2011
Natupad ang Kanyang Pangako
Setyembre 2011


Natupad ang Kanyang Pangako

Ted Bainbridge, Colorado, USA

Sa isang pinagsamang pulong ng priesthood at Relief Society noong 2009, ipinaliwanag ng aming high priests group leader ang hangarin ng aming stake presidency na magdala ang bawat miyembrong nasa hustong gulang ng isang pangalan ng pamilya sa templo sa loob ng isang taon. Nagpasimula siya ng mga stake at ward program upang makamtan ng mga miyembro ang mithiing iyon. Sa kanyang pagtatapos, nangako siya bilang isang awtoridad na may responsibilidad sa family history program na kung susubukan naming abutin ang mithiin ng stake, magtatagumpay kami.

Pagkatapos ng pulong pinag-usapan naming mag-asawa ang pangako at nagkasundong hindi iyon angkop sa akin; gumugol na kami ng 40 taon sa pagsasaliksik sa bawat angkan ng aking family tree. Mahirap hanapin ang mga ninuno ko, at walang kaming nagawang makabuluhan sa loob ng ilang taon. Naniwala kami na wala nang magagawa pa. Gayunpaman, paulit-ulit na pumasok sa isipan ko ang pangako ng group leader sa sumunod na ilang araw. Nagpasiya akong subukan ang kanyang pangako. Habang nakatingin sa aking pedigree chart, sinikap kong isipin kung ano ang magagawa ko.

Pagkaraan ng tatlong araw ng matamang pag-iisip, nagkaroon ako ng inspirasyong tingnan ang isang partikular na lugar para makakuha ng impormasyon tungkol sa isang tao sa dulo ng pedigree chart ko. Wala pang kalahating araw ng pagsasaliksik sa Internet, natuklasan ko na may isa pang lalaking nagsaliksik sa apelyidong iyon sa isang English parish. Isa sa mga pinakahuling pangalang nakita niya ay ang taong nasa dulo ng tsart ko. Gamit ang datos niya, nadugtungan ko pa ang aking angkan ng limang henerasyon—pabalik sa taong 1650—at naisama ko ang apelyido sa pagkadalaga ng ilang kababaihan sa aking angkan at ang mga pangalan ng ilang kapatid. Nagulat kaming mag-asawa at labis na natuwa.

Kalaunan nagsimula akong maghanap ng impormasyon sa Internet tungkol sa lolo ng lolo ko na tila nawala. Matapos ang kaunting pagsasaliksik, natagpuan ko siya. Natuklasan ko na lumipat siya mula Pennsylvania, USA, papuntang Wisconsin, USA, pagkamatay ng kanyang unang asawa. Sa nakuhang impormasyon mula sa mga talaan ng Wisconsin, nakapagdagdag ako ng mahigit 400 pangalan sa aking family history.

Kalaunan natuklasan ko ang 100 ninunong lumaban sa Rebolusyon at Giyera Sibil ng Amerika. Nakatunton ako ng anim na henerasyon hanggang 1600s.

Sa nakaraang 40 taon ng aking pagsasaliksik, nakapagtala ako ng mga 65 pangalan sa pedigree chart ko at halos 3,000 pangalan sa database ko. Sa loob ng 20 buwan matapos mangako ang high priests group leader namin, nakapagdaga ako ng mahigit 70 pangalan sa tsart at mahigit 17,000 pangalan sa database, kabilang na ang dalawang pangulo ng Estados Unidos!

Sinabi sa atin ng Panginoon na ang Kanyang salita ay “matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38). Tunay na ang pangako ng Ama sa Langit, na ibinigay sa pamamagitan ng inspirado at awtorisadong lider ng priesthood, ay natupad.

Print