Seminary
Ang Plano ng Kaligtasan: Ang Plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga Anak


“Ang Plano ng Kaligtasan: Ang Plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga Anak,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Ang Plano ng Kaligtasan,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Mga Panimulang Materyal

Ang Plano ng Kaligtasan

Ang Plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga Anak

Ang Malaking Kapulungan

Sa ating mortal na paglalakbay, madalas na may mga tanong tungkol sa layunin at kahulugan ng buhay: Saan ako nanggaling? Bakit ako narito? Saan ako pupunta? Kapag alam mo ang mga sagot sa mga tanong na ito, makatutulong ito sa iyo na harapin ang mga hamon ng buhay at manatili sa landas ng tipan ng Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan at madama ang kahalagahan ng plano ng Ama sa Langit.

Ang Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion. Tandaan na “ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], x, SimbahanniJesucristo.org)

icon, tagubilin sa pagtuturo

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na sa palagay nila ay hindi sila mabubuhay kung wala ito at maghandang ipaliwanag kung bakit. Maaari din nilang dalhin ito o ang isang larawan nito sa klase, kung naaangkop.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang plano ng Ama sa Langit

icon, tagubilin sa pagtuturo

Upang matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto sa isa’t isa, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa tanong sa ibaba. Maaaring makatulong sa mga estudyante na sabihin kung ano ang naisip nila o magpakita ng larawan nito. Tiyaking manghikayat ng positibong saloobin at paggalang tungkol sa mahahalagang bagay sa buhay ng mga estudyante.

  • Sa palagay mo, anong kaalaman ang hindi ka mabubuhay kung wala ito? Bakit?

Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at makabagong paghahayag, nalaman natin ang tungkol sa buhay bago tayo isinilang, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, kabilang-buhay, at marami pang ibang aspeto ng ating buhay na walang hanggan. Magiging mahirap mabuhay kung wala ang kaalamang ito. Pag-isipan sandali ang nalalaman mo tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Pag-isipang mabuti kung ano kaya ang buhay mo kung wala ang kaalamang iyon.

Sa pag-aaral mo ngayon, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan ka na matutuhan pa ang tungkol sa mapagmahal na plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.

Ang plano ng Ama sa Langit sa Aklat ni Mormon

icon, tagubilin sa pagtuturo

Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong at reperensya. Ang isa pang opsiyon ay isulat ang bawat tanong sa hiwalay na piraso ng papel at ilagay ang mga papel sa buong silid. Sabihin sa mga estudyante na lumibot sa buong silid, hanapin ang mga tanong, at pagkatapos ay hanapin sa mga banal na kasulatan ang mga sagot sa mga tanong. Maaari ding isulat ng mga estudyante ang mga sagot na mahahanap nila sa papel.

Maraming itinuturo ang Aklat ni Mormon tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na: “Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay tunay na salita ng Diyos. Nilalaman nito ang mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay” (Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 62). Narito ang ilang tanong na sinasagot ng Aklat ni Mormon. Pumili ng kahit dalawang tanong at basahin ang scripture passage na tumutulong sa pagsagot sa tanong.

  • Ano ang itinuturo ng Aklat ni Mormon tungkol sa buhay bago tayo isinilang? (Alma 12:25, 30; ang pariralang “pagkakatatag ng daigdig” ay tumutukoy sa buhay bago tayo isinilang.)

  • Ano ang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo sa plano ng Ama sa Langit? (Alma 22:12–14)

  • Ano ang layunin ng buhay? (Alma 34:32–33)

  • Ano ang mangyayari kapag namatay tayo? (Alma 40:11–14, 21–23)

  • Ano ang mangyayari kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (2 Nephi 9:6–11)

icon, tagubilin sa pagtuturo

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sagot na nahanap nila para sa mga tanong. Maaari ding sabihin sa mga estudyante na magtanong tungkol sa mga talatang binasa nila o tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Maaari nilang gamitin ang entry na “Plano ng Kaligtasan” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo upang maunawaan ang mga scripture passage at maghanap ng mga sagot sa kanilang mga tanong.

  • Anong mga katotohanan o doktrina ang natukoy mo mula sa mga talatang binasa mo?

  • Anong mga salita o parirala sa mga talata ang nagtuturo ng katotohanan o doktrina na natukoy mo?

    icon, tagubilin sa pagtuturo

    Maaari mong isulat sa pisara ang mga katotohanan at doktrina na matutukoy ng mga estudyante. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang iba’t ibang katotohanan, tulad ng sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay matutubos mula sa Pagkahulog.

  • Alin sa mga turo tungkol sa plano ng Ama sa Langit ang lubos mong ipinagpapasalamat? Bakit?

icon, tagubilin sa pagtuturo

Maaaring makatulong sa mga estudyante na magsanay na ipaliwanag ang plano ng Ama sa Langit nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Bukod pa sa pagpapaliwanag ng plano, sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nito maiimpluwensyahan ang kanilang buhay.

Ang plano ng Ama sa Langit at ang aking buhay

icon, tagubilin sa pagtuturo

Tulungan ang mga estudyante na talakayin kung paano makakaimpluwensya sa kanilang buhay ang kaalaman tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Maaari mong gamitin ang pahayag na ito ni Pangulong M. Russell Ballard at ang ilan sa mga sumusunod na tanong.

Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makatutulong sa ating buhay ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.  Basahin ang teksto sa ibaba:

2:3

Tayong mga mortal ay may limitadong pananaw sa buhay mula sa walang hanggang pananaw. Ngunit kung alam at nauunawaan natin ang plano ng Ama sa Langit, natatanto natin na ang pagdanas ng mga paghihirap ay isa sa mga pangunahing paraan para masubukan tayo. …

Sa pamamagitan ng pagtuon at pagsunod sa mga alituntunin ng plano ng Ama sa Langit para sa ating walang hanggang kaligayahan, maaari nating ihiwalay ang ating sarili sa kasamaan ng mundo. Kung wasto ang ating pagkaunawa sa kung sino tayo, bakit narito tayo sa mundo, at saan tayo patutungo pagkatapos ng buhay na ito, hindi matitinag ni Satanas ang ating kaligayahan kahit sa ano pa mang uri ng tukso. Kung determinado tayong mamuhay ayon sa plano ng Ama sa Langit, gagamitin natin ang kalayaang pumili na ibinigay sa atin ng Diyos sa paggawa ng mga desisyon batay sa inihayag na katotohanan, at hindi batay sa mga opinyon ng iba o sa kasalukuyang pag-iisip ng mundo. (M. Russell Ballard, “Answers to Life’s Questions,” Liahona, Mayo 1995, 23–24)

  • Paano naiimpluwensyahan ang buhay mo ng iyong kaalaman tungkol sa plano ng Ama sa Langit?

  • Ano ang ilang sitwasyon kung saan maiimpluwensyahan ng nalalaman mo tungkol sa plano ng Ama sa Langit ang mga desisyong gagawin mo?

  • Paano makakaimpluwensya ang nalalaman mo tungkol sa plano ng Ama sa Langit sa pananaw mo sa mga sitwasyon at karanasan mo sa iyong buhay?

icon, tagubilin sa pagtuturo

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa plano ng Ama sa Langit at kung paano nito naimpluwensyahan ang iyong buhay.