“1 Nephi 3: ‘Ang Diyos ay Naghahanda ng Paraan,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“1 Nephi 3: ‘Ang Diyos ay Naghahanda ng Paraan,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
1 Nephi 3
Ang Diyos ay Naghahanda ng Paraan
Matapos maglakbay nang ilang araw sa ilang, sinubok ang pagsunod at pananampalataya sa Diyos ni Nephi at ng kanyang mga kapatid nang iutos sa kanila na bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban. Kung minsan, iuutos din sa iyo ng Panginoon na gawin ang mahihirap na bagay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na manampalataya sa Diyos upang maisakatuparan mo ang iniuutos Niya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mahihirap na kautusan
-
Aling mga kautusan, pamantayan, o iba pang mga paanyaya ng propeta ang pinakamahirap sundin para sa mga tinedyer ngayon? Bakit mas mahirap ang mga ito kaysa sa iba?
-
Ano ang sasabihin mo sa isang tao na nakadarama na napakahirap sundin ng isang kautusan o pamantayan?
Kung may kautusan na mahirap para sa iyo na sundin, isaisip ito habang pinag-aaralan mo ang 1 Nephi 3. Hangaring matuto mula sa mga halimbawang pinag-aaralan mo, at pagnilayan kung paano makakaimpluwensya sa iyong kaugnayan sa Panginoon ang iyong mga pagpili.
Ang Panginoon ay nagbigay ng kautusan sa mga anak ni Lehi
Basahin ang 1 Nephi 3:1–6, at alamin ang iniutos sa mga anak ni Lehi.
-
Sa iyong palagay, bakit tama ang mga kapatid ni Nephi sa pagtawag sa kautusang ito na isang “mahirap na bagay”? (talata 5).
Isipin kung ano ang maaaring nadama ng mga anak ni Lehi nang lisanin nila ang kanilang tahanan at maglakbay sila nang daan-daang milya sa tigang na bayan patungo sa ilang upang pabalikin lang sa Jerusalem makalipas ang maikling panahon upang kunin ang mga lamina mula kay Laban.
Basahin ang 1 Nephi 3:7–8 at tukuyin ang dahilang ibinigay ni Nephi kung bakit handa siyang sundin ang utos ng Panginoon.
-
Ano ang naunawaan ni Nephi na maaaring hindi naunawaan ng kanyang mga kapatid?
Ang isang bagay na matututuhan natin mula sa talata 7 ay naghahanda ang Diyos ng paraan para maisakatuparan natin ang anumang iniuutos Niya.
Pag-isipan kung paano nauugnay ang katotohanang ito sa mga kautusang maaaring mahirap para sa iyo.
Bagama’t tutulungan ka ng Diyos na maisakatuparan ang iniuutos Niya, hindi Niya ipinangako na magiging madali ito o magtatagumpay ang unang pagtatangka mo.
Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Ang pagsunod sa Tagapagligtas ay hindi mag-aalis ng lahat ng inyong pagsubok. Gayunman, aalisin nito ang mga hadlang sa pagitan ninyo at ng tulong na gustong ibigay sa inyo ng Ama sa Langit. Sasamahan kayo ng Diyos. (Dieter F. Uchtdorf, “Pananabik na Makauwi,” Liahona, Nob. 2017, 22)
-
Ano ang nauunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa tulong ng pahayag na ito?
Isiping muli ang mga kautusan, pamantayan, o iba pang mga paanyaya ng propeta na natukoy mo kanina sa lessson bilang pinakamahirap sundin para sa mga tinedyer.
-
Ano ang mga balakid na maaaring magpahirap na masunod ang mga kautusang ito?
-
Paano maaaring “maghanda ng paraan” ang Panginoon para matulungan ang mga kabataan na sundin ang mga kautusang ito?
Tinangkang kunin ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ang mga laminang tanso
Pag-aralan ang mga sumusunod na salaysay tungkol sa unang dalawang pagtatangka na kunin ang mga laminang tanso. Alamin kung ano ang naging reaksyon ng magkakapatid sa bawat pagtatangka. (Tandaan: Sa lesson na “1 Nephi 4–5,” malalaman mo kung paano nagbigay ng paraan kalaunan ang Panginoon upang magtagumpay sila.)
Unang pagtatangka: Basahin ang 1 Nephi 3:10–15 o panoorin ang “Si Nephi ay Pinatnubayan ng Espiritu para Makuha ang mga Laminang Tanso” mula sa time code na 4:43 hanggang 8:18. Ang video na ito ay matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org. (Maaaring makatulong na malaman na ang palabunutan ay isang paraan ng pagpili ng isang opsiyon sa maraming pagpipilian.)
Pangalawang pagtatangka: Basahin ang 1 Nephi 3:22–31; 4:1, o panoorin ang “Si Nephi ay Pinatnubayan ng Espiritu para Makuha ang mga Laminang Tanso” mula sa time code na 8:18 hanggang 15:10.
-
Ano kaya ang natutuhan ng magkakapatid na ito tungkol sa kanilang mga sarili mula sa mga pagsubok na naranasan nila habang sinisikap na sundin ang kautusan ng Diyos?
-
Sa iyong palagay, bakit hinahayaan tayo ng ating mapagmahal na Diyos na mahirapan nang kaunti bago Siya maglaan ng paraan para maisakatuparan ang Kanyang kalooban?
-
Sa iyong palagay, paano nakaimpluwensya ang magkakaibang reaksyon ng magkakapatid sa kanilang pananampalataya at kaugnayan kay Jesucristo? Bakit?
Ipamuhay ang salaysay na ito
Matutulungan ka ng Tagapagligtas na madaig ang mga balakid na mas nagpapahirap na masunod ang Kanyang mga kautusan at ang payo ng Kanyang mga propeta. Upang matulungan kang maipamuhay ito, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.
-
Isipin na kunwari ay pinapayuhan ka ni Nephi tungkol sa isang kautusan o sa payo ng propeta na nahihirapan kang sundin. Ano sa palagay mo ang sasabihin Niya sa iyo?
-
Ano ang mga partikular na gagawin mo para mas lubos mong masunod ang isa sa mga kautusan ng Panginoon o mga payo ng propeta?
-
Ano ang nakita o naranasan mo na nagbibigay sa iyo ng tiwala na maghahanda ng paraan ang Panginoon upang masunod mo ang Kanyang mga kautusan at ang Kanyang propeta?