Pang-aabuso
Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Alam Ko o May Hinala Ako na Inaabuso ang Isang Tao?


“Ano ang dapat kong gawin kung alam ko o may hinala ako na inaabuso ang isang tao?” Paano Tutulong (2018).

“Ano ang dapat kong gawin kung alam ko o may hinala ako na inaabuso ang isang tao?” Paano Tutulong.

Ano ang dapat kong gawin kung alam ko o may hinala ako na inaabuso ang isang tao?

Kung alam mo o may hinala ka na inaabuso ang isang tao, ireport ang pang-aabuso sa mga awtoridad. Pagkatapos, tulungang makipag-ugnayan ang tao sa ibang resources para sa proteksyon at pagpapagaling, kabilang na ang tulong medikal, mga lider ng Simbahan, at mga propesyonal na tagapayo.

Mga gabay sa pakikipag-usap sa biktima ng pang-aabuso

Maging mapagmalasakit, at sensitibo kapag kinakausap ang mga biktima ng pang-aabuso. Maaaring hindi pa sila handa na pag-usapan kaagad ang pang-aabuso. Ang sumusunod na gabay ay makakatulong lalo na kapag tinedyer o mas matanda na ang kausap dahil kaya na nilang ilarawan ang naranasan nila. Ang maliliit na bata, o ang mga taong may kapansanan sa katawan o pag-iisip, ay kailangang alalayan kapag nagkukuwento ng naranasan nila.

  1. Mag-ukol ng oras sa pakikinig.

    Maaaring matagalan bago makapagsimulang magkuwento ang naabuso. Mahalagang magtiyaga at makinig. Ipadama sa tao ang iyong pagmamahal at tiwala. Kung maaari, pumunta sa ligtas at komportableng lugar na kung saan ay maaari kayong makapag-usap. Manatiling kalmado at maglaan ng oras para makinig.

    Huwag mataranta o sumobra sa reaksyon sa sinasabi sa iyo ng tao. Baka hindi na siya makipag-usap sa iyo dahil dito.

  2. Seryosohin ang mga ibinunyag.

    Bihirang mali ang report ng pang-aabuso. Habang nakikinig ka, huwag balewalain o tangkaing bawasan ang sinabi sa iyo ng tao. Dahil maaaring takot sabihin sa iyo ng tao ang nangyari, unawain at alalayan siya habang nagsasalita. Ipakitang dinadamayan mo siya. Ipaalam sa kanya na naging matapang siya na sabihin sa iyo ang pang-aabuso at naniniwala ka sa sinabi niya sa iyo.

    Sa pang-aabuso sa bata, maaaring pinagbantaan ng nang-abuso ang bata na sasaktan ito o may mangyayaring masama rito kapag may sinabihan ito tungkol sa pang-aabuso. Ipadama sa kanya na mahal mo siya at gusto mong ligtas siya at protektado siya.

  3. Huwag isisi sa tao ang pang-aabuso o ipahiwatig na kasalanan din nito kaya siya naabuso.

    Alalahanin ang kuwento tungkol kay Jose na ipinagbili sa Egipto. Napanaginipan niya na siya ang mamumuno sa kanyang mga kapatid. Nang ikuwento niya sa kanyang mga kapatid ang panaginip, nagalit sila sa kanya at inihulog siya sa hukay at ipinagbili bilang alipin (tingnan sa Genesis 37). Kahit ikinuwento ni Jose sa kanyang mga kapatid ang panaginip, hindi niya kasalanan kung bakit tinrato nila siya nang ganoon. Walang maling ginawa si Jose at hindi siya dapat sisihin.

    Maaaring akalain ng biktima ng pang-aabuso na siya ang may kasalanan at dapat sisihin. Maaaring isipin niya na kung naging mas alisto o mas malakas siya, napigilan sana niya ang pang-aabuso. Kapag inaabuso ang mga bata, madalas na inaakit o nililinlang sila. Ipaalam sa mga biktima na hindi nila kasalanan na naabuso sila at wala silang ginawang mali.

  4. Humingi ng tulong.

    Kaagad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, sa mga serbisyong pumoprotekta sa bata, mga serbisyong pumoprotekta sa matatanda, tagapamagitan sa biktima, o mga propesyonal sa medisina. Ang mga serbisyong ito ay makakatulong sa biktima at makakapigil sa pang-aabuso. Tingnan ang page na “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso” para sa iba pang impormasyon.

    Dapat gampanan ng mga lider at miyembro ng Simbahan ang lahat ng legal na obligasyon na ireport ang pang-aabuso sa mga awtoridad. Ang mga bishop at stake president ay dapat pumunta sa counselingresources.org para sa karagdagang impormasyon.

  5. Tulungan ang biktima na makipag-ugnayan sa mga makakatulong sa kanya.

    Maaaring kailanganin ng biktima ng tulong mula sa iba pang resources at sa mga dalubhasa, kabilang na ang mga awtoridad, serbisyong medikal, serbisyong legal, propesyonal na tagapayo, at mga lider ng Simbahan. Maaari mo siyang samahan sa pagpunta sa mga serbisyong ito at gumawa ng plano na makakatulong sa kanya na manatiling ligtas.

    Maaari ding magbigay ng resources o tulong ang bishop para malunasan ang pang-aabuso at masimulan ang pagpapagaling sa naabuso.

    Kung menor-de-edad ang biktima, hikayatin siyang sabihin sa kanyang mga magulang o tagapag-alaga ang pang-aabuso, kung hindi pa nila alam. Kung ang magulang ang nang-abuso, hikayatin ang biktima na kausapin ang magulang na hindi nang-abuso o isa pang matanda na mapagkakatiwalaan at makakatulong.

Resources mula sa Simbahan at sa Komunidad

(Ilan sa resources na nakalista sa ibaba ay hindi ginagawa, pinapanatili, o kontrolado ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagaman ang mga materyal na ito ay ginawa bilang karagdagang sanggunian, hindi iniendorso ng Simbahan ang anumang nilalaman na hindi akma sa mga doktrina at mga turo nito.)

Kaugnay na mga Artikulo