Seminary
1 Nephi 1–5: Buod


“1 Nephi 1–5: Buod,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“1 Nephi 1–5: Buod,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

1 Nephi 1–5

Buod

Si Lehi ay tinawag ng Diyos upang mangaral ng pagsisisi sa mga tao ng Jerusalem. Sinunod niya ang isang paghahayag mula sa Panginoon na lumisan kasama ang kanyang pamilya patungo sa ilang. Bumaling ang kanyang anak na si Nephi sa Panginoon para sa karagdagang pang-unawa at napalambot ang kanyang puso. Matapos maglakbay nang ilang araw sa ilang, sinubok ang pagsunod at pananampalataya sa Diyos ni Nephi at ng kanyang mga kapatid nang iutos sa kanila na bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban.

Maghandang Magturo

Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa mga titser ng mga ideya kung ano ang maaaring kailangang ihanda nang maaga para sa bawat lesson.

1 Nephi 1

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagtanggap at pagsunod sa mga propeta ng Diyos.

  • Paghahanda ng estudyante: Hikayatin ang mga estudyante na dumating sa klase na handang magbahagi ng mga babalang narinig nila kamakailan mula sa mga propeta at pag-isipan kung paano sila tumugon sa mga babalang iyon.

  • Mga larawan: Ang mga larawan ng ilog at talon mula sa lesson

  • Video:Iniutos ng Panginoon sa Pamilya ni Lehi na Lisanin ang Jerusalem” (18:14; panoorin mula sa time code na 0:39 hanggang 5:53 at mula sa time code na 5:53 hanggang 7:26)

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Sa huling aktibidad, kapag inihahanda ng mga estudyante ang kanilang sagot sa text message mula sa isang kaibigan, sabihin sa kanila na maghintay na matapos ang lahat bago ibahagi ito. Gamitin ang chat feature para sabay-sabay na maisumite ng lahat ang kanilang mga sagot. Sa ganitong paraan, magkakaroon ang mga estudyante ng sarili nilang sagot ngunit magkakaroon din sila ng pagkakataong pag-aralan ang sinagot ng iba.

1 Nephi 2

Layunin ng lesson: Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mas matinding hangaring bumaling sa Panginoon kapag iniuutos Niya sa kanila na gawin ang mahihirap na bagay.

  • Paghahanda ng estudyante: Itanong sa isang kaibigan o kamag-anak, “Kailan ka humingi at tumanggap ng tulong sa Panginoon upang maniwala at sumunod sa Kanyang mga salita, kahit mahirap ito?”

  • Larawan: Mapa ng posibleng rutang dinaanan ng pamilya ni Lehi sa pag-alis mula sa Jerusalem

  • Mga Video:Kinausap ni Lehi ang Kanyang Pamilya na Lisanin ang Jerusalem” (2:27); “Nanalangin si Nephi para kina Laman at Lemuel” (6:02); “Ang Propeta ng Diyos” (16:04; panoorin mula sa time code na 11:51 hanggang 12:37)

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Pagkatapos ipakita ang mapa ng posibleng rutang dinaanan ng pamilya ni Lehi sa ilang at ipaliwanag kung gaano kalayo ang maaaring nilakbay nila, maaari kang gumamit ng online map application para magpakita sa mga estudyante ng ilang lugar na may katulad na layo mula sa lugar kung saan sila nakatira. Maaaring sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maglakbay papunta roon nang walang sasakyang de-motor o de-makina, nang batid na kailangang dalhin nila ang anumang ari-arian na gusto nilang dalhin.

1 Nephi 3

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na manampalataya sa Diyos upang maisakatuparan ang iniuutos Niya na gawin nila.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery passage na 1 Nephi 3:7 at pag-isipan kung paano ito naaangkop sa mga sitwasyong kinakaharap nila sa kanilang buhay.

  • Video:Si Nephi ay Pinatnubayan ng Espiritu para Makuha ang mga Laminang Tanso” (25:44; panoorin mula sa time code na 4:43 hanggang 8:18 at mula sa time code na 8:18 hanggang 15:10)

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Ang isang posibleng paraan para simulan ang lesson ay hilingin sa mga estudyante na magpakita sa camera nila ng isang bagay na napakahalaga sa kanila o sa kanilang pamilya dahil sa pagsisikap na kinailangan para makamit o makuha ito. Sabihin sa ilang estudyante na pag-usapan ang kahalagahan ng kanilang item at kung paano ito nakamit o nakuha. Pagkatapos ay magpakita ng larawan ng pamilya ni Lehi na hawak ang mga laminang tanso, at sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag kung ano ang kinailangang gawin ng pamilya ni Lehi para makuha ang mga ito at kung bakit talagang determinado silang gawin iyon.

Doctrinal Mastery: 1 Nephi 3:7

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maisaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 1 Nephi 3:7, maipaliwanag ang doktrina, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga makatotohanang sitwasyon.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga karanasan nila o ng mga mahal nila sa buhay na nagpapakita na naghahanda ang Panginoon ng paraan para maisakatuparan ang iniuutos Niya sa atin.

  • Larawang ipapakita: Si Nephi na nakikipag-usap sa kanyang amang si Lehi

  • Content na ipapakita: Ang mga tagubilin at tanong patungkol sa tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman (simula sa “Kumilos nang may pananampalataya” sa bahaging “Pagsasanay para sa pagsasabuhay”)

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Sa halip na gamitin ang mga iminumungkahing sitwasyon sa bahaging “Pagsasanay para sa pagsasabuhay,” maaari mong hilingin sa mga estudyante na mag-post sa chat ng mga tunay na sitwasyon kung saan mahirap sundin ang isang kautusan. (Ipaalala sa kanila na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal tungkol sa kanila o sa iba.) Pagkatapos ay maaaring pumili ang mga estudyante ng isa sa mga post ng kanilang mga kaklase na pagtutuunan habang ginagamit nila ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

1 Nephi 4–5

Layunin ng lesson: Layunin ng lesson na ito na palakasin ang tiwala ng mga estudyante sa Ama sa Langit at sa Kanyang kahandaang gabayan sila.

  • Paghahanda ng estudyante: Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na makikita sa simula ng lesson. Hikayatin sila na dumating sa klase na may handang mga ideya tungkol sa mga sitwasyon kung saan personal silang makikinabang sa pagtanggap ng patnubay ng Panginoon.

  • Mga Video: “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay” (20:28; panoorin mula sa time code na 9:14 hanggang 9:40); “Iniutos ng Espiritu kay Nephi na Patayin si Laban” (3:26); “Nakuha ni Nephi ang mga Sagradong Talaan” (4:20)

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Bago magtipon ang mga estudyante para sa klase, maaari mong hikayatin ang ilan sa kanila na dumating sa klase na handang magbahagi ng mga karanasan tungkol sa paggabay sa kanila ng Espiritu Santo. Maghanap ng mga pagkakataon sa buong talakayan na hayaan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon na gabayan sila.