamilya. Pagkatapos ay unahan ang iba sa paghula kung saang pelikula nagmula ang sinabing iyon.

“Iba naman kaya ang laruin natin,” sabi ni Inay. “Dahil Linggo, maganda siguro na Scripture Quotes ang dapat nating laruin.”

“Ano po iyon?” tanong ni Joseph.

“Mag-iisip ako ng isang binanggit mula sa mga banal na kasulatan, at huhulaan ninyong lahat kung sino ang nagsabi niyon,” sabi ni Inay.

“Nakakawalang-gana iyan,” sabi ni Joseph. “Isa pa, wala po akong alam sa mga banal na kasulatan.”

“Ako muna!” sabi ni Jill. “‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.’”

Nagtaas ng kamay si Julia. “Si Nephi ang nagsabi niyan!”

“Tama ang hula mo, Julia. Ngayo’y ikaw naman ang mag-isip,” sabi ni Jill.

“Teka. … Sige, hulaan ninyo ito kung kaya ninyo: ‘Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!’”

Si Itay naman ang nagtaas ng kamay. “Iyan ang sabi ng Ama sa Langit kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan.”

“Tama,” sabi ni Julia. “Ang galing n’yo, Itay!”

Dahan-dahang tumuwid sa kanyang pagkakaupo si Joseph.

“Gusto kong makaisip ng talagang mahirap,” sabi ni Itay. “Ito kaya: ‘Bayaan mong ang aking bayan ay yumaon.’”

Nagtaas ng kamay si Joseph. “Uy, si Moises po ang nagsabi niyan. Ang dali naman.”

“Tama. Ikaw naman ang mag-isip ngayon,” sabi ni Itay.

Nangalumbaba si Joseph. Pagkatapos ay ngumiti nang maalala niya ang aralin nila sa Primary kani-kanina. Tinalakay ni Sister Morris ang panahon nang tangkaing pigilan ng mga disipulo ni Jesus ang ilang bata sa paglapit sa Kanya. “‘Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata,’” sabi ni Joseph.

Muling nagtaas ng kamay si Julia. “Si Jesus ang nagsabi niyan.”

“Tama ka!”

Naglaro sila hanggang makapaghapunan ang lahat.

Kalaunan nang gabing iyon, habang pinatutulog ni Inay si Joseph, sabi niya, “Maganda naman po pala ang larong iyon.”

“Talagang maganda ang naisip mong talata ngayon,” sabi ni Inay.

“Salamat po. Maaari po ba nating ulitin ang larong iyon sa isang Linggo?”

“Palagay ko magandang ideya iyan,” sabi ni Inay. Niyakap siya nito at hinagkan at lumabas na ito ng kuwarto.

Namaluktot si Joseph sa kanyang kumot, na nakangiti. Kasisimula lang ng isang bagong tradisyon tuwing Linggo.

Paglalarawan ni Natalie Malan

Print