2011
Truman O. Angell
Setyembre 2011


Paggunita sa mga Dakilang Tao

Truman O. Angell

Si Truman Osborn Angell (1810–87) ay naglingkod nang ilang dekada bilang arkitekto ng Simbahan. Ipinlano at pinamahalaan niya ang pagtatayo ng maraming mahahalagang gusali, pati na ang Salt Lake Temple. Sa maraming taon ng paglilingkod niya sa Simbahan, si Truman ay mapagpakumbaba at masunurin.

Isinilang siya noong Hunyo 5, 1810, sa Providence, Rhode Island, USA. Noong tinedyer siya, isang artisano sa lugar ang nagturo sa kanya ng pagkakarpintero at paggawa ng mga kagamitang yari sa kahoy, na isang espesyalidad.

Sa edad na 22 ipinakilala siya sa Simbahan ng kanyang kapatid na babae, na nakatanggap ng kopya ng Aklat ni Mormon mula sa misyonerong si Thomas B. Marsh. Noong Enero 1833 si Truman ay nabinyagan kasabay ng kanyang inang si Phebe, at ng kanyang asawang si Polly.

Hindi nagtagal matapos maorden si Truman bilang miyembro ng Pangalawang Korum ng Pitumpu, hiniling ni Propetang Joseph Smith na magtayo siya ng tindahan sa Kirtland, Ohio. Tumanggi si Truman, at sinabi sa Propeta na naghahanda siyang umalis para sa misyon. Gayunman, kinabukasan ay nakita ni Truman ang Unang Panguluhan sa di-kalayuan at nahikayat na tanggapin ang atas ng Propeta na magtayo ng gusali. Kalaunan ay itinala niya, “Kaya binago ko ang aking pasiya at sumunod ako.”1

Noong 1856 ipinadala ni Pangulong Brigham Young si Truman sa misyon sa Europa, at pinagbilinan siya na “dalhin ang mahahalagang drowing ng arkitektura” para siya ay “maging higit na karapat-dapat na magpatuloy” sa pagtatayo ng Salt Lake Temple at iba pang mga gusali.2

Si Truman ay tinawag bilang arkitekto ng Simbahan noong 1867. (Hindi na tumatawag ng opisyal na arkitekto ang Simbahan.) Kahit bagsak na ang kalusugan ni Truman dahil sa matagal na panahong pagtatrabaho, mapakumbaba niyang tinanggap ang tungkulin. Isinulat niya sa kanyang journal, “Mahinang-mahina na ako pero kung gustong sang-ayunan ng Pangulo at ng aking mga kapatid na maging Arkitekto ng Simbahan ang isang hamak na uod sa alabok na tulad ko, hayaan ninyong paglingkuran ko sila at sana’y hindi ako mapahiya. … Nawa’y tulungan ako ng Panginoon na magawa ito.”3

Pinamahalaan ni Truman ang maraming proyekto sa pagtatayo ng mga gusali sa Utah, kabilang na ang Lion House, Beehive House, Utah Territorial Statehouse, at St. George Utah Temple.

Hindi na inabot ni Truman ang paglalaan sa Salt Lake Temple noong 1893, ngunit tapat siyang naglingkod bilang arkitekto ng Simbahan hanggang sa mamatay siya noong 1887.

Mga Tala

  1. Truman O. Angell, sa Kate B. Carter, Our Pioneer Heritage, 20 tomo (1958–77), 10:197.

  2. Tingnan sa Carter, Our Pioneer Heritage, 10:204.

  3. Sa Paul L. Anderson, “Truman O. Angell: Architect and Saint,” sa Supporting Saints: Life Stories of Nineteenth-Century Mormons, inedit nina Donald Q. Cannon at David J. Whittaker (1985), 161; ibinatay sa pamantayan ang pagbabaybay.

Print