Seminary
2 Nephi 9:50–52: “Lumapit sa Banal ng Israel”


“2 Nephi 9:50–52: ‘Lumapit sa Banal ng Israel,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 9:50–52,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 9:50–52

“Lumapit sa Banal ng Israel”

mga kabataan na magkasamang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Naranasan mo na bang umasa na magdadala sa iyo ng matinding kasiyahan ang isang bagay pero sa huli ay binigo ka lang nito? Tinapos ni Jacob ang kanyang sermon sa pagpapayo sa mga Nephita na iwasang gumugol ng oras o pera sa mga bagay na hindi magbibigay ng pangmatagalang kasiyahan. Inanyayahan niya sila na lumapit kay Jesucristo at magpakabusog sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang makadama ng mas matinding pagnanais na hangarin ang mga pagpapala at kasiyahan na tanging si Jesucristo lamang ang makapagbibigay.

Pagtuturo ng doktrina. Iniutos sa atin ng Panginoon na “turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian” (Doktrina at mga Tipan 88:77). Ang doktrinang ito ay binubuo ng mga walang-hanggang katotohanan, na kapag ipinamuhay, ay humahantong sa kadakilaan. Ang pinakamahalaga sa mga katotohanang ito ay ang tungkulin ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan. Ang pagtuturo ng totoong doktrina ay nag-aanyaya sa pagpapatotoo ng Espiritu Santo at makahihikayat sa mga estudyante na sundin ang Tagapagligtas.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga pagpiling ginawa nila, mga lugar na napuntahan na nila, o mga bagay na natutuhan nila na nagdala ng pangmatagalang kasiyahan sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagpawi sa ating gutom at uhaw

Maaari kang magpakita sa mga estudyante ng ilang tasang puno ng mga bagay na hindi makakapawi ng uhaw ng isang tao, tulad ng toyo, mustard, o syrup. Pagkatapos ay magpakita ng isa pang tasa na puno ng malinis na tubig. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nauhaw sila at nagkaroon ng pagkakataong uminom mula sa isa lamang sa mga tasang ipinakita mo sa kanila. Sabihin sa kanila na pumili at ipaliwanag ang mga posibleng ibubunga ng kanilang pagpili.

Maaari ka ring gumawa ng demonstrasyon gamit ang mga pagkaing hindi nakakapawi ng gutom ng isang tao, tulad ng asin o maliit na mint, kasama ng mas nakakabusog at masustansyang pagkain, tulad ng prutas.

Marahil ay napansin mo na ang ating mga espiritu, tulad ng ating mga katawan, ay nangangailangan ng pangangalaga at kasiyahan.

  • Ano ang ilang paraan na makapagbibigay tayo ng pangmatagalang pangangalaga o kasiyahan sa ating espiritu?

  • Ano ang mga bagay na binabalingan ng mga tao para sa kasiyahan na maaaring magpadama sa kanila ng kasalatan sa espirituwal?

  • Sa iyong palagay, bakit bumabaling kung minsan ang mga tao sa mga bagay na hindi nagdudulot ng pangmatagalang kasiyahan?

Anyayahan ang mga estudyante na suriin ang sarili nilang buhay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong pag-isipan ang mga sumusunod na tanong.

  • May mga bagay ka bang binabalingan para sa kaligayahan at katuparan na hindi lubos na nakatutugon sa mga hangaring iyon? Ano ang nakatulong sa iyo para makadama ka ng pangmatagalang kapayapaan at kaligayahan sa iyong buhay?

  • Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na maranasan ang mga pagpapala at kasiyahan na tanging si Jesucristo lamang ang makapagbibigay.

“Magpakabusog doon sa hindi nawawala”

Alalahanin mula sa pag-aaral mo ng 2 Nephi 9:27–49 na binalaan ni Jacob ang kanyang mga tao laban sa masasamang gawain na ginagawa nila. Pagkatapos ay tinapos ni Jacob ang kanyang mensahe sa isang mahalagang paanyaya.

Basahin ang 2 Nephi 9:50–52, at alamin ang paanyaya ni Jacob sa kanyang mga tao.

  • Ano ang ilang salita o parirala mula sa mga talatang ito na sa palagay mo ay mahalaga? Bakit?

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa mga hangarin ni Jesucristo para sa atin? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa iniaalok Niya sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng mga katotohanan mula sa mga turo ni Jacob. Maaari silang makatukoy ng isang katotohanan na katulad ng sumusunod. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag lumapit tayo kay Jesucristo, masisiyahan ang ating mga kaluluwa.

Paggamit ng mga cross-reference upang palalimin ang iyong pag-unawa

Ang paghahanap ng mga scripture passage na nauugnay sa pinag-aaralan mo ay maaaring makatulong upang mapalalim ang iyong pag-unawa at pagpapahalaga sa kung ano ang nasa mga banal na kasulatan.

Gawin ang kasanayang ito sa pamamagitan ng paghahanap ng mga cross-reference na may kaugnayan sa mga turo sa 2 Nephi 9:50–52.

Maaari mong gawin ang prosesong inilarawan sa sumusunod na dalawang talata bilang isang klase, iguhit ang diagram sa pisara, at sama-samang maghanap ng isa o dalawang cross-reference. Ang isang nakatutulong na cross-reference na maaari mong banggitin sa mga estudyante ay ang Alma 5:33–34. Pagkatapos ay maaaring pagpartner-partnerin ang mga estudyante o hatiin sila sa maliliit na grupo para sama-samang maghanap ng mga cross-reference.

Maaari kang gumawa ng diagram na katulad ng sumusunod sa iyong study journal at isulat ang “2 Nephi 9:50–52” sa gitnang bilog. Kapag nakahanap ka ng mga kaugnay na banal na kasulatan na gusto mong tandaan, maaari mong isulat ang mga reperensya sa iba pang mga bilog.

graph ng bilog

Ang unang hakbang mo sa paghahanap ng mga cross-reference ay hanapin ang mga reperensyang banal na kasulatan at paksa na nakalista sa mga footnote. Pagkatapos, isiping tukuyin ang mahahalagang salita mula sa 2 Nephi 9:50–52 at saliksikin ang mga salita o mga kaugnay na salitang iyon sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o sa search function sa Gospel Library.

Narito ang ilang salita o parirala na maaari mong hanapin: lumapit; tubig na buhay; nakasisiya; makinig; magpakabusog; panalangin; pasasalamat; magsaya.

Matapos ang sapat na oras na makahanap ang mga estudyante ng mga cross-reference, anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi ang isa sa mga banal na kasulatan na partikular na makabuluhan sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano napalawak ng cross-reference na iyon ang kanilang naunawaan sa mga turo sa 2 Nephi 9:50–52. Maaari mong idagdag ang mga reperensyang banal na kasulatan na ibabahagi ng mga estudyante sa diagram sa pisara.

Pagpapamuhay ng natutuhan mo

Isipin ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo ngayon at kung paano ka mapagpapala ng mga turong ito sa iyong kasalukuyang sitwasyon.

Upang matulungan ang mga estudyante na maproseso ang natutuhan nila sa lesson ngayon, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

  • Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo ngayon na gusto mong matandaan?

  • Paano magbibigay ng pangmatagalang kasiyahan sa iyong kaluluwa ang pagpiling sundin si Jesucristo?

  • Ano ang ilang partikular na pagpiling magagawa mo na maghahatid sa iyong buhay ng pangmatagalang kasiyahan na matatamo sa pamamagitan ni Jesucristo?

Anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi sa klase ang ilan sa kanilang mga sagot. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na suriin ang kanilang buhay at mag-isip ng mga pagbabagong magagawa nila na makatutulong sa kanila na maranasan ang kaligayahan, kapayapaan, at kasiyahan na nagmumula sa pagsunod kay Jesucristo.