“5. Pagkakaroon ng Katatagan ng Isipan,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet (2020)
“5. Pagkakaroon ng Katatagan ng Isipan,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary
5. Pagkakaroon ng Katatagan ng Isipan
Ang gawaing misyonero ay maraming ipinagagawa o hinihingi sa mga tao, at iba-iba ang epekto ng mga ito sa bawat tao. Ang mga kakayahan mo ay makatutulong sa iyo na isakatuparan ang gawain ng Diyos. Maaari kang magtiwala na pupunan Niya ang anumang kulang sa pagitan ng iyong mga kakayahan at ng kung ano ang kailangan. Ang mga mungkahi sa ibaba ay maaaring makatulong sa ilang problema. Tingnan ang bahagi “1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May stress” para sa karagdagang mga ideya.
A. Pag-alam sa Bagong Assignment o Tungkulin
Ang pagsisimula ng bagong tungkulin ay maaaring magdulot ng stress. Maging mapagpasensya sa iyong supervisor, sa mga kasama sa trabaho, at sa iyong sarili. Sikaping huwag panghinaan ng loob o mawalan ng pag-asa habang pinag-aaralan mo ang iyong assignment o tungkulin. Kadalasan, matututuhan mo ang mga bagay-bagay sa loob ng ilang araw. Narito ang ilang tip para tulungan ka sa pagsisimula mo ng iyong assignment o tungkulin. Maaari mong talakayin ang mga bagay na ito sa iyong service mission leader.
-
Magsimula. Alamin ang lugar o paligid mo. Asikasuhin ang anumang papeles. Ayusin ang lugar kung saan ka gagawa o magtatrabaho. Alamin ang pangalan ng iyong mga kasama sa trabaho at supervisor.
-
Maging masayahin. Magpasiya na gumawa araw-araw nang may positibong pananaw sa gawain o trabaho. Kahit pagod ka o hindi sigurado sa kung ano ang inaasahan, piliing maging palakaibigan o mabait sa iba. Maging positibo kahit hindi ka nasisiyahan sa iyong mga gawain o sa mga taong kasama mo. Tutulungan ka nitong magtagumpay. Tutulungan nito ang mga nasa paligid mo na matutong magtiwala at magpahalaga sa iyo.
-
Dumating sa usapan. Dumating sa oras sa lahat ng assignment, na nakadamit nang maayos at handang magsimula. Maghanap ng mga paraan upang makatulong at makibahagi. Ipakita sa mga tao na handa kang sumubok ng mga bagong bagay at magsanay ng mga bagong kasanayan.
-
Mag-aral. Kung ikaw ay nakatanggap ng mga video o nakasulat na materyal na nagpapaliwanag sa iyong gawain o trabaho, pag-aralang mabuti ang mga ito. Isulat ang mga bagay na kailangan mong tandaan. Lalong maging maalam sa mga panuntunan sa kaligtasan. Tandaan din ang mga patakaran tungkol sa privacy o pagkakumpidensyal ng mga bagay. Alamin ang mga pamantayang inaasahan sa matagumpay na paggawa ng iyong trabaho.
-
Magtanong. Magalang na tanungin ang iyong supervisor at kasama sa trabaho tungkol sa anumang bagay na hindi mo nauunawaan. Maaari kang magdala ng maliit na notebook para isulat ang mga tanong at sagot na maaari mong balikan kalaunan. Pagpasensyahan ang mga nagbibigay sa iyo ng training kung hindi nila malinaw na naipaliliwanag ang mga bagay-bagay. Subukang ulitin ang narinig mo. Itanong, “Tama ba ang pagkaintindi ko? Mayroon pa bang iba?” Tanungin ang iyong supervisor tungkol sa mga inaasahan niya sa iyo. Itanong kung ano ang pinakamahalaga sa mabuting paggawa sa iyong trabaho.
-
Hanapin ang hindi nakasulat na mga patakaran. Bawat lugar ng trabaho ay may sariling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang ilan sa mga bagay na ito ay hindi nasusulat, kahit na mahalaga ang mga ito. Maaaring kasama sa gayong hindi nakasulat na mga patakaran kung ano ang gagawin kapag mayroong mga hindi pagkakasundo at kung saan at kailan dapat kumain. Maaaring kabilang sa iba pang mga patakaran kung gaano ang pagkamalikhain na katanggap-tanggap at ano ang gagawin sa trabaho na hindi nakumpleto bago matapos ang araw o maghapon. Bantayan ang hindi nakasulat na mga patakarang ito at sikaping sundin ang mga ito.
-
Maging mapagpasensya sa iyong sarili at sa iba. Makagagawa ka ng mga pagkakamali! Ito ay bahagi ng pag-aaral ng anumang bago. Humingi ng paumanhin sa iba, at tanungin sila kung paano mo maitatama ang iyong mga pagkakamali. Alamin kung ano ang dapat mong gawin sa susunod, at muling subukan. Huwag palaging isipin ang mga pagkakamali—ng sarili mo o ng kaninuman. Matuto at sumulong nang may positibong pananaw. Matututuhan mong gawing mabuti ang trabaho mo.
B. Manatiling Organisado sa mga Mithiin at Plano
-
Magtabi ng kalendaryo o planner. Sa simula ng bawat linggo, ilagay ang iyong mga appointment sa iyong kalendaryo o planner. Isama ang mga assignment sa trabaho, mga miting sa simbahan, at iba pang mga pangako tulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal. Isulat ang mga pangalan, appointment, mithiin, at listahan ng mga bagay na kailangan mong gawin.
-
Huwag basta umasa sa iyong memorya. Tingnan ang iyong kalendaryo o planner sa buong maghapon. Para sa mahahalagang bagay na kailangan mong gawin, mag-post ng mga paalala sa pinto, sa refrigerator, o sa iyong kama. Mag-set ng mga paalala sa iyong telepono.
-
Ilagay ang lahat ng bagay na kakailanganin mo sa susunod na araw sa isang partikular na lugar. Gawin ito bago ka matulog. Sa ganitong paraan hindi mo malilimutan ang mahahalagang bagay. Ilagay sa isang lugar ang iyong mahahalagang bagay. Sa gayon ay hindi ka magsasayang ng oras sa paghanap sa mga ito.
-
Humingi ng tulong para maalala ang mga bagay. Kapag kailangan mong tandaan ang isang bagay na hindi bahagi ng iyong karaniwang gawain, magpatulong sa iba na tandaan ito. Maaari mong sabihing, “Alam kong ito ang bagay na malamang na malimutan ko. Puwede bang ipaalala mo sa akin sakaling malimutan ko ito?”
-
Manatiling nakatuon sa ginagawa mo. Kapag napansin mo na nagambala ka sa isang aktibidad ng mga missionary, muling ituon ang iyong pansin sa iyong gawain. Gawin ito nang madalas kung kinakailangan.
-
Magpasiya kung ano ang itatakdang mga mithiin. Ayon sa pakinabang nito sa iyo, ilarawan ang mga mithiin sa bawat kategorya sa ibaba. Magplano kung ano ang gagawin mo. Idagdag ang iyong plano sa iyong kalendaryo o planner sa bawat linggo.
-
Mga pisikal na mithiin tulad ng pag-eehersisyo, pagkain ng masustansyang pagkain at pagtulog, pag-aayos ng iyong silid o lugar ng trabaho, paghawak ng pera, pagtulong sa tahanan, o paglalaro ng isports.
-
Mga emosyonal na mithiin na tulad ng pag-uukol ng oras para magpahinga o magnilay, meditasyon, pagsulat ng tungkol sa damdamin o mga karanasan, pagpapahinga sandali, o pag-uukol ng panahon sa kalikasan.
-
Mga mithiin sa pakikisalamuha tulad ng paggawa ng mga bagay kasama ang mga kaibigan at pamilya, pagsali sa mga aktibidad ng young single adult, pagtulong sa iba, paggawa ng family history, pag-interbyu sa mga kapamilya tungkol sa kanilang buhay, o pag-aaral at pagsasanay kung paano makihalubilio.
-
Mga mithiing pangkaisipan na magpapabuti sa iyo bilang lingkod ng Panginoon, tulad ng pagkuha ng mga klase, pag-aaral ng wika o instrumentong musikal, pagbabasa, pagsasaliksik tungkol sa trabaho, o pagpapaunlad ng mga kasanayan sa trabaho.
-
Mga espirituwal na mithiing tulad ng pagdarasal nang mas taimtim, mas dibdibang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagkilos ayon sa mga espirituwal na pahiwatig, partisipasyon sa inyong ward o branch, pagdalo sa templo, o paglilingkod sa iba sa labas ng iyong mission assignment.
-
-
Idulog sa Panginoon ang iyong maghapon. Gawin ang abot-kaya mo para maiskedyul ang oras mo at gamitin itong mabuti. At sa simula ng iyong maghapon, idulog sa Panginoon ang maghapon. Hilingin sa Panginoon na gawing posible para ang lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa iyong ikabubuti. Sa buong maghapon, maging handa at tumugon sa Espiritu.
C. Paglabanan ang Pakiramdam na Kawalan ng Kakayahan
-
Panatilihin ang iyong sense of humor o pagkamasayahin kapag nagkakamali ka. Humingi ng paumanhin sa nagawa mong mali at pagkatapos ay sumubok muli. Tandaan na ang kahandaang humingi ng paumanhin ay tanda ng katatagan at lakas.
-
Hanapin ang kalakasan sa isang kahinaan. Kung minsan ang pagkakaroon ng kahinaan ay tumutulong sa atin na magkaroon ng mga kakayahan na tulad ng pagkahabag at pagdamay. Ang pagsisikap na madaig ang isang kahinaan ay makapagtuturo sa atin ng pagtitiyaga, kababaang-loob, at pagsalig sa Panginoon. Kung minsan ang isang kahinaan na tulad ng madaling magambala ay may lakas na kaakibat nito. Maaari mong mapansin ang mga bagay na hindi napapansin ng iba. Hanapin ang mga kalakasan na maaaring magmula sa iyong mga kahinaan.
-
Sikaping paglabanan ang iyong mga kahinaan. Isa-isang paglabanan ang kahinaan para hindi ka mahirapan. Kumuha ng mga ideya mula sa iba. Magdasal para sa patnubay at tulong. Gumawa ng plano para madaig ang iyong kahinaan. Isipin ang mga balakid na malamang na makaharap mo, at isipin kung paano ito haharapin. Magpraktis. I-adjust ang iyong plano kung kailangan. Magtiyaga.
-
Muling ituon ang iyong pansin sa iyong personal na misyon. Naiinggit ka ba sa mga kasanayan o kahusayan ng ibang tao? Ibigay ang iyong lakas sa pagpapahusay ng iyong mga kakayahan at gamitin ang mga ito sa gawain. Ito ang iyong misyon.