“3 Nephi 18:1–14: ‘Sa Pag-alaala sa Akin,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 18:1–14,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 18:1–14
“Sa Pag-alaala sa Akin”
Palagi tayong may mga pagkakataong tumanggap ng sakramento. Sa 3 Nephi 18, itinuro ni Jesus kung paano mapagpapala ng sakramento ang ating buhay at kung paano isagawa ang ordenansang ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng mga makabuluhang karanasan sa pag-alaala sa Tagapagligtas kapag tumatanggap ka ng sakramento.
Isang matibay na ugnayan
Isipin ang ilang tao na sa palagay mo ay talagang malapit sa iyo at may matibay na ugnayan sa iyo.
-
Ano ang nagawa mo o niya para mapatibay ang mga ugnayang iyon?
Ngayon, isipin kung gaano ka kalapit sa Tagapagligtas.
-
Ano sa palagay mo ang makatutulong sa iyo para mapatibay ang iyong ugnayan sa Tagapagligtas?
Sa pag-aaral mo ngayon, anyayahan ang Espiritu Santo na turuan ka kung paano mas mapapalapit sa Tagapagligtas at mas mapagtitibay ang iyong ugnayan sa Kanya.
pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento
Ang Tagapagligtas ay napuspos ng pagkahabag sa mga tao nang mahiwatigan Niya ang hangarin nila na manatili pa Siya sa kanila nang mas matagal (tingnan sa 3 Nephi 17:1–6). Matapos basbasan ang mga bata at ang may karamdaman at nahihirapan, naglaan ang Tagapagligtas ng paraan para palaging makasama ng mga tao ang Kanyang Espiritu.
Basahin ang 3 Nephi 18:1–11, at alamin kung ano ang ginawa ng Tagpagligtas.
Maaari mong panoorin ang video na “Pinasimulan ni Jesucristo ang Sakramento” mula sa time code na 0:12 hanggang 6:12, matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at sumabay sa pagbabasa sa iyong mga banal na kasulatan.
-
Ano ang natuklasan mo tungkol sa sakramento mula sa mga turo ng Tagapagligtas?
-
Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga panalangin sa sakramento kung palagi natin Siyang aalalahanin?
Maaari mong markahan ang alituntunin sa 3 Nephi 18:7, 11 na kapag tumatanggap tayo ng sakramento at palagi nating inaalala ang Tagapagligtas, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin.
Kapag sinabi ni Jesucristo na nasa atin ang Kanyang Espiritu, ang tinutukoy Niya ay ang kaloob na Espiritu Santo.
-
Ano ang ilang paraan na palagi nating maaalala ang Tagapagligtas sa ating buhay sa araw-araw? Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa Tagapagligtas para mapasaatin ang Espiritu Santo?
-
Paano napagpapala ang iyong buhay ngayon dahil nakakasama mo ang Espiritu Santo?
Ang ating karanasan sa sakramento
Isipin kung paano mapatitibay ang iyong ugnayan sa Tagapagligtas kung mayroon kang mas makabuluhang mga karanasan sa pagtanggap ng sakramento. Sagutin ang bawat pahayag gamit ang “palagi,” “minsan,” “bihira,” o “hindi kailanman.”
-
Naglalaan ako ng oras bago magsimba para makapaghanda para sa sakramento.
-
Sa oras ng sakramento, sinisikap kong alalahanin si Jesucristo.
-
Ang karanasan ko sa sakramento ay nakakaimpluwensya sa gagawin ko sa buong linggo.
Ang mga pangako ng pagtanggap ng sakramento
Basahin ang 3 Nephi 18:12–14, at alamin ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga taong inaalaala Siya at tumatanggap ng sakramento.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng tumayo sa bato ng Tagapagligtas?
-
Paano makatutulong sa atin ang pagtanggap ng sakramento sa pagtayo sa bato ng Tagapagligtas?
-
Ano ang magagawa mo para maging mas makabuluhan ang pagtanggap ng sakramento bawat linggo?