2011
Matuto, Kumilos, Magbahagi
Setyembre 2011


Espesyal na Bahagi tungkol sa Tungkulin sa Diyos

Matuto, Kumilos, Magbahagi

Tatlong salita ang nagbibigay sa inyo ng susi sa pagtupad sa inyong tungkulin sa Diyos.

Gusto ni Helaman Ayala ang ninjitsu (isang Japanese martial art). Ang priest na ito sa Hacienda Ward, Mexico City Tecamac Stake, ay gumugol ng maraming oras sa pagsasanay ng kanyang natutuhan. Madalas hilingin ng kanyang mga kaibigan na ipakita niya sa kanila ang iba’t ibang pamamaraan.

Mahilig din siya sa musika at nag-aaral tumugtog ng gitara. “Pero kulang ang oras kong magpraktis,” wika niya. “Kaya’t hindi pa ako gaanong marunong. At hindi ko pa ito gaanong maibahagi.”

Nauunawaan ni Helaman ang kahalagahan ng praktisin ang natutuhan mo at saka mo ito ibahagi. “Hindi puwedeng alam mo lang. Kailangang gawin mo,” wika niya. “Maaari tayong matuto ng mga bagay-bagay, ngunit kung hindi naman natin ito gagamitin, walang kabutihan itong idudulot sa atin. At ang pagbabahagi ay mahalaga para matiyak mo na natutuhan mo nga ito.”

Iyan ang gusto niya tungkol sa bagong Tungkulin sa Diyos. “Gusto ko ang ideyang ‘matuto, kumilos, magbahagi,’” wika niya. “Malaki ang naitulong nito sa akin. Ang dagdag na kaalaman at pagsasabuhay ng natutuhan ko ay nakatulong sa aking patotoo.”

Ginagamit niya ang plano ng kaligtasan bilang halimbawa. Ito ay isang doktrinang maraming beses na niyang narinig. “Ngunit nang pag-aralan ko ito mismo, nakita ko ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit. Inantig ng Espiritu Santo ang puso ko, at nadama ko na ito ay totoo. Nadama ko ang pagmamahal Niya para sa akin kaya Niya isinugo ang Kanyang Anak.”

Habang itinatakda at ginagawa ni Helaman ang kanyang mga mithiin sa Tungkulin sa Diyos, pinasasalamatan niya ang suporta ng kanyang mga magulang. “Hinihikayat ako ng mga magulang ko, pinaaalalahanan ako kapag nakakalimot ako, at itinatanong kung nakapagtakda na ako ng mga mithiin,” wika niya.

Ang kanyang ama, na bishop ng kanilang ward, ay nag-uukol ng panahon na tulungan siya. “Tinutulungan niya akong maintindihan ang mga bagay na hindi ko naiintindihan,” sabi ni Helaman. “Sinusuportahan akong mabuti ng aking ama’t ina sa bagay na iyan.”

Sabi ni Helaman, ang mga mithiing hinihingi ng Tungkulin sa Diyos na itakda ng mga binatilyo ay para sa sarili nilang kabutihan. Napalakas ng Tungkulin sa Diyos ang kanyang pananampalataya at tinulungan siya nitong madaig ang tukso. Natulungan din siya nitong maghanda para sa kanyang kinabukasan. “Tumutulong ang aklat sa paghahanda mong tumanggap ng Melchizedek Priesthood at tinuturuan ka ng maraming bagay na kakailanganin mo bilang misyonero.”

Gaya ng pag-unlad niya sa ninjitsu sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga mithiing matuto, pagkilos ayon sa kanyang natutuhan, at pagbabahagi nito sa iba, alam ni Helaman na “para umunlad sa buhay, kailangan nating magtakda ng mga mithiin at asamin ang hinaharap.”

Sa paggamit ng Tungkulin sa Diyos at sa tulong ng kanyang mga magulang, maganda ang naging simula ni Helaman.

Mga larawang kuha ni Adam C. Olson

Print