Seminary
2 Nephi 31–33: Buod


“2 Nephi 31–33: Buod,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 31–33: Buod,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 31–33

Buod

Itinuro ni Nephi na ang pagsunod kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng Espiritu Santo ay mahalaga upang maligtas sa kaharian ng Diyos. Matapos niyang turuan ang kanyang mga tao tungkol sa pagsunod kay Jesucristo sa landas ng tipan, nadama ni Nephi na hindi pa rin sila sigurado kung ano ang gagawin pagkatapos ng binyag. Tumugon siya sa pamamagitan ng paghihikayat sa kanila na “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo” at tiniyak niya sa kanila na gagabayan sila ng mga salita ng Tagapagligtas sa kanilang pagsulong (2 Nephi 32:3). Ipinaalala rin niya sa kanila ang kahalagahan ng panalangin at ng mga pagpapalang nagmumula sa palagiang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit.

Maghandang Magturo

Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa mga titser ng mga ideya tungkol sa kung ano ang maaaring kailangang ihanda nang maaga para sa bawat lesson.

2 Nephi 31:1–13

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan at maipaliwanag ang kahalagahan ng binyag at ng mga pagpapalang nagmumula rito.

  • Paghahanda ng estudyante: Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano nila ipaliliwanag kung bakit nanaisin ng isang tao na magpabinyag. Kung gusto nila, maaari silang magtanong sa isa o dalawang kapamilya o kaibigan kung bakit nila piniling magpabinyag.

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Matapos basahin ng mga estudyante ang 2 Nephi 31:5–11, maaari mong ipakita ang isa o mahigit pa sa mga talatang gusto mong talakayin. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang annotation tool, kung mayroon, upang i-highlight ang mga bahagi ng anumang (mga) talata na pinakanapansin nila, at ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga salita o pariralang iyon.

2 Nephi 31:14–21

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maragdagan ang kanilang hangaring magpatuloy at magtiis hanggang wakas upang balang-araw ay makarating sila sa kanilang huling destinasyon: ang buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi kung paano nila matutulungan ang isang taong nahihirapang magpatuloy sa paglakad sa kabutihan sa kanilang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit.

  • Nilalamang ipapakita: Ang dalawang tanong sa simula ng lesson na sasagutin ng mga estudyante sa kanilang journal

  • Mga Video:Itinuro ni Nephi ang Doktrina ni Cristo” (5:10; manood mula sa time code na 2:55 hanggang 3:47); “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo” (19:24; manood mula sa time code na 15:12 hanggang 16:20)

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Kapag hiniling sa mga estudyante na idrowing at lagyan ng label ang landas na inilarawan sa 2 Nephi 31:17–20, maaari mong anyayahan sila na magdrowing sa isang pirasong papel o gamitin ang kanilang computer o mobile device. Maaari mo ring anyayahan ang isang estudyante na magdrowing gamit ang whiteboard tool.

2 Nephi 32:1–7

Layunin ng lesson: Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na magpakabusog sa mga salita ni Jesucristo.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagkain at hikayatin silang pumasok na handang ibahagi ang kanilang mga ideya sa klase.

  • Nilalamang ipapakita: Mga larawan ng pagkain tulad ng miryenda, pagkain, at piging

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa kahulugan ng pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo, maaaring masiyahan ang mga estudyante sa paghahanap ng sarili nilang mga larawan na kumakatawan sa kanilang mga paboritong pagkain. Sabihin sa kanila na gamitin ang kanilang computer o mobile device upang maghanap ng mga larawan ng pagkain na gusto nilang kainin, at hilingin sa kanila na ibahagi ang mga larawan sa screen.

Doctrinal Mastery: 2 Nephi 32:3

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maisaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala banal na kasulatan para sa 2 Nephi 32:3, maipaliwanag ang doktrina, at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa totoong buhay.

  • Paghahanda ng estudyante: Maaaring nagkaroon na ng pagkakataon ang mga estudyante na magsanay na “magpakabusog … sa mga salita ni Cristo” sa katapusan ng nakaraang lesson. Sabihin sa kanila na patuloy na gawin ito sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan at pumasok sa klase na handang ibahagi ang kanilang karanasan.

  • Nilalamang ipapakita: Isang larawan ng table setting o hapag-kainan na nakahanda na

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro at ilagay sila sa mga breakout room upang ipaliwanag ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isa’t isa. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang isa sa mga alituntunin, anyayahan ang iba sa grupo na tulungan siya.

2 Nephi 32:8–9

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang hangaring makipag-ugnayan sa kanilang Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.

  • Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pansinin kung gaano sila kadalas manalangin at kung bakit.

  • Handout: “Matuto Pa tungkol sa Panalangin”

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Kapag natapos na ng mga estudyante ang dalawa sa tatlong aktibidad sa huling bahagi ng lesson, sabihin sa kanila na sumulat ng isang pangungusap sa chat feature na nagbubuod ng isang bagay na natutuhan nila o makabuluhan sa kanila. Pumili ng ilang estudyante na magbabahagi pa ng tungkol sa isinulat nila.