2011
Makakahanap Ba Ako ng Trabaho?
Setyembre 2011


Makakahanap Ba Ako ng Trabaho?

Greg Burgoyne, South Africa

Tinitigan ko ang nakatuping perang hawak ko nang matanto ko na kailangan ko pang magbayad ng ikapu sa perang kinita ko sa huling linggo ng summer job ko. May babayaran akong 90 rands (pera sa South Africa) sa ikapu, at may R100 ako.

Kasisimula ko pa lang sa huling taon ko ng pag-aaral ng medisina at marami akong gastusin sa eskuwela. Nakaupo ako roon na nilalaru-laro sa kamay ko ang R100, at iniisip ang pagbabayad ng ikapu. Natapos na ang summer job ko, at malamang ay hindi ako makahanap ng trabahong aakma sa abala kong iskedyul. Gayunman, tinuruan ako ng mga magulang ko na magbayad ng buong ikapu. Sa Panginoon ang perang ito, at alam ko iyon. Habang iniisip iyon, inilagay ko ang pera sa sobre at binayaran ko ang aking ikapu.

Nang sumunod na mga araw, habang naghahanap ako ng trabaho, ipinagdasal kong mabuksan sa akin ang mga dungawan ng langit. Kailangan ko ng trabahong aakma sa iskedyul ko, malaking magpasuweldo sa kaunting oras, at bibigyan pa rin ako ng oras na makapag-aral. Sa madaling salita, kailangan ko ng himala.

Pagkaraan ng dalawang linggo iminungkahi ng isang kaibigan na mag-aplay ako ng trabaho sa ospital kung saan kabubukas pa lang ng aming paaralan sa medisina ng isang bagong palapag para sa edukasyon. Naglakad ako papunta sa opisina at kumatok sa pinto. Natandaan ako ng babaeng nasa loob, na nagturo sa klase namin dalawang taon na ang nakaraan.

“Baka po naghahanap kayo ng mga bagong tutor para sa bagong program ninyo,” sabi ko. “Kung naghahanap po kayo, ako na po ang kunin ninyo.”

“Naghahanap nga kami,” sagot ng babae. “Naghahanap kami ng isang magtuturo sa isang grupo ng second-year medical students nang isang oras tuwing hapon. Makapagsisimula ka kahit anong oras at ibang pasyente ang pag-aaralan mo bawat araw at pagkatapos ay tuturuan mo ang mga estudyante. Magagawa mo ba iyan?” tanong niya.

Tinulungan ako ng Panginoon na makahanap ng trabahong siyang kailangan ko! Iyon ang sagot sa aking dalangin.

Matapos magtrabaho nang isang buwan, nalaman ko kung gaano ako kapalad. Nakita ko sa paycheck ko na sinusuwelduhan ako buwan-buwan ng tatlong doble pa kaysa akala ko. Bukod pa rito, binayaran ang bakasyon ko.

Binuksan ng Panginoon ang mga dungawan ng langit at ibinuhos sa akin ang mga pagpapalang lalong higit pa sa inasahan ko. Bunga nito, lumakas ang pananampalataya ko sa alituntunin ng ikapu.

Print