“1 Nephi 2: ‘Hinanap Mo Ako nang Buong Pagsisikap’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“1 Nephi 2,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
1 Nephi 2
“Hinanap Mo Ako nang Buong Pagsisikap”
Kung minsan ay iniuutos sa atin ng Panginoon na gawin ang mga bagay na maaaring mahirap nating maunawaan o magawa. Matapos manawagan sa mga tao ng Jerusalem na magsisi, sinunod ni Lehi ang paghahayag na lumisan kasama ang kanyang pamilya patungo sa ilang. Sa halip na bumulung-bulong na tulad nina Laman at Lemuel, bumaling si Nephi sa Panginoon para sa karagdagang pang-unawa at napalambot ang kanyang puso. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang makadama ng mas matinding hangaring bumaling sa Panginoon kapag iniuutos Niya sa iyo na gawin ang mahihirap na bagay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagtugon sa payo ng Panginoon
Isipin na nakikinig ka sa pangkalahatang kumperensya at ang Pangulo ng Simbahan ay nagbibigay ng payo na sa palagay mo ay magiging mahirap na sundin. Pagkatapos ng kumperensya, naririnig mo ang iba pang mga miyembro ng Simbahan na nagrereklamo tungkol sa kanyang payo at nagtatanong kung bakit hihilingin sa atin ng propeta na gawin ang bagay na ito. Habang nakikinig ka sa mga argumentong ito, nag-iisip ka kung ano ang dapat mong gawin.
-
Ano ang ilang negatibong paraan ng pagtugon sa mga reklamo at puna ng mga miyembro?
-
Ano ang ilang positibong pamamaraan sa sitwasyong ito? Ano ang ikalulugod ng Panginoon?
Sa 1 Nephi 2, makikita mo ang magkakaibang tugon ng mga anak ni Lehi sa isang mahirap na kautusang ibinigay sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Sa iyong pag-aaral, maghanap ng mga alituntunin na makatutulong sa iyo kung tila mahirap sundin ang propeta.
Iniutos ng Panginoon kay Lehi na lisanin ang Jerusalem
Maaaring natatandaan mo na iniutos ng Panginoon kay Lehi na balaan ang mga tao ng Jerusalem na sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi. Basahin ang 1 Nephi 2:1–5, at alamin ang ipinayo ng Panginoon kay Lehi matapos siyang mangaral ng pagsisisi. Maaari mo ring panoorin ang “Kinausap ni Lehi ang Kanyang Pamilya na Lisanin ang Jerusalem” (2:27), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.
Ang layo na posibleng nilakbay ng pamilya ni Lehi mula Jerusalem patungo sa mga hangganan ng Dagat na Pula ay tinatayang 200 milya (320 kilometro). Ang kanilang paglalakbay ay posibleng inabot nang maraming araw at nagdala sa kanila sa isang mainit at tigang na bayan na kilalang may mga magnanakaw na naghihintay na mandambong sa mga manlalakbay na hindi nakahanda.
-
Kung isa ka sa mga anak ni Lehi, ano kaya ang naging reaksyon mo sa sitwasyong ito? Bakit?
-
Anong mga tanong ang maaaring naisip mo?
-
Paano mo nakikitang ipinamalas ang awa ng Panginoon sa Kanyang utos na lisanin ang Jerusalem?
Tugon nina Laman at Lemuel |
Tugon nina Nephi at Sam |
---|---|
Tugon nina Laman at Lemuel | Tugon nina Nephi at Sam |
Maaari mo ring panoorin ang “Nanalangin si Nephi para kina Laman at Lemuel” (6:02), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, at hanapin ang iba pang mga kaalaman na maidaragdag mo sa iyong chart.
-
Ano ang napansin mo habang ikinukumpara mo ang mga ginawa nina Laman at Lemuel sa ginawa nina Nephi at Sam?
-
Sa isang pangungusap, paano mo ibubuod ang natutuhan mo sa mga halimbawa nina Laman at Lemuel? Paano mo ibubuod ang natutuhan mo sa mga halimbawa nina Nephi at Sam?
Maglaan ng ilang sandali na rebyuhin ang isinulat mo. Pag-isipan kung aling mga kilos o motibo ang pinakakatulad ng sa iyo. Anong mga hangarin, ideya, o damdamin ang dumarating sa iyo habang ikinukumpara mo ito?
Maaaring natuklasan mo mula kina Laman at Lemuel na kung hindi natin alam ang mga pangako ng Panginoon at hindi tayo naniniwala sa Kanyang mga propeta, maaari tayong bumulung-bulong. Maaaring natutuhan mo mula kay Nephi na kapag masigasig nating hinahangad na maunawaan ang mga kautusan ng Panginoon, mapapalambot Niya ang ating puso upang tulungan tayong maniwala at sumunod.
Ang sinabi ni Nephi na “pinalambot [ng Panginoon] ang [kanyang] puso” (1 Nephi 2:16) ay nagpapahiwatig na, katulad nina Laman at Lemuel, hindi madali para sa kanya na sundin ang kautusang ito. Isipin kung paano kaya nakaapekto sa buong buhay ni Nephi ang desisyon niya na bumaling sa Panginoon sa sitwasyong ito. Isipin kung paano posibleng naiba ang buhay nina Laman at Lemuel kung tinularan nila ang halimbawa ni Nephi.
-
Ano ang ilang sitwasyon na kinakaharap mo o makakaharap mo kung saan makikinabang ka sa pagtulad sa halimbawa ni Nephi?
-
Paano makakaapekto sa iyong buhay ngayon at sa hinaharap ang mapagpakumbabang pagsamo sa Panginoon sa mga sitwasyong ito, sa halip na huwag maniwala at bumulung-bulong?
-
Ano ang nauunawaan mo tungkol sa Diyos na makapipigil sa iyong bumulung-bulong kapag iniuutos Niya sa iyo na gawin ang isang bagay na mahirap?
Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang magagawa natin kapag hindi natin nauunawaan sa simula o hindi tayo sumasang-ayon sa payo ng propeta ng Panginoon.
Huwag kayong mabibigla kung ang inyong mga personal na pananaw sa simula ay hindi palaging lubos na umaayon sa mga turo ng propeta ng Panginoon. Ito ang mga pagkakataon ng pagkatuto, ng pagpapakumbaba, kapag tayo ay lumuluhod para manalangin. Nagpapatuloy tayo sa paglakad nang may pananampalataya, nagtitiwala sa Diyos, nalalaman na darating ang panahon na makatatanggap tayo ng dagdag na espirituwal na kaliwanagan mula sa ating Ama sa Langit. Inilarawan ng isang propeta ang di-maikukumparang kaloob ng Tagapagligtas nang ganito: “ang kalooban ng Anak ay mapasasakop sa kalooban ng Ama” [Mosias 15:7]. Ang pagsuko ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos, sa katunayan, ay hindi talaga pagsuko subalit pagsisimula ng isang maluwalhating tagumpay. (Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 26)
-
Anong mga pagpapala ang dumating sa iyo nang hangarin mong isuko ang iyong kalooban sa Ama sa Langit, tulad ng ginawa nina Jesus at Nephi?
Maglaan ng ilang sandali para isulat ang iyong mga ideya at espirituwal na impresyon. Ano ang natutuhan mo na gusto mong tandaan? Anong mga pagbabago ang nahihikayat kang gawin sa iyong buhay batay sa napag-aralan mo ngayon?