“Ano ang dapat kong gawin kung naabuso ang aking anak?” Paano Tutulong (2018).
“Ano ang dapat kong gawin kung naabuso ang aking anak?” Paano Tutulong.
Ano ang dapat kong gawin kung naabuso ang aking anak?
Maaaring makaramdam ka ng iba’t ibang emosyon kapag natuklasan mong naabuso ang iyong anak. Maaaring mabigla ka, hindi makapaniwala, magalit, at malungkot. Normal lang na maguluhan ka kung kaninong pangangailangan ang kailangan mong pagtuunan, lalo na kapag ang umabuso sa anak mo ay miyembro ng iyong pamilya. Napakahirap alamin kung paano mo tutugunan ang pangangailangan ng bawat isa. Unang dapat mong iprayoridad ang tugunan ang mga pangangailangan ng naabusong anak. Pangalawang dapat mong iprayoridad ang makahingi ng tulong para sa iyo at sa iyong pamilya. Kung ang isa sa iyong mga anak ang nang-abuso, kakailanganin din niya ang tulong.
Alalahaning ipanalangin sa Ama sa Langit na payuhan ka at hingin ang tulong ng Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Lahat tayo ay inaanyayahan ng Panginoon na lumapit sa Kanya anuman ang ating kalagayan:
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.
“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:28–30).
Mga Pangangailangan ng Iyong Anak
Ang mga batang naabuso ay tila walang alalahanin kung titingnan—at karamihan sa kanila ay sasabihing ayos lamang sila. Kumikilos sila na parang hindi sila naapektuhan ng pang-aabuso. Ilan sa kanila ang hindi na gustong ikuwento ang naranasang pang-aabuso sa iba’t ibang dahilan. Maaaring kabilang dito ang kahihiyan, pag-iwas na maalaala pa ang sakit o trauma, takot na masangkot sa gulo, takot na mapahamak ang iba, hindi gaanong nauunawaan ang nangyari o nangyayari, at hindi kayang sabihin ang naranasan. Mahalagang isipin na kung ang nang-abuso ay kakilala nila at pinagmamalasakitan, maaaring gustong protektahan ng bata ang nang-abuso sa posibleng mangyari dito. Anuman ang nais ng iyong anak, mahalagang gawin ang sumusunod sa sandaling malaman mo ang pang-aabuso:
-
Gumawa ng mga hakbang para maprotektahan ang bata mula sa iba pang pang-aabuso.
-
Ireport ang pang-aabuso sa mga awtoridad. Maging handa na magbahagi ng impormasyon tungkol sa nang-abuso, sa naabusong anak, at sa anumang nalamang impormasyong tungkol sa pang-aabuso. Natural lamang kung hindi mo alam ang sagot sa lahat ng itatanong sa iyo sa report. Makipagtulungan sa mga awtoridad at sabihin sa kanila ang lahat ng nalalaman mo. Makakatulong ito na mapanatiling ligtas ang bata.
-
Kung inabuso ang bata ng ibang miyembro ng pamilya (tulad ng kapatid o magulang), pinakamagandang opsyon ang ialis sa tahanan ang nang-abuso.
Kailangan ng naabusong anak ang suporta, pag-unawa, at katiyakan na mapoprotektahan siya. Itanong sa iyong anak kung ano ang makatutulong sa kanya at, hangga’t maaari, ibigay sa kanya ang mga bagay na iyon. Ang mga lider ng Simbahan, mga awtoridad, at mga propesyonal na tagapayo ay makatutulong sa iyo na magawa ang mga bagay na makakapagprotekta.
Tiyakin sa bata na hindi niya kasalanan ang pang-aabuso; ang maabuso ay hindi kasalanan; at wala siyang dapat pagsisihan. Ipaalam sa kanila na may tutulong at susuporta sa kanila. Kung maaari, ipakausap na mabuti ang iyong anak sa propesyonal na tagapayo na sanay nang makitungo sa mga batang naabuso. Aalamin ng tagapayo ang naging epekto ng pang-aabuso sa iyong anak at magpapayo kung paano siya tutulungang mapagaling.
Paghingi ng tulong para sa iyo at sa iyong pamilya
Tandaan, hindi ikaw ang mananagot kung inabuso ng isang tao ang iyong anak; ang tanging mananagot ay ang nang-abuso. Makakatulong sa mga magulang at iba pang mga miyembro ng pamilya ng mga batang naabuso ang payo ng isang propesyonal. Makakatanggap ka rin ng espirituwal at emosyonal na suporta mula sa mga lider ng Simbahan. Tiyakin mong mag-ukol ng oras na muling magpalakas sa espirituwal, emosyonal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal.
Maging mabait sa iyong sarili at sa mga miyembro ng iyong pamilya. Ang malamang naabuso ang iyong anak ay mabigat na pasanin sa ugnayan ng pamilya. Patuloy na gawin ang mga bagay na nagpapatibay sa ugnayan ng pamilya. Tipikal sa mga magulang na isiping hindi na maibabalik sa normal ang mga bagay-bagay. Matagal bago maibalik ang lahat sa dati, pero huwag mawalan ng pag-asa. Matutulungan kang pagalingin ng Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Kung kapamilya mo ang nang-abuso, baka kailanganing palipatin mo siya ng bahay. Bagaman tila pinaghihiwalay nito ang pamilya, magandang hakbang ito na maaaring humantong sa ganap na paggaling ng bawat sangkot sa pangyayari. Sa ilang sitwasyon, posible na magkasamang muli ang pamilya sa tulong ng mga awtoridad at mga propesyonal na tagapayo. Sa ibang sitwasyon, maaaring hindi makakatulong ang pagsasama pang muli ang pamilya.
Resources mula sa Komunidad at Simbahan
(Ilan sa resources na nakalista sa ibaba ay hindi ginawa, pinapanatili, o kontrolado ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagaman ang mga materyal na ito ay ginawa bilang karagdagang resources, hindi iniendorso ng Simbahan ang anumang nilalaman na hindi akma sa mga doktrina at mga turo nito.)
-
“Why a Child May Sexually Harm Another Child,” Stop It Now!
-
“Help for Parents of Children Who Have Been Sexually Abused by Family Members,” Rape, Abuse & Incest National Network (RAINN)
-
“What to Do If Your Child Discloses Sexual Abuse: A Guide for Parents and Caregivers,” National Child Traumatic Stress Network (NCTSN)
-
“Coping with the Shock of Intrafamilial Sexual Abuse: Information for Parents and Caregivers,” National Child Traumatic Stress Network (NCTSN)