“1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet (2020)
“1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary
1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress
Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga pangkalahatang mungkahi para maiwasan ang sobrang stress at makayanan ang ganitong mga pagkakataon. Ang mga mungkahing ito ay makatutulong sa lahat ng mga missionary.
A. Pagtugon sa Stress sa Positibong Paraan
-
Manalangin nang taimtim at madalas. Sabihin sa Panginoon ang iyong nadarama, mga karanasan, plano, at alalahanin. Hilingin na mapasaiyo ang Espiritu sa lahat ng bagay. Isulat ang mga impresyong natatanggap mo sa iyong pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maging alerto sa espirituwal na patnubay na maaaring matanggap mo sa buong maghapon. Pakinggan ang tinig ng Espiritu. Sa paggawa nito, patuloy kang makatatanggap ng patnubay, kapanatagan, at tulong. “Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Hilingin sa Panginoon na tulungan kang tukuyin at sundin ang mga espirituwal na pahiwatig.
-
Maging panatag. Ang kapanatagan ay hindi nangangahulugan lamang ng pisikal na kapanatagan, bagaman tiyak na kasama iyon. Ang pagiging panatag ay panloob na pag-uugali. Ito ay katahimikan ng kalooban na nag-aanyaya sa presensya ng Diyos. “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios” (Mga Awit 46:10). Matutong maging panatag. Sa gayon ay magiging mas sensitibo ka sa mga pahiwatig ng Espiritu. Mas matutugunan mo ang mga ipinagagawa ng iyong misyon. Sa tuwing nakadarama ka ng sobrang stress, maaari mong sanaying maging panatag ang sarili mo. Sa halip na magtuon sa mga pumapasok sa iyong isipan, pansinin ang mga nadarama ng iyong katawan. Pansinin kung ang mga kalamnan mo ay naninigas o nakarelaks, at pansinin ang mga tunog at amoy sa paligid mo. Lalong makatutulong ang bigyang-pansin ang iyong paghinga (tingnan Breathing Exercise o Ehersisyo sa Paghinga). Hindi mo sinisikap na pigilin ang anumang kaisipan o isara ang iyong isipan. Iniaalis mo lang ang iyong pansin sa mga pag-aalala at pangamba. Nagbibigay ito ng karagdagang puwang para pumasok ang Espiritu sa iyong isipan. Matutulungan ka rin nitong makadama ng higit na kapayapaan.
-
Kilalanin ang kamay ng Panginoon sa lahat ng bagay. May pribilehiyo kang makibahagi sa mahimalang gawain ng Diyos na pagpalain ang Kanyang mga anak. Magpraktis araw-araw na pagtuunan ng pansin ang mga pagpapalang ipinagpapasalamat mo. Pansinin ang impluwensya ng Espiritu sa iyong buhay, at isulat ang tungkol dito sa iyong journal (tingnan sa Moroni 10:3).
-
Maglingkod gamit ang iyong mga kakayahan at talento. Gumawa ng listahan ng iyong mga kakayahan, talento, at espirituwal na kaloob. Ang iyong mga kakayahan ay bahagi ng kamalig ng Panginoon. Ginagamit Niya ang mga ito upang basbasan ang Kanyang mga anak at itayo ang Kanyang kaharian. Mahalagang bahagi ng iyong misyon ang paglinang sa iyong mga kaloob. Gamitin ang iyong mga kakayahan sa paraan ni Cristo para tulungan ang ibang tao. Isipin ang ibinulong ng Espiritu sa isang missionary: “Hindi kita tinawag para sa iyong mga kahinaan. Tinawag kita para sa iyong mga kakayahan.” Higit na magtuon sa mabuti mong nagagawa kaysa sa nagagawa mong mali. Magplano kada linggo na pagbutihin at gamitin ang iyong mga kaloob upang mapaglingkuran at mapagpala ang ibang tao. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:18–19.)
-
Tukuyin at isaulo ang mga banal na kasulatan na nakapapanatag ng kalooban. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, ilista ang mga talata na nagpapalakas at nagbibigay sa iyo ng kapanatagan. Maaari mong basahin, pakinggan, o isaulo ang mga ito.
-
Magtuon sa mga pangangailangan ng mga taong iyong pinaglilingkuran. Isipin kung ano ang magagawa mo para mapagpala ang mga taong pinaglilingkuran mo. Hangarin ang inspirasyon na malaman kung paano mo sila mas matutulungan. Sikaping palakasin ang kanilang pananampalataya.
-
Ikonekta ang iyong gawain sa mga taong kilala mo. Isipin kung paano nakatutulong ang paglilingkod mo sa mga taong kilala mo na may mga tunay na problema. Sa iyong journal, itala ang mga halimbawa kung paano gumagawa ng kaibhan ang paglilingkod mo sa iba.
-
Muling pag-isipan ang mga inaasahan mo. Ang iyong service mission ay maaaring hindi palaging kung ano ang inaasahan mo. Kung minsan hindi nangyayari ang mga bagay na inaasahan mo. Maaaring hindi palaging mahirap o nagdudulot ng magandang pakiramdam ang iyong assignment o tungkulin. At maaaring hindi mo magawa nang perpekto ang lahat ng bagay. Alalahanin ang payo ng Panginoon kay Joseph Smith sa Liberty Jail: “Ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti. … Samakatwid, maging matatag sa iyong landas” (Doktrina at mga Tipan 122:7, 9).
-
Humingi ng pahintulot na magpahinga muna sa anumang ginagawa mo. Marahil hindi ka kaagad papayagang magpahinga. Kung gayon, sabihin sa sarili mo, “Maaari kong hintayin na magkaroon ng oras para magpahinga.”
-
Mag-ehersisyo. Ang regular na ehersisyo ay epektibong paraan para makayanan ang stress. Sikaping makibahagi sa iba-ibang aktibidad na kapwa nakasisiya at nakabubuti sa katawan. Kapag nagtuon ka sa mga aktibidad na ito, maaari mong makita na may panibagong sigla ang katawan mo. Magagawa mong kalimutan ang mga alalahanin sa maghapon. Ang anumang ehersisyo ay makakatulong upang madagdagan ang lakas ng iyong katawan at kakayahang maglingkod sa Panginoon. Maghanap ng paraan para gantimpalaan ang iyong sarili sa paghahanap ng mga paraan na dagdagan ang iyong ehersisyo.
-
Huwag subukang kontrolin ang mga bagay na hindi mo kayang makontrol. Ang mga bunga ng iyong matwid na pagsisikap ay maaaring depende sa kalayaan ng ibang tao sa pagpili. Hindi mo makokontrol ang mga tao o mapipilit silang gawin ang mga bagay-bagay. “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig” (Doktrina at mga Tipan 121:41). “Samakatwid, mga minamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (Doktrina at mga Tipan 123:17).
-
Magsanay na maging mapag-isip. Ang pag-iisip ay isang paraan para makayanan ang stress. Kasama rito ang pagbibigay-pansin sa mga karanasan sa kasalukuyan. Gamitin ito kapag ikaw ay masyadong stressed o natatakot. Sikaping ituon ang iyong kamalayan sa kung ano ang nangyayari sa paligid mo. Magtuon sa ngayon at dito mismo, hindi sa hinaharap. Pansinin ang reaksyon ng iyong isipan sa kamalayang ito.
-
Huminga nang malalim, ipikit ang iyong mga mata kung kinakailangan, at sikaping magrelaks.
-
Maglakad-lakad kung makatutulong ito.
-
Obserbahan, nang halos bilang isang tagalabas, kung ano ang ipinag-aalala mo. Ano ang nadarama mo tungkol dito?
-
Hayaang lumipas ang anumang bumabagabag sa iyo. Magtuon sa kung ano ang maaari o dapat mong gawin sa susunod na ilang minuto.
-
Kung hindi bumuti ang sitwasyon, ipaalam ito sa iyong service mission leader.
-
-
Kaibiganin ang mga kasama mo sa trabaho at iba pang mga missionary. Magbahagi ng mga ideya, paglingkuran ang isa’t isa, magtulungan, at patawarin ang isa’t isa.
-
Gumamit ng musika. Gunitain ang mga salita sa ilang awitin o talata ng banal na kasulatan na gustung-gusto mo. Kapag nakakaramdam ka ng stress o panghihina ng loob, tandaan ang mga salita. Itanong kung puwede kang gumamit ng earbuds sa iyong service assignment. Makinig sa nakapapanatag na musika kung hindi ito nakagagambala sa iyong assignment o tungkulin. Isiping gamitin ang “Calm” o isang katulad na app sa iyong smartphone.
-
Alalahanin ang natutuhan mo. Matagumpay mong nakakayanan ang mga pagbabago at paghihirap sa buhay mo. Ilista kung ano ang natutuhan mo sa nakaraang mga panahon na mataas ang stress na nadama mo (paglipat ng tirahan, pagkawala ng tao o bagay na mahalaga sa iyo, o paglipat sa bagong paaralan o trabaho). Paano mo magagamit ang mga kasanayang ito ngayon?
B. Pagtugon sa Isang “Stress Emergency”
Ang stress emergency ay nangyayari kapag bigla kang napunta sa orange o red stress zone. Kung ikaw ay nasa pisikal o emosyonal na panganib, tawagan kaagad ang iyong mga magulang o ang service mission leader. Sa iba pang mga sitwasyon, subukang gawin ang sumusunod na mga mungkahi:
-
Magpahinga sandali. Kung nakadarama ka ng sobrang pagkabalisa o sobrang stress, magpahinga sandali. Dahan-dahang huminga ng malalim nang ilang beses; mag-inat; at irelaks ang katawan. Kapag kalmado na ulit ang iyong katawan at isipan, mas malinaw ka nang makapag-iisip. Maglakad-lakad, o kumuha ng pagkain o inumin. O maupo lang at manahimik sandali. Ang pagsasabi lang ng nararamdaman mo (halimbawa, dama kong bigo ako o hindi ako tinanggap) ay makatutulong sa iyong utak na simulang lutasin ang problema.
-
Maging mabait sa iyong sarili. Kausapin ang sarili mo gamit ang mabubuti at nakapapanatag na mga salita na sinasabi mo rin sa ibang tao. Lahat ay nabibigo o nakagagawa ng mali kung minsan. Dapat mong malaman na nauunawaan ito ng Panginoon. Isipin na nakaupo Siya malapit sa iyo, nakikinig at nag-aalok ng tulong. Alalahanin, ang isiping wala nang magagawa, wala nang pag-asa, o matinding kaparusahan ay hindi mula sa Panginoon.
-
Muling magtuon sa pasasalamat Pansinin ang nasa paligid mo. Magtuon sa bagay na tama, mabuti, at positibo tungkol sa iyong sarili at sa mundo. Mag-alay ng panalangin ng pasasalamat kahit sa limang partikular na bagay lamang. Sabihin sa sarili mo, “Ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ay tinawag niya na ipahayag ang kanyang mga salita sa kanyang mga tao” (3 Nephi 5:13).
-
Maghinay-hinay lang. Tukuyin ang pangunahing problema, at paisa-isang lutasin ito. Paalalahanan ang sarili mo, “Ang gagawin ko lang ngayon ay .”
-
Tulungan ang ibang tao. Ilipat ang iyong lakas sa paglilingkod sa iba. Ngumiti sa mga tao, tulungan sila, at mag-alok na maglingkod. Simulang kausapin ang isang tao para ibalik ang iyong isipan sa kasalukuyan.
-
Labanan ang mga negatibong naiisip mo. Ngayon, o bago matulog mamayang gabi, ilista sa papel ang mga negatibong ideya sa araw na ito. Pagkatapos ay muling isulat ang mga ito upang mas magkaroon ng pag-asa, maging makatotohanan, at nakahihikayat (tingnan sa sumusunod na halimbawa) ang mga ito.
C. Pagtulong sa Iba na Sobra ang Nararanasang Stress
-
Pansinin ang iba na nahihirapan. Ipaalam sa kanila na nauunawaan mo. Mag-alok ng tulong. Mag-ukol ng panahon na pakinggan ang kanilang alalahanin. Imungkahi na magpahinga sila sandali.
-
Isipin ang iyong tipan sa binyag. Nangako tayo na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay” (Mosias 18:8–9). Isagawa ang tipang ito sa pamamagitan ng (1) pagtulong sa pagpasan ng pasanin, (2) pagpapakita ng pag-unawa at pagbibigay ng kapanatagan, at (3) pagpapatotoo sa pagmamahal ng Diyos.
-
Magtanong nang kaunti, pero huwag piliting magsalita ang tao. Subukang sabihing, “Parang hindi maganda ang pakiramdam mo. Ano’ng nangyari?” o “Gusto mo bang sabihin sa akin ang tungkol dito?” Maaaring kasama sa iba pang magagandang komento ang:
-
“Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko ngayon, pero natutuwa ako na sinabi mo sa akin.”
-
“Sabihin mo sa akin kung ano ang nadarama mo ngayon.”
-
“Nagmamalasakit ako sa iyo.”
-
“Narito ako para sa iyo.”
-
“Okey lang na ganyan ang pakiramdam mo. Hindi ka nasira.”
-
-
Ipaalala sa tao ang bagay na nagagawa niya nang mabuti. Halimbawa, maaari mong sabihing, “Talagang pinasasalamatan ko ang iyong integridad at ang hangarin mong maglingkod sa Diyos.”
-
Makinig para umunawa, at magbigay ng tulong at maghikayat. Hangga’t hindi nadarama ng tao na nauunawaan siya, ang pagbibigay ng payo at mga mungkahing solusyon ay kadalasang hindi nakatutulong. Magtanong at tulungan ang tao na mahanap ang sarili niyang sagot. Hindi ka dapat maging tagapayo sa iba. Pero maaari kang maging mabuting tagapakinig na tumutulong at sumusuporta sa kanila.
-
Ibahagi ang iyong patotoo. Ibahagi ang iyong pananalig sa pagmamahal at kahandaang tumulong ng Diyos.
-
Maging matalino sa paglilingkod mo sa iba. Ito ay banal na tungkulin. Maging katiwa-tiwala, at panatilihing kumpidensyal ang mga bagay.
-
Magtuon sa kinakailangang pagpasiyahan sa oras na ito. Tulungan ang mga tao na sobrang stressed na panandaliang kalimutan ang malalaking problema at magpokus sa mga kagyat na desisyong gagawin. Mag-alok na tulungan sila. Hikayatin silang balikan ang mas malaking problema kapag kalmado na ang mga bagay-bagay. Pagkatapos ay tulungan silang humanap ng mga solusyon. Ipaalala sa kanila na makatutulong ang Panginoon sa mga solusyon sa paglipas ng panahon. Dapat nating gawin ang magagawa natin at ipaubaya sa Kanya ang ating mga problema.
D. Pagharap sa Isang Personal na Hamon
Ikaw ay natatanging tao na may natatanging mga kakayahan at kahinaan. Kung ikaw ay may personal na hamon na gusto mong paglabanan, isulat ito rito:
Ilista ang mga bagay na natutuhan mo na nakakatulong sa iyo na makayanan ito:
Maglista rin ng mga bagong bagay na susubukang gawin. Maaari kang matuto mula sa mga tao sa iyong paligid, sa mga propesyonal, o sa personal na pagsasaliksik. Isipin ang pisikal, emosyonal, ukol sa pakikisalamuha, intelektuwal, o espirituwal na paraan na maaaring makatulong. Tandaan na maaaring kailangan mong gawin ang mga bagong pamamaraan sa loob ng ilang linggo. Sa gayon ay malalaman mo kung gaano kahusay ito gumagana.
Magsanay na ipaliwanag ang hamon na kinakaharap mo sa iba at humingi ng tulong na makayanan ito. Magsanay kasama ng iyong mga magulang o mga service mission leader.