2011
Kasaysayan ng Relief Society: Ang Mithiin ng Panginoon para sa Kanyang mga Anak na Babae
Setyembre 2011


Kasaysayan ng Relief Society: Isang Sulyap sa Mithiin ng Panginoon para sa Kanyang mga Anak na Babae

Bilang mga anak na babae ng Diyos na naghahangad ng buhay na walang hanggan, makasusulong tayo nang may tiwala na nabigyang-inspirasyon ng mga halimbawa ng mga taong nauna sa atin.

Larawan
Julie B. Beck

Nang tawagin kami bilang bagong Relief Society general presidency, binigyan kami ng kasaysayan ng Relief Society na pag-aaralan. Mapanalangin naming ginawa ito, na inaalam kung ano ang nais ng Panginoon na aming matutuhan at pagkatapos ay gawin dahil sa pag-aaral na iyon. Nahayag sa aming pag-aaral ang isang pamanang sagana sa espirituwal na lakas at kontribusyon ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Kahanga-hangang talaan ito ng mga pakikitungo ng Panginoon sa Kanyang mga anak na babae at ng mga inaasahan Niya sa kanila. Sa pamamagitan ng aming pag-aaral at sa inspirasyong kaakibat ng pagsisikap na iyon, nalaman namin ang mga layunin ng Relief Society. Nalaman namin na sa paghahanda natin para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan, nais ng Panginoon ang Kanyang mga anak na babae na pag-ibayuhin ang pananampalataya at personal na kabutihan, patatagin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan. Kapag mapanalanging binasa ng kababaihan ngayon ang kanilang kasaysayan, tatanggap sila ng mga ideya, sagot, at inspirasyon tulad namin.

Umaasa kami na kapag pinag-aralan natin ang kasaysayan at gawain ng Relief Society ay makita natin kung paano tinulungan ng ating Ama sa Langit ang kababaihan noong araw. Habang nalalaman natin kung paano Niya sila tinulungan, magtatamo tayo ng patotoo na tutulungan din Niya tayo ngayon. Malalaman natin na kung nagabayan ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang isang babae mahigit isandaang taon na ang nakalilipas, magagawa rin Niya ito sa kababaihan sa ating panahon.

Si Sister Eliza R. Snow, ang ating pangalawang Relief Society general president, ay isang matatag at tapat na lider noon. Naunawaan niya na ang Espiritu ay “nagbibigay-kasiyahan at pumupuno sa bawat inaasam ng puso ng tao, at pumupuno sa bawat kahungkagan.” Sa iba’t ibang panahon sa kanyang buhay, nahirapan siya dahil sa mahinang katawan at kalumbayan. Gayunman, siya ay pinalakas, at nakatanggap siya at kumilos ayon sa personal na paghahayag. Para sa kanya, ang personal na paghahayag at palagiang patnubay ng Espiritu ay parang bukal. Sabi niya, “At hindi nga ba’t pribilehiyo nating mamuhay sa paraan na palagian itong dadaloy sa ating kaluluwa?”1

Ang mga halimbawang tulad nito sa ating buong kasaysayan ay nagpapaalala sa atin na ang kakayahang tumanggap at kumilos ayon sa personal na paghahayag ang pinakamahalagang kasanayang makakamit natin sa buhay na ito. Hindi tayo mabibigo kapag mayroon tayo nito; kung wala tayo nito hindi tayo magtatagumpay.

Ang kasaysayan ng Relief Society ay mahalaga sa kababaihan sa buong mundo ngayon.

Inihahayag ng ating kasaysayan ang mahabang hanay ng matatatag, mabubuti, matatapat, at dedikadong kababaihan. Ang pamanang ito ay nagsimula kay Eva, at ang mga kuwento ng kababaihang ito ay para sa bawat isa sa atin at nagbibigay sa atin ng pananaw para sa ating hinaharap. Kung ipagpapatuloy natin ang pamanang ito ng mabubuti at dedikadong kababaihan, iyon ay dahil nakasalig tayo sa kanilang nagawa. Sa pag-aaral natin ng kasaysayan natututuhan natin na may lakas at malaking kakayahan ang kababaihan ng Simbahan, na nagmumula sa kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang pananampalatayang ito ang nagbigay sa kababaihan ng kakayahang gumawa ng mga tamang pasiya at madaig ang mga hamon at paghihirap. Ito ang dahilan kaya nagawa nilang pag-alabin ang kanilang pananampalataya at ang kapangyarihan ng kanilang mga tipan upang maging huwaran sa kanilang mga karanasan sa buhay na ito. Sa bawat bansa, matatagpuan ang isang pamana ng pananampalataya sa kababaihang tumulong na maitatag ang Simbahan at mapalakas ang mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ikinuwento ni Silvia H. Allred, unang tagapayo sa Relief Society general presidency, ang kanyang inang si Hilda Alvarenga, na tinawag na maglingkod bilang Relief Society president sa isang branch sa El Salvador nang mabinyagan sa edad na mga 30 anyos. Sinabi niya sa branch president na wala siyang karanasan, hindi siya handa, at wala siyang kakayahan. Ngunit tinawag pa rin siya ng branch president. Habang naglilingkod, natuto siyang mamumo at nagkaroon ng mga bagong kaloob, gaya ng pagtuturo, pagsasalita sa publiko, at pag-oorganisa ng mga pulong, aktibidad, at proyektong pangserbisyo. Tinulungan niya ang iba sa branch na maging mga tagapagtayo ng kaharian.2 Ngayon, tulad noong nakaraan, umaasa ang Ama sa Langit na mamumuno ang Kanyang mga anak na babae sa bawat ward o branch. Ang kababaihang tulad ni Hilda Alvarenga ay nagiging mga pioneer at huwaran ng susunod na mga henerasyon.

Matutulungan ng kasaysayan ang kababaihan sa ngayon, na maraming alalahanin sa buhay.

Sa paglalakbay naming presidency sa buong mundo, napuntahan namin ang mga tahanan ng kababaihan. Nakita namin ang kanilang mga paghihirap at alam namin ang matitinding problemang kinakaharap nila. Maraming kababaihang nagugulumihanan. Ang ilan sa kanila ay nahihirapang mag-ukol ng panahon na manalangin at mag-aral ng banal na kasulatan araw-araw at gumawa ng mga bagay na magpapadama ng Espiritu sa kanilang buhay. Nabubuhay tayo sa mga panahon na nag-iibayo ang mga hamon at nalilibutan tayo ng mga paniniwala at kaugaliang maaaring maglayo sa atin sa walang-hanggan nating mithiin. Dahil tayong kababaihan ay napakalaki ng impluwensya sa mga nakapaligid sa atin, kailangan nating gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya upang manatili tayong matatag sa espirituwal.

Tinutulungan tayo ng kasaysayan ng ating Relief Society na magtuon sa mahalaga at iprayoridad ang ginagawa natin. Araw-araw tayong binibigyan ng pagkakataong magpasiya na magpapaibayo sa ating pananampalataya at magpapatatag sa ating pamilya. Mahigit 60 taon na ang nakalilipas, hiniling ni Belle S. Spafford, ang ating ikasiyam na Relief Society general president, sa kababaihan na isaalang-alang ang kanilang mga kinawiwilihan, suriin ang kanilang mga aktibidad, at simplihan ang kanilang buhay sa paggawa ng mga bagay na talagang magtatagal, para maalis sa kanila ang di-gaanong makabuluhang mga aktibidad.3 Ang kanyang payo ay mahalaga pa rin ngayon. Ang pag-aaral ng ating kasaysayan ay tinutulungan tayong magkaroon ng pananaw na kailangan natin upang manatili tayong nakatuon sa mahahalagang bagay na magpapala nang walang hanggan sa ating buhay.

Ang pagpapaibayo ng pananampalataya, pagpapatatag sa mga pamilya, at paglilingkod sa iba ay mahalaga pa rin ngayon tulad noong maorganisa ang Relief Society.

Itinuturo sa atin ng ating kasaysayan na ang malakas na pananampalataya ay isang puwersang nagtutulak at nagpapatatag sa buhay ng mabubuting kababaihan. Ang pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay hindi lamang nagpapagaling sa atin, kundi dahil dito ay nagagawa rin natin ang mahihirap na bagay at nagiging huwaran ang ating pamumuhay. Itinuturo sa atin ng ating kasaysayan na ang pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, na hindi kailanman nagkukulang, ay nakatutulong sa kababaihan na payapang magtiis sa kabila ng ilang napakahirap na pagsubok. Napag-iibayo natin ang ating pananampalataya at sariling kabutihan kapag nagpapasiya tayong iayon ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos. Sa paggawa nito, nadarama natin ang kapayapaan. Kapag sumalungat tayo, sinusurot tayo ng ating budhi. Iyan ang Espiritung nagsasabi sa atin na kailangan nating magsisi at muling iayon ang ating sarili sa kalooban ng Diyos. Ang pagsisisi ay isang alituntuning araw-araw nating ginagamit upang manatiling matatag sa espirituwal.

Nalaman natin mula sa ating kasaysayan na ang matatatag na pamilya ay hindi nagkataon lamang. Ang pagsunod sa plano ng Panginoon nang tumpak, may wastong hangarin, at determinasyon ay isang sadyang pasiya na puno ng pananampalataya sa mundo sa ngayon. Ito ay isang puno ng pananampalataya at mapagkawanggawang paglilingkod na palakasin ang mga nakapaligid sa atin at pangalagaan ang lahat ng pamilya.

Ang ating kasaysayan ay puno ng ulirang kababaihang sumunod sa utos na “bigyang-ginhawa ang mga maralita” at “iligtas ang mga kaluluwa.”4 Si Amy Brown Lyman ay naglingkod bilang ikawalong Relief Society general president noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinayuhan niya ang kababaihan na palakasin ang kanilang pananampalataya at magtiis. Ibinaling niya ang kanilang tuon sa layuning gawing ligtas na lugar at iprayoridad ang kanilang tahanan sa kanilang buhay.5

Sa pagpasok sa Relief Society, bawat babae ay nagiging bahagi ng isang malaking kapatiran ng kababaihan sa buong mundo, na nagkakaisa sa pagiging disipulo. Ito ay kapag nagsimula siyang makilahok sa iba na determinado ring tuparin ang kanilang mga tipan at ibigay ang lahat ng mayroon sila sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon.

Ipinauunawa sa atin ng ating kasaysayan ang hindi maihihiwalay na kaugnayan natin sa priesthood.

May mahalagang gawain ang Panginoon para sa Kanyang mga anak na lalaki at babae. Ginagawa ng mga korum ng priesthood at Relief Society ang gawain ng Panginoon. Sabi ni Propetang Joseph Smith, “Isasaayos ko ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos ng priesthood.”6

Ngayon tulad noon, ang Relief Society president ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng bishop o branch president, na mayhawak ng mga susi ng priesthood na mamuno sa ward o branch.

Sabi ni Barbara W. Winder, ang ating ika-11 Relief Society general president, “Gustung-gusto ko, at labis kong hangad, na magkaisa tayo, kasama ang priesthood, sa paglilingkod at pagtatayo ng kaharian ng Diyos ngayon.”7

Bukod pa rito ay mahalagang malaman na matatanggap ng bawat babae ang lahat ng ordenansa ng kaligtasan at makagagawa ng mga tipan para makaya niyang gampanan ang kanyang misyon dito sa lupa at sa kawalang-hanggan. Bawat babae ay maaaring makasama palagi ang Espiritu Santo upang siya ay gabayan, panatagin, at pagtibayin ang kanyang mabubuting gawa. Matatanggap din niya ang mga espirituwal na kaloob na nagpapahusay sa kanyang kakayahang mamuhay nang may tiwala at proteksyon. Itinuturo sa atin ng ating kasaysayan kung paano ginamit ng kababaihan noong araw ang mga pagpapalang ito.

Ang kaalaman tungkol sa ating kasaysayan ay naghahanda sa atin para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.

Nalaman natin noong araw na ang kababaihan ng Relief Society ay dumanas ng hirap, ngunit ngayon ay nakikipaglaban din tayo sa isang determinadong kaaway na gustong sirain ang ating pananampalataya at pamilya at iwan tayong nag-iisa at nagdurusa. Ang kasaysayan ng ating Relief Society ay naglalaan ng konteksto para sa lahat ng ating ginagawa. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, pinatulong ng Tagapagligtas ang kababaihan ng dispensasyong ito sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain.

Nalaman natin sa ating kasaysayan kung sino tayo at ang ating mahalagang papel sa plano ng ating Ama sa Langit. Hindi natin maaaring ipaako sa iba ang ating mga responsibilidad. Dahil tayo ay kilala at mahal ng ating Ama sa Langit, tutulungan Niya tayo kapag hinangad nating iayon ang ating kalooban sa Kanyang kalooban. “Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

Mga Tala

  1. Eliza R. Snow, sinipi sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), kabanata 4.

  2. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, kabanata 6.

  3. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, paunang salita.

  4. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, kabanata 2.

  5. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, kabanata 5.

  6. Joseph Smith, sinipi sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, kabanata 2.

  7. Barbara W. Winder, sinipi sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, kabanata 8.

Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon, ni Harry Anderson; larawang kuha ng Busath Photography

Mga Paglalarawan nina Matthew Reier at Howard Collett

Print