“Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan: Mahigpit na Kumapit sa Salita ng Diyos,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Mga Panimulang Materyal
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Mahigpit na Kumapit sa Salita ng Diyos
Natatangi ang mga banal na kasulatan sa kakayahan nito na mapalalim ang pananampalataya at pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang palagian at makabuluhang pag-aaral ay nanghihikayat ng pananampalataya at nagpapalakas sa ating buhay araw-araw. Ang layunin ng lesson na ito ay dagdagan ang iyong hangarin at kakayahang pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw at tumanggap ng mga ipinangakong pagpapala na kasama sa pag-aaral ng banal na kasulatan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw
Kung nais ng isang tao na mas lumakas sa pamamagitan ng pagpu-push-up, ano ang kailangan niyang gawin? Gaano katagal bago makita ang kapansin-pansing pag-iibayo ng lakas? Anong mga hamon ang maaaring kailangang madaig ng isang tao?
-
Paano ito maiuugnay sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
Basahin ang mga sumusunod na pahayag nina Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) at Julie B. Beck, na noon ay Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, at rebyuhin kung ano ang itinuturo nila tungkol sa pag-aaral ng banal na kasulatan:
Ang paggugol ng oras sa bawat araw sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay hindi mapag-aalinlanganang nagpapatibay ng ating mga saligan ng pananampalataya at ng patotoo natin sa katotohanan. (Thomas S. Monson, “Saligang Kaytibay,” Liahona, Nob. 2006, 67–68)
Bagama’t hindi ko itinuturing ang sarili ko na dalubhasa sa banal na kasulatan, … nagpapasalamat ako’t nasimulan ko ang panghabambuhay na gawi na basahin [ang mga banal na kasulatan]. Imposibleng matutuhan ang mga [aral na nilalaman] ng mga banal na kasulatan sa minsanang pagbasa lang nito o pag-aaral ng mga piling talata sa klase. (Julie B. Beck, “Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2004, 107)
-
Ano ang nalaman mo?
Isipin kung ano ang nadarama mo tungkol sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Mga pagpapala para sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan
Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin ang mga pagpapalang nagmumula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Maaaring sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang iba’t ibang pagpapala ng pag-aaral ng banal na kasulatan. Habang nagsusulat sila, sabihin din sa kanila na maglagay ng tsek sa tabi ng anumang pagpapalang natanggap nila.
-
Anong mga katotohanan na nauugnay sa pag-aaral ng banal na kasulatan ang matutukoy mo mula sa mga talatang ito?
Maaaring tumukoy ang mga estudyante ng mga katotohanan na tulad ng kung tayo ay makikinig at mahigpit na kakapit sa salita ng Diyos, tutulungan Niya tayo na mapaglabanan ang tukso at kasamaan (tingnan sa 1 Nephi 15:24); tutulungan tayo ni Jesucristo na malaman kung ano ang gagawin sa ating buhay kapag nagpakabusog tayo sa Kanyang mga salita (tingnan sa 2 Nephi 32:3); at ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa akin na makilala si Jesucristo at magalak sa Kanya (tingnan sa Alma 37:9).
-
Alin sa mga katotohanan o pagpapalang ito ang naranasan mo?
Para sa mga karagdagang pagpapala na nagmumula sa pag-aaral ng banal na kasulatan, tingnan ang “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon.”
Paano ako mas matututo pa mula sa pag-aaral ko ng banal na kasulatan?
Ang sumusunod na tanong ay maaaring talakayin ng mga estudyante sa maliliit na grupo o nang magkakapartner. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karagdagang detalye tungkol sa kanilang mga sagot, tulad ng paano, kailan, o bakit nila ginagamit ang kasanayang iyon.
-
Ano ang makatutulong sa isang tao para marami siyang matutuhan sa pag-aaral niya ng banal na kasulatan?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol at maghanap ng mga karagdagang kasanayan na makatutulong para maging mas epektibo ang pag-aaral ng banal na kasulatan.
Kung minsa’y magandang basahin ang isang aklat sa banal na kasulatan sa takdang haba ng panahon para maunawaan ang buong mensahe nito, ngunit sa pagbabalik-loob, mas mahalaga dapat ang oras ninyo sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan kaysa sa dami ng nabasa ninyo sa oras na iyon. Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, maaaring ilang kabanata o talata lang ang mabasa ninyo sa kalahating oras, pero bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo. (D. Todd Christofferson, “Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Liahona, Mayo 2004, 11)
-
Ano ang nakikita mo sa mga ideyang ito na makatutulong sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan?
Ang mga estudyante ay maaaring magdagdag sa pisara ng mga karagdagang ideya na hindi pa nakasulat.
Bukod pa sa kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na kasunod nito, maraming ideya tungkol sa kasanayan ang ibinibigay sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” sa ibaba na maaaring gamitin.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na gawin nang tahimik at mag-isa ang sumusunod na aktibidad. Pagkatapos ay hatiin sila sa maliliit na grupo o nang magkakapartner upang ibahagi ang natutuhan nila.
Sa susunod na 5 o 10 minuto, subukang gamitin ang mga mungkahing ibinigay ni Elder Christofferson. Maglaan ng oras na magnilay, muling magbasa, magdasal, magtanong, at magsulat ng mga impresyon. Narito ang ilang posibleng scripture passage na maaari mong gamitin (huwag mag-atubiling pumili ng iba’t ibang scripture passage sa Aklat ni Mormon).
Pagkatapos magkaroon ang mga estudyante ng oras na mag-aral, anyayahan sila na magbahagi ng tungkol sa kanilang mga karanasan. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong.
-
Ano ang inyong naranasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa ganitong paraan?
-
Paano maiimpluwensyahan ng pag-aaral sa ganitong paraan ang inyong personal na pag-aaral ng banal na kasulatan?
Magtakda ng mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan
Ang isa sa mga layunin ng seminary ay tulungan ka na mas mapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Upang matulungan ka, may kinakailangan para sa seminary credit na basahin ang aklat ng banal na kasulatan sa kasalukuyang taon nang hindi bababa sa 75 porsiyento ng mga araw sa kalendaryo ng semester.
Humingi ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo para makapagtakda ng personal na mithiin sa pag-aaral. Upang makatulong, magsimula sa pagdarasal upang humingi ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit. Isipin ang mga sumusunod na tanong habang nagtatakda ka ng mithiin:
-
Kailan at saan ko maaaring pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw?
-
Ilang oras ako mag-aaral sa bawat araw?
-
Ano ang magagawa ko upang mas lubos kong maanyayahan ang Espiritu Santo sa pag-aaral ko ng banal na kasulatan?