“Alma 34:1–17: Ang Walang Katapusan at Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 34:1–17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 34:1–17
Ang Walang Katapusan at Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Naisip mo na ba kung ano ang magiging buhay mo kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala? Itinuro ni Amulek sa mga Zoramita na lahat ng tao ay matigas, nahulog, at nangaligaw kung wala ang walang katapusan at walang hanggang sakripisyo ng Anak ng Diyos. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang maunawaan kung paano ka mapagpapala ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang walang katapusan at walang hanggang nagbabayad-salang sakripisyo.
Paano maiiba ang buhay?
Paano maiiba ang buhay kung wala ang …?
Mag-isip ng ilang paraan kung paano mo maaaring sagutin ang tanong na ito sa mga tao o bagay na inaasahan mo. Halimbawa, maaari mong isipin kung paano maiiba ang buhay mo kung wala ang isang partikular na tao, ilan sa mga teknolohiya o tool na madalas mong gamitin, o isang aktibidad na nasisiyahan kang gawin.
Maglaan ng sandali para gumawa ng listahan sa iyong study journal tungkol sa ilan sa mga paraan kung paano maiiba ang buhay mo kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Sa pag-aaral mo ngayon, malalaman mo ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang pangangailangan mo kay Jesucristo.
Nagpatotoo si Amulek sa mga Zoramita tungkol kay Jesucristo
Maaalala mo na nangaral sina Alma at Amulek sa mga Zoramita, na naniwala na “hindi magkakaroon ng Cristo” (Alma 31:16). Nang matapos ni Alma ang kanyang mga mensaheng nakatala sa Alma 32–33, ibinahagi ni Amulek ang kanyang sariling patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
Basahin ang Alma 34:1–10, at alamin kung ano ang ibinahagi ni Amulek tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Aling mga salita o parirala tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang partikular na naging makabuluhan sa inyo? Bakit?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit kailangan natin si Jesucristo para magbayad-sala para sa atin?
-
Paano ninyo ibubuod ang mga turo ni Amulek sa Alma 34:8–10 bilang pahayag ng katotohanan?
Maaaring may natukoy kang katotohanan na katulad ng sumusunod: Kung wala ang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay mangaliligaw magpakailanman.
-
Bakit “hindi makaiiwas na masawi” o mangaliligaw magpakailanman ang lahat ng tao kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala?
Walang katapusan at walang hanggan
Maaari mong markahan ang mga salitang “walang katapusan at walang hanggan” sa dulo ng talata 10 at kopyahin ang sumusunod na diagram sa iyong study journal:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang katapusan at walang hanggan?
Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na kaalaman:
Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang katapusan—walang wakas. Ito ay walang hanggan din dahil maililigtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-katapusang kamatayan. Ito ay walang katapusan dahil sa Kanyang napakatinding pagdurusa. … Ito ay walang hanggan sa saklaw—ito ay dapat gawin nang minsanan para sa lahat. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa walang-hanggang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang-hanggang bilang ng mga mundong Kanyang nilikha. Ito ay walang hanggan na hindi kayang sukatin ng anumang panukat ng tao o unawain ng sinuman. (Russell M. Nelson, “The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35)
-
Ano ang naituro at naipadama sa iyo ng pahayag na ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo?
Paano ito nauugnay sa iyo?
Bagama’t mapagpapala ng Tagapagligtas ang walang hanggang bilang ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, maaari din Niya kayong pagpalain nang personal. Maaari mong i-update ang diagram sa iyong study journal para maging katulad ng sumusunod:
Pag-aralan ang sumusunod na resources, at alamin ang ilan sa mga paraan kung paano ka personal na mapagpapala ng Tagapagligtas dahil sa Kanyang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala.
Itinuro ni Pangulong Tad R. Callister, dating Sunday School General President:
May mga pagkakataon na may nakikilala akong mabubuting Banal na may problema sa pagpapatawad sa kanilang sarili, na sa kawalang-muwang at sa maling paraan ay naglagay ng mga hangganan sa mga nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Hindi nila sinasadyang lagyan ng hangganan ang walang katapusang Pagbabayad-sala [at iniisip] na sa ilang paraan ay nagkukulang para sa kanilang partikular na kasalanan o kahinaan. Ngunit ito ay isang walang hanggang Pagbabayad-sala dahil sinasakop at ibinibilang nito ang bawat kasalanan at kahinaan, gayundin ang bawat pang-aabuso o sakit na idinulot ng iba. (Tad R. Callister, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 85–86)