“2 Nephi 32:1–7: ‘Magpakabusog Kayo sa mga Salita ni Cristo,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“2 Nephi 32:1–7,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
2 Nephi 32:1–7
“Magpakabusog Kayo sa mga Salita ni Cristo”
Larawan ng isang piging ng pagdiriwang na may maraming masasarap na pagkain. Paano mo nakikita ang iyong sarili na nasisiyahan sa ganoong piging? Matapos niyang turuan ang kanyang mga tao tungkol sa pagsunod kay Jesucristo sa landas ng tipan, nadama ni Nephi na hindi pa rin sila nakatitiyak kung ano ang gagawin pagkatapos ng binyag. Tumugon siya sa pamamagitan ng paghihikayat sa kanyang mga tao na “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo” at tiniyak niya sa kanila na gagabayan sila ng mga salita ng Tagapagligtas sa pagsulong (2 Nephi 32:3). Layunin ng lesson na ito na tulungan kang magpakabusog sa mga salita ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Kainan na!
Tingnan ang mga sumusunod na larawan at isipin ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng pagmimiryenda, pagkain, o pagpapakabusog sa isang espesyal na okasyon.
-
Ano ang ilang pagkakatulad at pagkakaiba na naisip mo?
-
Kung ikukumpara natin ang pag-aaral ng mga salita ni Cristo sa tatlong paraan ng pagkain na ito, ano kaya ang kinakatawan ng bawat isa?
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pagpalain ka sa pamamagitan ng pagbibigay ng patnubay, gabay, tulong, at kapanatagan. Isipin ang huling pagkakataon na pinag-aralan mo ang mga salita ng Tagapagligtas. Ilalarawan mo ba ang karanasang ito bilang pagmemeryenda, pagkain, o pagpapakabusog? Paano ka nag-aral noong nakaraang linggo o buwan? Sa iyong patuloy na pag-aaral, hingin ang tulong ng Espiritu Santo upang malaman kung paano naging pagpapala sa buhay mo ang pag-aaral ng mga salita ni Cristo. Maghangad din ng inspirasyon na tutulong sa iyo na malaman kung paano pagbubutihin ang iyong mga pagsisikap na magpakabusog sa mga salita ni Cristo.
Ang mga salita ni Jesucristo
Alalahanin na itinuro ni Nephi sa kanyang mga tao ang tungkol sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” at ang mga kwalipikasyon upang simulan ang paglalakbay na iyon (tingnan sa 2 Nephi 31:17–18). Nahiwatigan ni Nephi na iniisip ng kanyang mga tao kung ano ang gagawin nila matapos matanggap ang ordenansa ng binyag at kung paano magpapatuloy sa landas ng tipan.
Basahin ang 2 Nephi 32:1–3, at alamin ang ipinayo ni Nephi tungkol sa pag-aaral ng mga salita ni Cristo. Habang ginagawa mo ito, isipin ang sarili mong mga alalahanin, tanong, at pangangailangan at kung paano ka makikinabang sa mga turo ni Nephi. Maaaring makatulong na malaman na ang pariralang “makapagsasalita sa wika ng mga anghel” (2 Nephi 32:2) “ay nangangahulugan lamang [na] … magsalita nang may kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Boyd K. Packer, “The Gift of the Holy Ghost: What Every Member Should Know,” Ensign, Ago. 2006, 50).
-
Ano ang natuklasan mo?
Ang isang katotohanan na maaaring natuklasan mo mula sa 2 Nephi 32:3 ay kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Jesucristo, sasabihin sa atin ng mga ito ang lahat ng bagay na dapat nating gawin. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan.
-
Saan natin makikita ang mga salita ni Jesucristo?
-
Sa iyong palagay, bakit ginamit ni Nephi ang salitang “magpakabusog” kapag inilalarawan kung paano natin dapat pag-aralan ang mga salita ng Tagapagligtas (2 Nephi 32:3)?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Takashi Wada ng Pitumpu. Kung mayroon, maaari mong panoorin ang mensahe ni Elder Wada sa ChurchofJesusChrist.org mula sa time code na 0:53 hanggang 1:42.
Noong bata pa ako, inakala ko na ang pagpapakabusog ay simpleng pagkain lang nang marami na may kanin, sushi, at toyo. Alam ko na ngayon na ang totoong pagpapakabusog ay higit pa sa pagkain ng masarap. Ito ay kagalakan, kalusugan, pagdiriwang, pagbabahagi, pagpapahayag ng pagmamahal sa pamilya at mga mahal sa buhay, pagpapasalamat sa Diyos, at pagpapatibay ng ugnayan habang kumakain ng sagana at napakasarap na pagkain. Naniniwala ako na kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, dapat nating isipin na ganoon din ang ating nararanasan. Ang pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan ay hindi pagbabasa lamang nito. Dapat na nagbibigay ito sa atin ng tunay na galak at nagpapatibay ng kaugnayan natin sa Tagapagligtas. (Takashi Wada, “Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo,” Liahona, Mayo 2019, 38–39)
-
Ano ang pinakanapansin mo sa pahayag ni Elder Wada?
-
Ano ang nakatutulong sa iyo, o makatutulong sa iyo, kapag hindi mo lang basta binasa ang mga salita ni Cristo kundi nagpakabusog ka sa mga ito?
-
Habang inaalala ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo, bakit kaya naghahatid ang Kanyang mga salita ng kagalakan, kalusugan, at pagmamahal?
-
Paano nagbibigay ng patnubay sa iyong buhay ang pagpapakabusog sa mga salita ng Tagapagligtas at paano ito nagsasabi ng dapat mong gawin?
ChurchofJesusChrist.org
Ang pag-iisip ng sarili mong mga karanasan ay makatutulong sa iyo na magpakabusog sa mga salita ni Cristo.
Maraming pamamaraan sa pag-aaral na makatutulong upang mas lalong mapagbuti ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo, kabilang ang pagdarasal para humingi ng inspirasyon bago ka mag-aral, pagtatanong ng mga tanong na mayroon ka bago mag-aral at habang nag-aaral, pagpapakahulugan sa mga salita, pagninilay, pag-cross-reference, pagtatala, paghahanap ng mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas, at paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa sarili nating buhay (Tingnan sa 1 Nephi 19:23).
-
Anong mga pangkalahatang impresyon o partikular na patnubay ang naisip mo habang nagpapakabusog ka sa mga salita ni Cristo?
Pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo
Gamit ang natutuhan mo ngayon, maglaan ng ilang minuto upang magsanay sa pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo. Maaaring kabilang dito ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan o mga salita ng mga propeta. Sikaping isakatuparan ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod habang nagpapakabusog ka:
-
Patibayin ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Mas lalo Silang mahalin at pagkatiwalaan.
-
Maghanap ng mga katotohanan na naghahatid sa iyo ng kagalakan at kalusugan.
-
Tumanggap ng patnubay para sa dapat mong gawin sa iyong buhay.
Isulat ang ilan sa mga bagay na natutuhan, nadama, at naranasan mo habang nagpapakabusog ka sa mga salita ni Cristo.