“4. Pagkakaroon ng Katatagan sa Pakikisalamuha,” Pag-Adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet (2020)
“4. Pagkakaroon ng Katatagan sa Pakikisalamuha,” Pag-Adjust sa Buhay ng Service Missionary
4. Pagkakaroon ng Katatagan sa Pakikisalamuha
Ang mga ugnayan ay maaaring pagmulan ng stress at maging resource din para makayanan ang stress. Ipinapakita sa pagsasaliksik na ang malulusog na ugnayan ay may habambuhay na pakinabang. Ang gayong mga ugnayan ay nakaugnay sa mabuting kalusugan ng isipan at ng katawan. Kapag sobra tayong na-stress, maaaring maapektuhan ang pagsasamahan. Isipin ang mga sumusunod na mungkahi sa pagbuo ng mabuting samahan. Sumangguni rin sa bahaging “1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress” para sa karagdagang mga ideya.
A. Komunikasyon sa Iba
-
Tukuyin at gamitin ang iyong mga kakayahan habang ikaw ay naglilingkod. Ikaw ay may mga kakayahan na makatutulong sa iyo na maging epektibong missionary. Maghangad ng inspirasyon para matulungan kang maunawaan ang iyong mga kakayahan. Tutulungan ka ng Panginoon na gamitin ang mga kakayahang ito sa paglilingkod sa Kanya. Halimbawa, nakikita ng ilang tao na ang pakikipag-usap sa iba ay nagbibigay ng lakas. Para sa ilang tao ito ay nakakapagod. Gayunman, ang dalawang klaseng ito ng tao ay maaaring maging epektibong mga missionary. Kung ang pakikipag-usap sa mga bagong kakilala ay nakakapagod sa iyo, huwag madaliin ang sarili mo. Maging mabuting kaibigan sa mga taong kilalang-kilala mo. Ang iyong mga kakayahan ay maaaring ang iyong mga malikhaing ideya, ang pananaw mo tungkol sa mga tao, o ang kakayahan mong magplano.
-
Kilalanin ang iba. Pag-aralan ang mga tanong na magagamit mo para mahikayat ang ibang tao na magsalita. Tanungin ang mga tao tungkol sa kanilang trabaho, mga hilig, pamilya, o personal na kasaysayan. Itanong kung ano ang pinakamahalaga sa kanila at kung ano ang nais nila o inaalala nila. Makinig sa mga pagkakataon na mapatotohanan ang isang alituntunin ng ebanghelyo na akma sa kanila. Sikaping magpakita ng interes sa ibang tao. Ito ay bahagi ng ibig sabihin ng mahalin ang ating kapwa. Maging handang sagutin ang kanilang mga tanong tungkol sa iyo.
-
Mithiing magkaroon ng bagong kakilala sa bawat araw. Gamitin ang pangalan ng tao sa unang minuto na nakilala mo siya. Gamitin itong muli kapag natapos na ang pag-uusap. Isulat ang pangalan para maalala mo siya.
-
Magtuon ng pansin sa pagtulong sa ibang tao. Ibaling ang iyong pansin sa mga pangangailangan ng iba. Kapag ginawa mo ito, hindi mo na gaanong maiisip ang iyong sariling mga pangangailangan o kakulangan (tingnan sa Mosias 2:17).
-
Humingi ng tulong sa pag-unawa sa iba. Hindi lahat ay mahusay sa pag-unawa sa mga ekspresyon ng mukha o galaw ng katawan ng ibang tao. Kung nahihirapan kang mapansin ang pakiramdam ng ibang tao, humingi ng tulong sa isa pang tao.
-
Hayaang makitang may kumpiyansa ka sa iyong sarili, kahit hindi mo ito nararamdaman. Noong nasa misyon si Pangulong Gordon B. Hinckley, sinabi sa kanya ng kanyang ama, “Kalimutan mo ang sarili mo at magtatrabaho ka” (sa “Taking the Gospel to Great Britain,” Ensign, Hulyo 1987, 7). Ang payong ito ay makatutulong sa lahat ng mga missionary. Sikaping huwag pansinin ang iyong mga kinatatakutan tungkol sa ginagawa mo. Sa halip, magtuon sa iyong tungkulin na maglingkod sa iba.
B. Pag-iwas sa Kalungkutan o Pagkadama na Napag-iwanan
-
Magtanong tungkol sa ibang tao. Tanungin ang ibang tao tungkol sa kanilang mga karanasan at nadarama para mas maunawaan mo sila. Kapag nauunawaan mo ang ibang tao, mababawasan ang nadarama mong lungkot.
-
Magbahagi pa. Ibahagi ang naiisip at nadarama mo sa iba. Nalulungkot tayo kapag alam natin na hindi tayo kilala at hindi pinahahalagahan ng iba.
-
Ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin sa iyo ng “malungkot.” Sikaping ipaliwanag kung anong mga damdamin, kaisipan, at pag-uugali ang nagpapalungkot sa iyo. Pagkatapos ay sikaping mapaglabanan ang mga bagay na ito.
-
Kausapin ang mga adult na nagmamalasakit. Ipaalam sa kanila kung ano ang nadarama mo. Maaaring may mga mungkahi sila kung ano ang magagawa mo para maiwasang malungkot.
C. Pagharap sa Pagtatalo o Pagbatikos
-
Magalang na ipaliwanag ang bumabagabag sa iyo. Kung binabagabag ka ng pag-uugali ng isang tao, magalang na makipag-usap sa tao. Ipaliwanag kung ano ang gusto mong magbago, ngunit huwag pintasan ang pag-uugali ng ibang tao. Kung ikaw ay mapamintas o nagagalit, ang ibang tao ay maaaring mangatwiran at hindi makipagtulungan. Halimbawa, maaari mong sabihin, “Hindi ko talaga gusto na may naiiwang basura sa break room. Pero hindi ko rin gusto na ako lang mag-isa ang naglilinis. Iniisip ko kung paano natin paaalalahanan ang lahat na sila ang bahala sa sarili nilang basura.” O, “Nag-aalala ako na baka galit ka sa akin kapag tahimik ka. Puwede bang sabihin mo sa akin ang iniisip mo?”
-
Humingi ng feedback. Hingan ng mga mungkahi ang ibang tao kung paano mo mapaglalabanan ang iyong mga kahinaan. Humingi din ng tulong sa Panginoon upang matulungan kang maunawaan ang iyong mga kahinaan (tingnan sa Eter 12:27.)
-
Maging mabait sa iba. Kapag iniisip ang ibang tao, iwasang gumawa ng mga negatibong paghatol tungkol sa kanila o magbigay sa kanila ng mga negatibong bansag. Huwag subukang pagandahin ang iyong pakiramdam sa pamamagitan ng pag-iisip tungkol sa mga pagkakamali ng ibang tao.
-
Magtuon sa paglutas ng mga problema, hindi sa mga tao. Kapag ang mga tao ay may ginagawang ikinaiinis mo, magtuon sa pagtukoy at paglutas sa mga pangunahing problema, hindi sa pamimintas sa mga tao o sa pagsisikap na ayusin sila. Kapag nakikipag-usap ka sa mga tao, sikaping maging banayad ang tono ng boses mo at hindi pagalit o nagpapaawa sa sarili (tingnan sa mga Efeso 4:29–32).
-
Huwag maghinanakit. Tanggapin ang mga mungkahi ng iba nang may lubos na biyaya at kasiyahan sa abot-kaya mo. Gawin ito kahit walang-galang ang isang tao. Kung sa pakiramdam mo ay pinipintasan ka ng isang tao, sabihing, “Salamat sa feedback. Gagawin ko iyan.”
-
Purihin at paglingkuran ang iba nang madalas. Pasalamatan ang iba sa mga bagay na pinasasalamatan mo, at ituro ang mga bagay na mahusay nilang ginagawa. Maghanap ng maliliit na paraan para mapaglingkuran at matulungan ang iba araw-araw.
-
Manalangin na magkaroon ng kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao. Gawin ito “nang buong lakas ng puso” (Moroni 7:48). Hilingin na magkaroon ng kakayahan na makita ang nakikita ng Diyos sa kanila. Isama sa iyong mga panalangin ang mga taong tumanggi sa iyo at nakasakit sa iyo (tingnan sa 3 Nephi 12:44).
D. Pakikisama sa mga Lider
-
Maging mapagpakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay mahalagang bahagi ng pagiging madaling turuan at kahandaang magpakabuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:10). Humingi ng payo sa iyong mga lider kung paano ka huhusay pa. Maging handang tumanggap ng payo mula sa kanila, at ipaalam sa kanila na makakaasa sila sa iyo. Pasalamatan ang iyong mga lider sa kanilang paglilingkod, kapwa sa salita at sa sulat.
-
Sikaping maging mabuting tagasunod. May mga tao na walang tiwala sa mga taong may awtoridad o nahihirapan silang tumanggap ng paggabay. Maaaring sanay sila na sila ang amo. Ang iba ay maaaring makipagkumpetensya sa mga kasama sa trabaho. Ipaalam sa iyong mga lider kung may ganito kang mga problema. Manalangin na maging mapagpakumbaba ka para maging mabuting tagasunod.
-
Ipanalangin ang lahat ng iyong mga lider. Ipagdasal ang iyong mga lider, lalo na ang mga lider na hindi mo gusto.
-
Dapat mong matanto na ang mga lider ay tao. Kung minsan iniisip natin na ang mga lider ay dapat mas mabuti kaysa sa ibang tao. Kung gayon, maaari tayong mabigo at maging mapamintas kapag nagkakamali sila. Ang mga lider ay maaaring mawalan ng pasensya, magpakita ng maling paghatol, at magkamali sa pag-unawa sa atin. Kung nakikita mo ang mga kamalian, hanapin din ang magagandang katangian (tingnan sa Mormon 9:31).
-
Matuto mula sa mga kalakasan ng iyong mga lider. Gumawa ng listahan ng mga katangian ng iyong lider na gusto mong tularan kapag ikaw naman ang mamumuno.
E. Pagtulong sa Iba na Maunawaan ang Iyong Mission Assignment
-
Ipaliwanag kung ano ang service mission. Maaaring hindi maunawaan ng ilang miyembro ng Simbahan kung ano ang service mission. Maaari mong sabihing, “Ang mga service missionary ay naglilingkod sa Simbahan o sa mga pasilidad ng komunidad ng hanggang 40 oras sa isang linggo. Mayroon silang mga patakaran at tuntunin sa mission na naiiba sa mga proselyting missionary. Halimbawa, sa bahay ako titira. Maglilingkod ako sa sa loob ng oras sa isang linggo. Makikibahagi ako sa mga young single adult ward at mga aktibidad nito sa libreng oras ko.”
-
Ipaliwanag na ikaw ay tinawag bilang kinatawan ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan. Ang tungkuling ito ay pareho sa bawat missionary at hindi nagbabago kapag nagbabago ang mga assignment o tungkulin. Ngunit ang iyong tungkulin, oras, o panahon ng paglilingkod ay maaaring magbago. Halimbawa, maaaring ikaw ay ma-reassign sa isang service mission dahil sa mga problema sa kalusugan. Maaari mong sabihing, “Missionary pa rin ako. Pero na-reassign ako sa isang bagong mission, kung saan ko ngayon itutuon ang paglilingkod ko.”
-
Ipaalam sa mga tao kung ano ang gusto at kailangan mo. Maaaring nagsisimula ka pa lang sa iyong service mission. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng ward na alamin kung ano ang ginagawa mo. Hilingin sa kanila na magbigay ng suporta. Kung ikaw ay na-reassign, maaari kang humingi ng ilang minuto sa miting ng Relief Society o ng elders quorum. Ipaliwanag sa mga miyembro ang pagbabago ng iyong takdang-gawain at hingin ang suporta nila. Kung malapit nang matapos ang iyong misyon, maaari kang humingi ng tulong sa iba. Humingi ng tulong sa paghahanap ng trabaho o pagpasok sa paaralan habang nasa transition period ka.