Seminary
2 Nephi 31:14–21: “Kinakailangan Kayong Magpatuloy sa Paglakad”


“2 Nephi 31:14–21: ‘Kinakailangan Kayong Magpatuloy sa Paglakad,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 31:14–21,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 31:14–21

“Kinakailangan Kayong Magpatuloy sa Paglakad”

kabataang nagha-hiking

Kung minsan ang paglalakbay patungo sa buhay na walang hanggan ay tila mahirap. Hindi tayo iniwang mag-isa ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa paglalakbay na ito; nais Nila na tulungan tayo sa paglalakbay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maragdagan ang iyong hangaring magpatuloy at magtiis hanggang wakas upang balang-araw ay makarating ka sa iyong huling destinasyon: ang buhay na walang hanggan sa piling ng iyong Ama sa Langit.

Tingnan ang mga estudyante kung paano sila nakikita ng Panginoon. Kapag ang mga titser ay nagsisikap na magmahal tulad ng pagmamahal ng Tagapagligtas, nagsisimulang makita nila ang iba kung paano Niya sila nakikita. Ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo ay nagbibigay-inspirasyon sa mga titser na magtiyaga sa pagtulong sa bawat estudyante na tunay na magbalik-loob. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na matukoy ang banal na kahalagahan ng bawat estudyante at matulungan silang maabot ang kanilang potensyal.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi kung paano nila matutulungan ang isang taong nahihirapang magpatuloy sa paglakad sa kabutihan sa kanilang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang ating mahabang paglalakbay

Maaari kang magpakita ng larawan ng isang mananakbo o karera, tulad ng nasa simula ng lesson na ito. Itanong kung mayroon sa mga estudyante na tumakbo na sa isang pangmalayuang karera [long-distance race] at sabihin sa kanila na ilarawan ang naranasan nila.

Kung makatutulong, iakma ang halimbawang ito sa anupamang aktibidad na maaaring mangailangan ng pagtitiis na maaaring may kaugnayan sa iyong mga estudyante.

  • Sa isang pangmalayuang karera, anong mga bagay ang maaaring maging sanhi kung bakit nanaising sumuko ng isang mananakbo?

  • Ano ang maaaring makahikayat sa isang mananakbo na tapusin ang karera kapag naging mahirap ito?

ChurchofJesusChrist.org

2:54

Ihambing ang iyong paglalakbay pabalik sa piling ng Ama sa Langit sa isang pangmalayuang karera. Pag-isipan ang mga sumusunod:

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

  • Ano ang naghihikayat sa iyo, o makahihikayat sa iyo, na magpatuloy sa iyong paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit?

  • Anong mga hamon ang kinakaharap mo?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, maghanap ng mga katotohanan o kaalaman na maaaring makatulong sa iyo na madaig ang iyong mga hamon at magsikap na makabalik sa iyong Ama sa Langit.

Isang banal na paanyaya

Nagtuturo si Nephi sa isang grupo

Matapos ituro ni Nephi ang tungkol sa binyag at pagtanggap ng Espiritu Santo, itinuro niya ang isa pang mahalagang aspeto ng doktrina ni Cristo gamit ang isang direktang pahayag mula sa Ama sa Langit. Basahin ang 2 Nephi 31:15 at alamin ang itinuro ng Ama sa Langit.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng magtiis hanggang wakas?

  • Ano sa palagay mo ang pagkakaiba ng simpleng pagtitiis, at pagtitiis sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas?

Gumamit si Nephi ng mga paglalarawan upang tulungan tayo na mailarawan sa isipan ang ating paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit. Basahin ang 2 Nephi 31:17–20 at magdrowing ng simpleng larawan ng landas na inilarawan ni Nephi. Lagyan ng label kung ano ang kinakatawan ng iba’t ibang aspeto sa landas.

  • Paano mo ibubuod ang natutuhan mo?

Ang isang bagay na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at nagtiis tayo hanggang wakas, tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.

  • Bakit mo gustong tumanggap ng buhay na walang hanggan sa piling ng iyong Ama sa Langit?

Pagpapatuloy sa paglakad

Sa mga talata 19–20, itinala ni Nephi ang iba’t ibang pag-uugali at kilos na kinakailangan upang magpatuloy sa pagtahak sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Pag-aralan ang mga talatang ito at isulat sa landas na idinrowing mo ang mga pag-uugali at kilos na makikita mo. Kung gusto mong mapanood ang isang video na itinuturo ni Nephi ang mga ito, panoorin ang “Itinuro ni Nephi ang Doktrina ni Cristo,” mula sa time code na 2:55 hanggang 3:47, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at sumabay sa pagbabasa sa iyong mga banal na kasulatan.

5:10

Maglaan ng ilang sandali upang i-rate ang iyong sarili mula 1–5 (1 ang mababa; 5 ang mataas) tungkol sa kung gaano kahusay mong nauunawaan at pinagsisikapang taglayin ang mga pag-uugali at gawin ang mga gawaing ito.

Pumili ng isa sa mga pariralang gusto mong maunawaan o ipamuhay nang mas mabuti. Maghanap ng isang talata o sipi sa banal na kasulatan na makatutulong para maragdagan ang iyong pag-unawa. Maaari mong gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Gospel Library app, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, o iba pang mapagkakatiwalaang resources.

Hayaang ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila mula sa aktibidad sa klase, sa maliliit na grupo, o nang magkakapartner. Maaari mong itanong ang ilan o ang lahat ng sumusunod upang madagdagan ang pag-unawa at hangarin ng mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila.

Bilang alternatibo, maaari mong ipakita ang ilan o ang lahat ng tanong at ipasagot sa mga estudyante ang mga ito habang nag-aaral sila. Pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi.

Paalala: Ang susunod na lesson ay mas magtutuon sa pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa pag-uugali o kilos na pinili mo?

  • Ano kaya ang mangyayari kung ipinapakita ng isang tao ang ugali o kilos na pinili mo?

  • Kailan mo nadama na pinagpapala ka o ang isang taong kakilala mo ng Ama sa Langit dahil sa isa sa mga pag-uugali o kilos na ito?

Ang iyong sariling paglalakbay

2:54

Isipin ang iyong buhay at ang iyong kasalukuyang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit. Pag-isipan kung kumusta na ang pagtitiis mo hanggang wakas.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang sagot sa isa sa mga sumusunod na tanong sa loob o sa tabi ng larawang idinrowing nila. Pagkatapos ay maaari nila itong iuwi at ilagay sa isang lugar kung saan nila ito maaaring makitang muli.

  • Ano ang natutuhan mo ngayon na tumutulong sa iyong naising magpatuloy sa paglakad patungo sa Ama sa Langit?

  • Paano mo nanaising ipamuhay ang natutuhan mo ngayon? (Maaaring isa sa mga halimbawa ang mas mabuting pagsasabuhay ng isa sa mga pariralang napag-aralan mo.)

Basahin ang sumusunod na pahayag mula kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at pag-isipan ang isinulat mo. Maaari kang manood ng isang clip mula sa kanyang mensaheng “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo” mula sa time code na 15:12 hanggang 16:20, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

19:24

Kung ibibigay natin ang ating puso sa Diyos, mamahalin ang Panginoong Jesucristo, at gagawin ang lahat ng ating makakaya upang ipamuhay ang ebanghelyo, kung gayon ang bukas—at ang bawat araw—ay magiging napakaganda, hindi man natin ito napapansin sa tuwina. Bakit? Dahil iyon ang nais ng ating Ama sa Langit! Nais Niya tayong pagpalain. Ang maganda, masagana, at walang hanggang buhay ang pinakalayunin ng Kanyang maawaing plano para sa Kanyang mga anak! Ito ay isang plano na nakabatay sa katotohanan “na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios.” Kaya patuloy na magmahal. Patuloy na magsikap. Patuloy na magtiwala. Patuloy na manalig. Patuloy na umunlad. Palalakasin ng langit ang inyong loob ngayon, bukas, at magpakailanman. (Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127)

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo o nadarama.