“Alma 34:17–41: Ang Buhay na Ito ang Panahon na Maghanda sa Pagharap sa Diyos,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 34:17–41,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 34:17–41
Ang Buhay na Ito ang Panahon na Maghanda sa Pagharap sa Diyos
Naisip mo na ba kung ano kaya ang pakiramdam ng makaharap ang Ama sa Langit pagkatapos ng buhay na ito? Ipinaalala ni Amulek sa mga Zoramita na “ang buhay na ito ang panahon … na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32) at nakiusap siya sa kanila na huwag ipagpaliban ang araw ng kanilang pagsisisi. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka sa iyong mga pagsisikap na maghanda sa pagharap sa Diyos.
Ang kahalagahan ng paghahanda
Isipin ang isang bagay na kailangan mong paghandaan sa iyong buhay, tulad ng pagsusulit, recital, o athletic event.
-
Ano ang ilang istratehiyang ginamit mo para makatulong sa iyo na maging handa?
-
Ano ang ilang bagay na nagpahirap o maaaring magpahirap sa paghahanda?
Alalahanin na nangaral sina Alma at Amulek sa isang grupo ng mga Zoramita na itinaboy palabas ng kanilang mga sinagoga dahil sa kanilang kahirapan. Ang mga Zoramitang ito ay hindi naniwala noon kay Jesucristo (tingnan sa Alma 31:16), kaya pinayuhan sila nina Alma at Amulek na magbigay-puwang sa kanilang mga puso para lumaki ang patotoo tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Alma 32:27–28; 34:4–6). Habang nagtuturo sa mga taong ito, nagbahagi si Amulek ng isang bagay na dapat nating paghandaan.
Basahin ang Alma 34:32, at alamin ang itinuro ni Amulek.
Mula sa mga turo ni Amulek, nalaman natin na ang buhay na ito ang panahon para maghanda tayo sa pagharap sa Diyos.
-
Ano ang ilang pag-uugali at gawa ang inaasahan ninyo sa isang taong naghahanda sa pagharap sa Diyos?
Pag-isipan sandali ang nadarama mo tungkol sa pagbalik sa piling ng Diyos. Isipin kung nagsisikap kang makabalik nang karapat-dapat sa Kanyang piling at kung ano ang makahahadlang sa iyo sa mithiing iyon. Habang patuloy kang nag-aaral, mag-isip ng mga paraan na maipamumuhay mo ang mga turo sa Alma 34 para matulungan kang maging mas handa sa pagharap sa Diyos.
Mga paraan na makapaghahanda tayo sa pagharap sa Diyos
Marami sa mga turo ni Amulek sa Alma 34 ang tumutulong sa atin na maunawaan kung paano tayo makapaghahanda ngayon sa pagharap sa Diyos.
Pumili ng kahit tatlo sa mga sumusunod na set ng mga talatang pag-aaralan, at maghanap ng mga turo na makatutulong sa atin na maghanda sa pagharap sa Diyos.
Huwag ipagpaliban ang inyong pagsisisi
Tingnan ang pahayag ni Amulek sa talata 33: “Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi hanggang sa wakas.” Maaari mong markahan ang pariralang ito sa iyong mga banal na kasulatan.
-
Bakit maaaring matukso ang ilang tao na ipagpaliban ang pagsisisi?
Basahin ang Alma 34:33–35, at alamin ang mga dahilan kung bakit nanghikayat si Amulek na huwag nating ipagpaliban ang ating pagsisisi.
Itinuturo sa atin na ang pagsisisi ay maaaring magawa sa mundo ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:31, 33, 58). Ngunit binigyang-diin ng mga propeta sa mga banal na kasulatan at sa mga huling araw kung gaano kahalaga na magsisi tayo sa mortalidad. Ibinigay ni Elder Melvin J. Ballard [1873–1939] ng Korum ng Labindalawang Apostol ang payo na ito:
Higit na mas madali na magtagumpay at paglingkuran ang Panginoon kapag magkasama ang laman at ang espiritu. Ito ang panahon kung kailan ang mga tao ay mas naiimpluwensiyahan at nakakatugon. … Ang buhay na ito ang panahon upang magsisi. (Melvin J. Ballard: Crusader for Righteousness (1966), 212–13; binanggit sa Dallin H. Oaks, “Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi,” Liahona, Mayo 2019, 94)
-
Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talata 33–35 at ng pahayag na ito kung bakit hindi natin dapat ipagpaliban ang ating pagsisisi?
Ang pagsisisi ay mahalagang bahagi ng paghahandang bumalik sa piling ng Diyos. Alalahanin na mapagmahal na ipinagkakaloob ng Panginoon ang awa sa mga nagsisikap na magsisi, kahit na nahihirapan silang daigin ang ilang kasalanan.
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kung minsan sa ating pagsisisi, sa araw-araw nating pagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo, paulit-ulit tayong [nahihirapan sa iyon at iyon ding kasalanan]. …. Huwag panghinaan ng loob. Kung kayo ay nagpupursigi at nagsisikap na magsisi, nasa proseso kayo ng pagsisisi. (Neil L. Andersen, “Magsisi …. Upang Mapagaling Ko Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 41)
Pagnilayan ang natutuhan at nadama mo ngayon tungkol sa paghahanda sa pagharap sa Diyos at hindi pagpapaliban ng pagsisisi. Isipin ang mga nais mong gawin dahil sa napag-aralan mo ngayon. Isulat ang mga naisip at impresyon mo sa iyong study journal.