“6. Pagkakaroon ng Espirituwal na Katatagan,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet (2020)
“6. Pagkakaroon ng Espirituwal na Katatagan,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary
6. Pagkakaroon ng Espirituwal na Katatagan
Kung minsan ang mga missionary ay tumutugon sa sobrang stress sa pamamagitan ng pag-aalinlangan sa katotohanan ng ebanghelyo. Madalas na ganiito ang pagtugon ng mga missionary dahil wala silang mapagkunan ng tulong para makayanan ang sobrang stress. Kung ganito ang nadarama mo, subukan ang mga mungkahi sa ibaba. Piliin ang sa tingin mo ay tama para sa iyo. Tingnan ang bahagi “1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress” para sa karagdagang mga ideya.
A. Pagpapalakas ng Iyong Patotoo
-
Unawain na nakabubuti ang mga pagtatanong. Si Propetang Joseph Smith ay tumanggap ng maraming paghahayag bilang tugon sa kanyang matapat na pagtatanong. Makabubuti para sa iyo na magkaroon ng mga tanong tungkol sa ebanghelyo. Sa pagsisikap mong mahanap ang mga sagot, tandaan na ang mga banal na kasulatan, propeta, guro, at sarili mong kakayahang mangatwiran ay makatutulong. Ngunit tanging ang Espiritu ang makapagpapatunay sa katotohanan. Sinasabi sa atin ng Espiritu na si Jesus ang Cristo at ang Simbahan ay totoo.
-
Unawain kung ano ang pananampalataya. Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay pagtitiwala sa sakdal na kabutihan, pagmamahal, karunungan, at pagiging patas ng Diyos. Ito ay pagtitiwala kahit hindi natin lubos na nauunawaan. Itinuro ni Alma na “ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay; kaya nga, kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21). Hindi mo kailangan ang “ganap na kaalaman” para magkaroon ng pananampalataya. Pag-aralan ang Alma 32 para makatulong sa pagkakaroon mo ng pananampalataya.
-
Manampalataya kapag tila hindi makontrol ang mga bagay-bagay. Maaari kang mag-alala tungkol sa ilang sitwasyon o resulta. Kapag nangyari ito, magpraktis na maging panatag at nakatuon sa kasalukuyan (tingnan sa “1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress”). Pansinin ang damdamin mo kapag pakiramdam mo na wala kang kontrol. Kahit hindi komportable ang ganitong damdamin, hindi ito makapipinsala sa iyo. Sa paglipas ng panahon, matututo kang magkaroon ng higit na pananampalataya. Maaari kang manampalataya sa kabila ng kawalan ng katiyakan at mga hamon.
-
Sundin ang mga kautusan. Nagkakaroon tayo ng tiwala sa Panginoon kapag nalalaman natin ang kahalagahan ng Kanyang mga turo. Upang magkaroon ng ganitong pagtitiwala, kailangan nating gawin ang Kanyang kalooban. “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17).
-
Magtiyaga. Ang panahon at karanasan ay tutulong sa iyo na maunawaan ang ilang bagay na nakalilito ngayon. Alalahanin ang turo ni Nephi: “Alam kong mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17). Magsimula sa nalalaman mo sa pamamagitan ng Espiritu na totoo tungkol sa Diyos.
B. Matutong Magsisi
Ang pagsisisi ay kinapapalooban ng pag-aayon ng iyong kalooban sa Tagapagligtas. Ang sumusunod na mga alituntunin ay tutulong sa iyo sa pagsisikap mong magsisi.
-
Maging tapat sa iyong stake president. Kung ikaw ay may mabibigat na kasalanan na hindi mo pa naipagtapat, kausapin ang iyong stake president. Maging bukas at tapat. Tutulungan ka Niyang itama ang mga bagay na ito.
-
Patawarin ang iyong sarili pagkatapos magsisi. Kung minsan ay nababagabag pa rin ng kasalanan ang mga tao at nahihiya pagkatapos magsisi. Tandaan na pinagsisisihan nating lahat ang mga kasalanan at pagkakamaling nagawa natin. Magtiwala na sapat ang Pagbabayad-sala ni Cristo, maging sa iyo. Alalahanin na ang pagsisisi ay hindi lamang backup plan. Ang pagsisisi ay plano ng kaligayahan para sa lahat ng tao.
-
Magtuon sa mga bagay na talagang mahalaga. Gawin ang lahat para makapagsisi sa bawat araw. Pagkatapos ay tiyakin na ang mga bagay na ipinag-aalala mo ay mga bagay na talagang mahalaga. Ang isang halimbawa ay maaaring ang paglilingkod nang may pagmamahal. Huwag mag-alala tungkol sa mga bagay na ukol sa kapalaluan ng sarili, tulad ng iniisip ng iba tungkol sa iyo.
-
Unawain ang papel na ginagampanan ng pagtatapat. Hindi mo kailangang ipagtapat ang mga di-gaanong mabigat na kasalanan o paulit-ulit na ipagtapat ang kasalanan ding iyon. Sasabihin sa iyo ng mga lider ng priesthood na sapat na ang iyong pagtatapat. Ang patuloy na panghihinayang at kalungkutan tungkol sa nakaraang mga kasalanan ay normal. Ngunit hindi ito nangangahulugan na kailangan mong paulit-ulit na ipagtapat ang parehong bagay. Huwag isipin ang gayon at magtuon ng pansin sa iba pang mga aktibidad. Kusang piliin na maniwala sa pagpapatawad ng Panginoon. Huwag pansinin ang tukso na mabalisa o mahiya.
-
Kausapin ang iyong stake president o bishop kung patuloy ka pa ring binabagabag nito.
C. Pagkatutong Manalangin nang may Tunay na Layunin
-
Subukang manalangin gamit ang tinig mo, kahit pabulong lang. Subukang paghandaan ang pagdarasal sa pamamagitan ng pagsulat ng iyong mga tanong o alalahanin. Ilarawan sa isipan na malapit lang ang Diyos. Tanungin Siya kung ano ang magagawa mo para sa Kanya ngayon. Pagkatapos ay kumilos ayon sa mga ideyang pumapasok sa isipan mo. Kung minsan, gamitin ang iyong panalangin para magpasalamat lamang sa Diyos. Pasalamatan Siya sa maraming mabubuting bagay na ibinigay Niya sa iyo.
D. Matutong Mahalin ang mga Banal na Kasulatan
-
Manalangin lalo na para matulungan na maunawaan at masiyahan sa mga banal na kasulatan. Gamitin ang ilang oras mo sa pag-aaral para maisulat ang iyong damdamin tungkol sa mga banal na kasulatan at ang mga reaksyon mo sa mga ito. Isulat ang natututuhan mo o ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo.
E. Matutong Umasa sa Espiritu
-
Magpraktis nang may pagtitiyaga. Ang matutuhang makilala ang tinig ng Espiritu ay katulad din ng pag-aaral ng isang wika. Kailangan dito ng praktis, pagtitiyaga, at kababaang-loob. Sikaping matuto sa mga pagkakamali nang hindi sumusuko.
-
Matuto mula sa mga pangkalahatang kumperensya. Para sa mga ideya kung paano ka makatatanggap ng personal na paghahayag, pag-aralan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa paksang ito.