Pang-aabuso
Paano Masusuportahan ng mga Lider ng Simbahan ang mga Biktima ng Pang-aabuso?


“Paano Masusuportahan ng mga Lider ng Simbahan ang mga Biktima ng Pang-aabuso?” Paano Tutulong (2018)

“Paano Masusuportahan ng mga Lider ng Simbahan ang mga Biktima ng Pang-aabuso?” Paano Tutulong

Paano masusuportahan ng mga lider ng Simbahan ang mga biktima ng pang-aabuso?

3:28

Dapat tawagan kaagad ng mga bishop, branch president, at stake president ang ecclesiastical help line ng Simbahan sa tuwing may malalaman silang pang-aabuso para matulungan ang mga biktima at maibigay ang mga pagrereport na kailangan. Ang tulong na ibinigay ay maaaring gumabay sa mga pagsisikap ng ward council na suportahan ang mga biktima ng pang-aabuso.

Dahil sa traumang dulot ng pang-aabuso, maaaring maapektuhan ang mga biktima sa pisikal, espirituwal, mental, at emosyonal na aspeto. Bilang lider, maaaring may mga tanong ka kung paano makakatulong.

Ang pagdaragdag sa iyong kaalaman at pag-unawa sa mga epekto ng pang-aabuso ay tutulong sa iyo na magbigay-suporta, maglingkod, at epektibong magbigay ng espirituwal na patnubay at suporta.

Pag-unawa sa mga Biktima

Ang mga biktima ng pang-aabuso ay maaaring mag-isip, makadama, at kumilos nang iba kaysa sa ginagawa nila bago sila inabuso. Sa iyong hangaring masuportahan ang mga biktima, humingi ng impormasyon para sensitibong makatugon. (Tingnan sa “Paano ko matutulungan ang isang taong naabuso?” para sa karagdagang impormasyon kung paano magbigay ng suporta).

Maging sensitibo sa mga sumusunod habang nakikipagtulungan ka sa mga miyembrong ito:

Bumuo ng tiwala

Sinisira ng pang-aabuso ang tiwala, kahit sa mga taong pinaka-maaaring mapagkatiwalaan, kabilang na ang mga kapamilya, kaibigan, lider ng Simbahan, at ang Diyos. Kahit na lumapit ang mga biktima sa iyo para sa suporta, maaaring hindi ito nangangahulugan na may ugnayan kayo ng pagtitiwala. Maaring naghahanap ang mga biktima ng mga taong inaasam nilang mapagkakatiwalaan.

Karaniwan sa mga biktima ng pang-aabuso ang magkuwento ng mga bahagi lamang ng kanilang karanasan (tingnan sa “Paano kung nahihirapan akong magtiwala sa iba?”). Maaaring kailanganin mong mag-ukol ng karagdagang oras sa pagbuo ng ugnayan ng pagtitiwala at pagtugon sa kaligtasan o iba pang mga alalahanin.

Ano ang maaari mong gawin:

  • Hangaring tumugon nang may pagmamahal.

  • Maniwala sa kanilang karanasan.

  • Maging bukas at tapat.

  • Makipag-ugnayan sa miyembro nang madalas sa inyong (mga) talakayan tungkol sa magagawa mo para matulungan silang madama na ligtas sila (halimbawa, itanong kung nais nilang samahan sila ng isang tao, hayaang pumili ang mga nakaligtas kung kailan at kung saan kayo magtitipon at alamin kung komportable sila sa mga paksang tinatalakay)

  • Ipaliwanag nang malinaw ang iyong mga iniisip at ginagawa at hikayatin ang mga biktima na magtanong kung hindi nila nauunawaan.

  • Mag-ingat sa iyong mga pananalita. Ang pagsasabi ng mga bagay na tulad ng “hayaan mo na lang” o “oras na para kalimutan mo na iyan,” ay maaaring magpadama sa kanila na parang hindi ka nagmamalasakit o na sa palagay mo ay labis-labis ang kanilang reaksiyon (tingnan sa “Mga Emosyon, Kaisipan, at Pag-uugali na Karaniwang Nararanasan ng mga Nakaligtas sa Seksuwal na Pang-aabuso”).

  • Gawing regular ang iyong mga pakikipag-ugnayan.

  • Tiyaking gagawin mo ang sinasabi mong gagawin mo.

Muling pagtibayin ang kahalagahan at pagkamarapat

Ang pang-aabuso ay kadalasang nakapipinsala sa pananampalataya ng isang biktima. Karamihan sa mga biktima ay nadaramang pinabayaan sila ng Diyos at nagtataka kung bakit hindi Niya sila pinrotektahan o itinigil ang pang-aabuso. Madalas ay mali nilang sinisisi ang kanilang sarili sa nangyaring pang-aabuso. Karamihan sa mga biktima ay nag-aalinlangan sa kanilang kahalagahan. Ang ilan ay maaaring magtuon sa pagiging masyadong relihiyoso upang pagtakpan ang nadarama nilang pagiging di-nararapat. Ang iba naman ay maaaring mawalan ng pag-asa at nahihirapan sa kanilang pananampalataya o maaaring lumayo sa mga espirituwal na aktibidad.

Paano ka makakatulong:

  • Kilalanin ang mga personal na paniniwala ng mga biktima tungkol sa kanilang kahalagahan at pagkamarapat.

  • Maingat na ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo tungkol sa kahalagahan at pagiging karapat-dapat.

  • Bigyang-diin ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas para sa kanila.

  • Tiyakin sa mga biktima na hindi nila kasalanan ang pang-aabuso (tingnan sa “Paano kung sa palagay ko ay kasalanan ko ang pang-aabuso?” at “May halaga pa ba ako”).

Linawin ang paghihirap

Maaaring mali ang paniniwala ng mga biktima na ang pang-aabuso ay isang pagsubok na ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit upang may matutuhan sila. Maaaring sinabihan sila na ang pagdanas ng pang-aabuso ay kailangan para sa kanilang pag-unlad o bahagi ito ng plano para sa kanilang buhay. Ito ay maling doktrina; ang Panginoon ay hindi ang may-akda o pinagmumulan ng kalupitan sa buhay ng Kanyang mga anak (tingnan sa Santiago 1:13, 17; 2 Nephi 26:24; Omni 1:25; Alma 5:40; Moroni 7:12). Ang maling ideyang ito ay maaaring maging dahilan para hanapin nila ang positibo sa kanilang sitwasyon at sikaping balewalain ang sakit na nararamdaman nila. Maaari din nilang isipin na nais ng Diyos na magdusa sila.

Ano ang maaari mong gawin:

  • Iwasang sabihin sa mga biktima na ibinigay sa kanila ng Diyos ang pagsubok na ito upang matutuhan nila ang isang bagay o iyon ay isang bagay na sinang-ayunan nila sa premortal na buhay.

  • Tulungan silang maunawaan na ang pang-aabuso ay tuwirang resulta ng pagpili ng ibang tao na gamitin ang kanyang kalayaang pumili sa maling paraan.

  • Ituro sa mga biktima na mahal sila ng Diyos at sila ay “tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw” (Alma 36:3).

Sundin ang sariling timeline ng biktima para sa kanyang pagpapagaling at pagpapatawad

Madalas madama ng mga biktima na pinipilit silang patawarin ang nagkasala bago pa sila maging handa. Kung sasabihan sila na agad magpatawad, maaari silang maniwala na ang pangangailangan ng nagkasala ay mas malaki kaysa sa pangangailangan nilang gumaling. Habang naghihilom ang sakit na nadarama ng mga biktima, darating ang kanilang kakayahang magpatawad.

Ano ang maaari mong gawin:

  • Tulungan ang mga biktima na magtuon sa sarili nilang paggaling.

  • Tulungan ang survivor o nakaligtas na maging matiyaga sa sarili niyang hangaring magpatawad. Iwasang magtakda ng timeline para sa pagpapagaling at pagpapatawad. Pakinggan ang mga biktima para maunawaan kapag handa na silang magpatulong sa pagsisikap na magpatawad. Gagawing posible ng mga hakbang ng pagpapagaling ang pagpapatawad (tingnan sa “Gagaling pa kaya ako mula rito?” at “Posible bang magpatawad?”).

  • Tulungan ang survivor o nakaligtas na magtiwalang darating ang tunay na batas ng katarungan ng Panginoon sa buhay ng nagkasala.

Tulungan silang patawarin ang kanilang sarili

Maaaring gumawa ang mga biktima ng masasamang pagpili bilang paraan ng pagharap sa trauma o sakit na nadarama mula sa pang-aabuso. Halimbawa, maaari nilang subukang maging manhid sa sakit at trauma sa pamamagitan ng paggamit ng alak o droga. Maaaring nahihirapan silang patawarin ang kanilang sarili sa mga pagpiling ito.

Ano ang maaari mong gawin:

  • Ipaalala sa kanila na sila ay minamahal.

  • Hayaan silang talakayin ang mga bagay na pinaniniwalaan nilang kailangan nila ng kapatawaran o kailangan nilang pagsisihan.

  • Nang hindi kinukunsinti ang kanyang mga pag-uugali, mahabaging talakayin sa survivor o nakaligtas ang kanyang mga kilos at kung paano ginamit ang mga kilos na iyon upang makayanan ang trauma ng pang-aabuso.

  • Bigyan sila ng katiyakan sa awa at pagmamahal ng Tagapagligtas.

  • Bigyan sila ng katiyakan sa inyong di-nagbabagong positibong damdamin tungkol sa kanila.

  • Tulungan sila sa kanilang landas tungo sa pagpapatawad sa sarili.

  • Hikayatin silang unawain na matutulungan sila ng kanilang bishop na malaman kung ano ang dapat at kung ano ang hindi kailangang pagsisihan.

Igalang ang mga personal na espasyo

Maraming biktima ng pang-aabuso ang sensitibo sa nangyayari sa paligid nila. Kadalasang hindi sila komportable sa pisikal na pakikipag-ugnayan. Kapag tinanong ang mga biktima kung ayos lang sa kanila na yakapin sila, madalas silang magsabi ng oo, kahit na gusto talaga nilang tumanggi.

Ano ang maaari mong gawin:

  • Tulungan ang mga biktima sa pamamagitan ng paggalang sa kanilang personal na espasyo.

  • Hayaang talakayin ng biktima ang pisikal na haplos na komportable sa kanila (kung mas mabuting wala nito, pakikipagkamay lamang, o yakap). Hayaan sila ang magsimula sa pag-uusap na ito dahil baka maramdaman nila na pinipilit silang tumugon

  • Dapat mong malaman na madalas isantabi ng mga biktima ang sarili nilang pisikal na kapanatagan para mabigyang-kasiyahan ang iba.

Magbigay ng katiyakan sa biktima sa gitna ng mga paalala tungkol sa trauma

Ang trauma ng pang-aabuso ay nagiging dahilan para maging mahina ang mga biktima sa mga nagiging sanhi o trigger, na mga paalala tungkol sa nangyari. Maaaring mangyari ang mga trigger anumang oras. Ang survivor o nakaligtas ay maaaring maudyukan o ma-trigger ng isang bagay na nakikita, naamoy, naririnig, at iba pa. Kapag nagsisimulang madama ng mga biktima ang sanhi o “trigger” kadalasan ay nakadarama sila ng mga sintomas na katulad ng naranasan nila noong panahon na inabuso sila. Maaaring kabilang dito ang labis na pagpansin sa kanilang kapaligiran, dagdag na pag-aalala, mas mabilis na tibok ng puso, pamamawis, panginginig, takot, o na kailangan silang lumayo sa iba.

Ano ang maaari mong gawin:

  • Kapag ibinabahagi sa iyo ng mga biktima ang damdaming ito:

    • Magbigay ng katiyakan na ang mga pagtugon na ito ay tunay at karaniwan.

    • Hayaang talakayin ng biktima ang kanyang mga bagay na kailangan nila sa mga sitwasyong ito.

    • Magpakita ng pag-unawa sa mga pangangailangan ng biktima.

  • Kung nadarama ng biktima ang trigger kapag kasama mo siya

    • Tiyakin sa biktima na ligtas siya.

    • Hayaang umalis ang survivor o nakaligtas kung nadarama niya na kailangan niyang umalis.

    • Bigyan ang mga survivor o nakaligtas ng mas malaking puwang; maaaring kailanganing iwan mo sila at hayaan silang harapin ang nagiging sanhi o trigger sa kanila.

Pagtulong sa mga Biktima na Madamang Ligtas Sila

Kadalasan ay nahihirapan ang mga biktima na madamang ligtas sila sa pisikal at emosyonal na aspeto. Ang paglikha ng ligtas na kapaligiran para sa mga biktima ay makatutulong sa kanila na magkaroon ng tiwala at makahanap ng paghilom.

Kapag nakikipagkita sa mga biktima, isipin ang sumusunod:

  • Itanong kung nais nila na may kasamang ibang tao (na sila mismo ang pipili).

  • Itanong kung nais nilang nakabukas ang pinto.

  • Anyayahan silang maupo saanman pinaka-komportable para sa kanila.

Kung ang biktima ay nasa kongregasyon kung saan naroon din ang nang-abuso, tandaan na pinakamahalaga ang kaligtasan ng biktima. Isaalang-alang kung ano ang magagawa mo para matulungan ang biktima na madamang ligtas siyang makikibahagi sa mga serbisyo o aktibidad ng Simbahan.

Paghingi ng Tulong para sa mga Biktima

Maaaring kailanganin ng mga biktima ng maraming mapagkukunan ng suporta habang nasa gitna sila sa proseso ng pagpapagaling. Ang mga bishop at iba pang mga lider ng Simbahan ay maaaring sumangguni sa Family Services, kung available ito, tungkol sa kung paano pinakamainam na masusuportahan ang mga biktima at makakahanap ng available na resources.

Kapag tumutulong sa mga biktima na makakuha ng suporta, isaalang-alang ang sumusunod:

  • Mag-alok na tulungan ang mga biktima sa paghingi ng propesyonal na tulong.

  • Iwasang maglagay ng timeline kung gaano katagal dapat ang counseling. Dapat mong malaman na magkakaiba ang oras sa counseling, depende sa sitwasyon ng indibiduwal.

(Mga Bishop Lamang)

  • Kung bibigyan ng pahintulot, regular na sumangguni sa therapist ng biktima.

  • Maaari mong bayaran ang halaga ng propesyonal na counseling, anuman ang kakayahan ng biktima na magbayad (maaari itong talakayin sa pamamagitan ng fast offering resources).

Resources mula sa Simbahan at Komunidad

(Ilan sa resources na nakalista sa ibaba ay hindi ginagawa, pinapanatili, o kontrolado ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagaman ang mga materyal na ito ay ginawa bilang karagdagang sanggunian, hindi iniendorso ng Simbahan ang anumang nilalaman na hindi akma sa mga doktrina at mga turo nito.)

Kaugnay na mga Artikulo