“Ano ang mga Palatandaan na Inaabuso ang Isang Tao?” Paano Tutulong (2018).
“Ano ang mga Palatandaan na Inaabuso ang Isang Tao?” Paano Tutulong.
Ano ang mga Palatandaan na Inaabuso ang Isang Tao?
Paalala: Hindi ka inaasahan ni hinihikayat na suriin kung may problema man ang isang tao sa mga bagay na may kinalaman sa pang-aabuso. Ang impormasyong ito ay makakatulong sa iyo na matukoy kung kailangan na ang tulong ng isang dalubhasa sa bagay na ito.
Ang mga palatandaan ng pang-aabuso ay hindi palaging madaling matukoy. Ang isang taong nakaranas, o nakararanas ng, pang-aabuso ay kakikitaan ng maraming palatandaan na may nangyayaring mali, ngunit maaaring may pang-aabuso nang nagaganap kahit walang mga senyales. Gayundin, may mga palatandaan na aakalain na pang-aabuso pero ibang problema pala ang pinagmulan. Magandang kausapin muna ang biktima para maunawaan ang nangyayari. Gayunman, kadalasang nahihirapang magsabi ang mga biktima na naabuso o naaabuso sila. Kung may anumang pahiwatig ng pang-aabuso, basahin ang “Ano ang dapat kong gawin kung alam ko o may hinala ako na inaabuso ang isang tao?”
Bilang mga anak ng Diyos at magkakapatid, responsibilidad nating alamin ang mga pangangailangan at alalahanin ng iba at tulungan sila nang may pagmamahal. Itinuro ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President, “Pinangangalaan [natin] ang isa’t isa, iniingatan ang isa’t isa, inaaliw ang isa’t isa, at naroon para sa isa’t isa anuman ang mangyari.” (“Kapatiran ng Kababaihan: Ah, Kailangang-Kailangan Natin ang Isa’t Isa,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 119).
Mga Karaniwang Palatandaan
Kadalasang nagpapakita ng hindi lamang isang palatandaan na nakakabahala ang mga biktima. Ang mga palatandaan ng pang-aabuso ay maaaring mag-iba batay sa uri ng pang-aabuso (seksuwal, pisikal, emosyonal, o verbal) at ang gulang ng taong naabuso.
Ang mga biktima ng pang-aabuso ay maaaring kakitaan ng mga nakababahalang palatandaan:
-
Naiiba na ang kilos kaysa dati
-
Nagiging mas agresibo na
-
Mas kabado o mas mapagmatyag
-
Hirap makatulog at palaging binabangungot
-
Lumalayo at ayaw makihalubilo sa mga tao
-
Wala nang interes sa dating mga kinahihiligan
-
May mga sugat o pinsala na hindi maipaliwanag
-
Mas nagiging sumpungin (galit, desperado, malungkot) kaysa normal
-
Naliligalig sa pakikipagtalik
-
Palaging nananakit (kasama na rito ang pananakit sa sarili, paggamit ng ilegal na droga, at peligroso o hindi angkop na pakikipagtalik).
Hindi sapat ang mga palatandaan na ito para masabing inaabuso ang isang tao. Para malaman pa kung paano kausapin ang taong may hinala ka na naaabuso, basahin ang artikulong “Ano ang dapat kong gawin kung alam ko o may hinala akong inaabuso ang isang tao?”
Mga Karaniwang Nadarama, Iniisip, at Inaasal ng mga Nakaligtas sa Seksuwal na Pang-aabuso
Kapag nalaman mo ang mga nadarama, iniisip, at inaasal na maaaring epekto ng seksuwal na trauma, makakatulong ito para matukoy mo ang mga palatandaan ng pang-aabuso. Matutulungan ka rin nito na unawain at damayan ang biktima at hikayatin silang humingi ng tulong. Bagama’t ang ugat ng mga nadarama, iniisip at inaasal na ito ay ang pang-aabuso, makikita ang mga epekto sa maraming aspeto ng buhay ng biktima.
Nadarama
-
May duda sa sarili at kulang sa kumpiyansa.
-
Nahihiya.
-
Nalilito sa pagkatao.
-
Galit sa sarili at sa iba.
-
Iniisip palagi na may kasalanan.
-
Natatakot at nahihirapang magtiwala sa iba.
-
Palaging nasasaktan; pagod na pagod.
-
Pakiramdam nila ay palaging may nakatingin sa kanila at alam ang iniisip nila.
-
Nakakaranas ng depresyon o pagkabalisa.
-
Hirap magdesisyon.
Iniisip
Nagtataka kung:
-
Bakit nangyayari ito sa akin?
-
Bakit hindi ako mahal ng mga tao?
-
Bakit hindi ako puwedeng maging mabuti?
-
Ano ang nangyari sa akin?
-
Bakit ayaw nila akong tigilan?
-
Bakit hindi ko pwedeng makatulad ang iba?
-
Bakit sa akin palagi nangyayari ito?
-
Bakit hindi ito pigilan ng Diyos o ng ibang tao?
Sinisisi at pinaparusahan ang sarili:
-
Siguro ako ang dahilan kaya nangyari ito.
-
Siguro ako ang may kasalanan.
-
Siguro napakasama kong tao.
-
Siguro talagang may mali sa akin.
Naniniwala kung minsan na:
-
Hindi ako mahal ng Diyos.
-
Hindi ako mahal ng mga magulang ko.
-
Hindi na magbabago ang sitwasyon ko.
Mga iba pang iniisip:
-
Walang tiwala sa sariling pagpapasiya.
-
Naniniwala na ang mundo ay magiging mas mabuti kung wala sila.
-
Hindi makaagapay sa iba.
-
May ugaling magsabi ng “Wala akong pakialam.”
Mga Inaasal
-
Iniiwasan o pinipintasan ang ibang tao.
-
Nagiging lubhang relihiyoso.
-
Hirap sumunod sa mga awtoridad, pati na sa mga lider ng Simbahan.
-
Nagkakaproblema sa kalusugan.
-
Nagtatangkang magpakamatay o sinasaktan ang sarili.
-
May masamang gawi sa pakikipagtalik; maaaring makaranas ng problema sa pakikipagtalik ng mag-asawa.
-
Hindi maganda ang pakikipag-ugnayan sa iba at hinahayaang abusuhin sila ng iba.
-
Kadalasang inaako ang kasalanan; tinatanggap ang mali at responsibilidad.
-
Nagsisikap maging perpekto.
-
Nakakaramdam ng matinding pagkahabag sa iba.
-
Mas labis na nakatuon sa mga pangangailangan ng iba (kasama ang pamilya) kaysa sa sarili.
Mga iba pang inaasal ng mga bata at tinedyer:
-
Madaling umiyak.
-
Gustong laging pinapansin ng mga nakatatanda, kung minsan kahit pati ng umaabuso sa kanila.
-
Umiiwas o hindi interesado o sobrang interesado sa mga pag-uusap na angkop sa edad nila tungkol sa pakikipagtalik.
-
Maraming mga hindi maipaliwanag na takot.
-
Nagpapabaya sa mga gawain sa paaralan, o nagtutuon nang labis sa gawain sa paaralan, isport, o iba pang mga aktibidad para makatakas.
-
Madaling magsinungaling.
-
Nagrerebelde sa mga magulang at guro.
-
Lumalayas sa tahanan.
Resources mula sa Simbahan at Komunidad
(Ang ilan sa mga sangguniang nakalista sa ibaba ay hindi nilikha, pinapanatili, o kinokontrol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagaman ang mga materyal na ito ay ginawa bilang karagdagang sanggunian, hindi iniendorso ng Simbahan ang anumang nilalaman na hindi akma sa mga doktrina at mga turo nito.)
-
“Child Abuse,” Mayo Clinic
-
“Domestic Violence and Abuse,” Helpguide.org
-
“What Is Domestic Violence?” National Coalition Against Domestic Violence
-
“What Is Domestic Violence?” National Domestic Violence Hotline
-
“A Conversation on Spouse Abuse,” Ensign, October 1999
-
“Warning Signs,” The Rape, Abuse & Incest National Network (RAINN)
-
“What Is Child Abuse and Neglect? Recognizing the Signs and Symptoms,” Child Welfare Information Gateway
-
“Elder Abuse,” National Institute on Aging
-
“What Is Abuse?” kidshealth.org
-
“Signs, symptoms, and effects of child abuse and neglect,” National Society for the Prevention of Cruelty to Children (NSPCC)