Seminary
Jacob 4: “Ang Aming Pananampalataya ay Naging Matatag”


“Jacob 4: ‘Ang Aming Pananampalataya ay Naging Matatag,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Jacob 4,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Jacob 4

“Ang Aming Pananampalataya ay Naging Matatag”

mga laminang ginto

Ang pag-ukit ng mga salita sa mga laminang metal ay hindi madaling gawain (tingnan sa Jacob 4:1). Kaya bakit pagsisikapan ni Jacob na gawin ito? Nadama niya ang kagalakang makilala ang Tagapagligtas at hinangad niyang tulungan din tayo na lumapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtukoy, pagtatala, at pagninilay sa mga alituntunin at katotohanang itinuro ni Jacob.

Pagtukoy sa doktrina at mga alituntunin sa mga banal na kasulatan. Tulungan ang mga estudyante na malaman kung paano tukuyin ang doktrina at mga alituntunin sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng masigasig na pagsisikap at pagsasanay. Kung minsan ay malinaw na nakasaad ang mga ito, samantalang sa iba pang mga pagkakataon ang mga ito ay nakabatay sa isang kuwento sa banal na kasulatan. Kapag napahusay ng mga estudyante ang kasanayang ito, mas malamang na magtuon sila sa mga banal na kasulatan para sa patnubay at mga sagot sa mga tanong.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Jacob 4:7–14 at maghandang magbahagi ng isang alituntunin o katotohanan na sa palagay nila ay kailangan lalo na sa mundo ngayon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang ibabahagi mo?

Para sa sumusunod na aktibidad sa pagsusulat, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang paglalarawan ni Jacob sa hirap ng pagsulat sa mga lamina sa Jacob 4:1–3. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na gumamit ng anumang mahirap na bagay maliban sa ballpen o lapis upang magsulat o “mag-ukit” ng maikling talata sa isang piraso ng aluminum foil o papel. Maaaring makatulong ito sa kanila na mas mapahalagahan ang ginawa ni Jacob upang itala ang kanyang mga salita para sa atin.

Sinunod ni Jacob ang isang kautusan na isulat sa maliliit na lamina “ang ilan sa mga bagay na inaakala [niyang] pinakamahalaga” (Jacob 1:2) upang mabasa ng mga susunod na henerasyon (tingnan sa Jacob 4:1–3). Kunwari ay hiniling din sa iyong sumulat ng maikling mensahe para sa mga tao sa hinaharap.

Sumulat ng isang talatang naglalaman ng pinakamahahalagang bagay na alam o naranasan mo upang mabasa ng iyong mga anak at apo sa hinaharap.

Anyayahan ang mga estudyante na gustong magbahagi sa klase ng ilan sa mga isinulat nila.

Mensahe ni Jacob sa atin

Habang pinag-aaralan mo ang mensaheng nabigyang-inspirasyon si Jacob na ukitin sa Jacob 4 upang mabasa ng mga tao sa ating panahon, magkakaroon ka ng pagkakataong magsanay gamit ang mga nakatutulong na kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan. Kabilang sa mga kasanayang ito ang:

  1. Pagtukoy at pagtatala ng mga alituntunin at katotohanan

  2. Pagninilay at pagtatanong na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga katotohanan at alituntunin

Ang paggamit ng mga kasanayang ito ay makatutulong sa iyo na matuto at mas makadama mula sa Espiritu Santo habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan.

Ang sumusunod na bahagi ng lesson ay naglalayong bigyan ang mga estudyante ng halimbawa kung paano gamitin ang mga kasanayang ito sa pag-aaral.

1. Pagtukoy at pagtatala ng mga alituntunin at katotohanan

Makatutulong na tumigil kapag binabasa mo ang mga banal na kasulatan at itala ang natutuhan mo bilang mga simpleng pahayag ng katotohanan. Maaari mong gamitin ang sarili mong mga salita o gamitin mismo ang mga salita at parirala mula sa mga banal na kasulatan.

Sanaying tumukoy ng mga alituntunin at katotohanan sa pamamagitan ng:

  • Pagbabasa ng Jacob 4:1, 4–6, at pag-alam kung ano ang itinala ni Jacob tungkol sa Tagapagligtas ayon sa inspirasyong natanggap niya.

  • Pagmamarka sa mga salita at parirala na mahalaga sa iyo.

  • Pagsusulat sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan kung ano sa palagay mo ang pinakamahahalagang mensahe sa mga talatang ito.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga pahayag ng mga alituntunin o katotohanan na natuklasan nila. Kung kailangan ng mga estudyante ng halimbawa, maaari mong ibahagi ang alituntunin na nakasulat sa mga bold letter sa sumusunod na talata.

Isang halimbawa ng isang alituntuning maaari mong matukoy mula sa talata 6 ay ang taos-pusong pagsasaliksik sa mga salita ng mga propeta ay magpapalakas sa aking pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan malapit sa talata 6.

2. Pagninilay at pagtatanong

Ang pagninilay ay makatutulong sa iyo na maunawaan at maipamuhay ang mga alituntunin at katotohanang matutukoy mo. Maaari mong pag-isipan ang mga tanong na tulad ng sumusunod:

Maaari kang magpakita o magbigay ng kopya ng mga sumusunod na tanong. Makatutulong ito sa mga estudyante na mas malinaw na maunawaan kung paano gamitin ang kasanayang ito sa pag-aaral. Magbibigay-daan din ito sa kanila na sumangguni rito habang nagsasanay sila sa paggamit sa kasanayang ito nang mag-isa kalaunan sa lesson.

  • Bakit ko iniisip na kailangang malaman ng mga tao sa ating panahon ang katotohanang ito?

  • Paano ito naaangkop sa buhay ko?

  • Ano ang nais ng Panginoon na gawin ko dahil sa natutuhan ko?

Pagkatapos mag-isip, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila habang pinag-iisipan nila ang alituntunin o katotohanang natuklasan nila sa scripture passage na ito. Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan kung paano napagpala ng katotohanang natuklasan sa scripture passage na ito ang iyong buhay.

Ang sumusunod na bahagi ay nilayong tulungan ang mga estudyante na sanayin ang mga kasanayan sa pagtukoy, pagtatala, at pagninilay ng natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pumili kung gusto nilang makipagtulungan sa isang kapartner o gumawa nang mag-isa upang matapos ang aktibidad na ito.

Magsanay na gamitin ang mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan

Sanayin ang mga kasanayan sa pagtukoy, pagtatala, at pagninilay ng mga alituntunin at katotohanan sa pamamagitan ng:

  1. Pag-aaral ng Jacob 4:7–14, at paghahanap ng mahahalagang turo na piniling itala ni Jacob tungkol sa Tagapagligtas.

  2. Pagsusulat sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan ng isang alituntunin o katotohanan na sa palagay mo ay mahalagang maunawaan ng mga tao sa mundo ngayon.

    Maaari kang huminto bago ibahagi ang susunod na hakbang para mag-anyaya ng mga boluntaryo na magsulat sa pisara ng isang alituntunin o katotohanan na natukoy nila. Ito ay magpapakita ng mga halimbawa ng mga alituntunin at katotohanan sa mga estudyanteng kulang ang karanasan sa pagtukoy sa mga ito.

  3. Pagninilay sa kahalagahan ng nalaman mo. Magtanong ng mga bagay na makatutulong sa iyo na mas maunawaan at maipamuhay ito. (Ang mga halimbawa ng mga tanong na maaari mong pag-isipan ay matatagpuan sa bahaging “Pagninilay at pagtatanong” sa naunang bahagi ng lesson.)

    Sabihin sa mga estudyante na magkakaroon sila ng ilang minuto upang maghandang ibahagi ang alituntunin o katotohanan na pinili nila, kung aling mga talata ang nakita nila rito, at kung bakit sa palagay nila ay mahalaga ito. Maaari silang maghandang sabihin lang sa iba pang mga estudyante ang natutuhan nila. O maaari silang maghandang magbahagi sa iba pang mga paraan, tulad ng paggawa ng meme, pagdrowing ng isang larawan, o paghahanda ng isang post na maaaring ibahagi sa social media. Ang mga sumusunod na bullet point ay maaaring ipakita upang matulungan ang mga estudyante sa kanilang paghahanda.

    Hanapin ang mga estudyante na maaaring nangangailangan ng tulong, at magbigay ng tulong. Maaari kang magbahagi ng kaugnay na impormasyon mula sa mga bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” at “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral”.

  • Paano makatutulong ang alituntunin o katotohanan sa isang tinedyer upang mapalakas ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo

  • Iba pang mga scripture passage o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na tumutulong sa iyo na mas maunawaan ang alituntunin o katotohanang ito

  • Mga bagay na maaari mong pagnilayan at itanong upang matulungan kang mas maunawaan ang alituntunin o katotohanang ito

  • Mga paraan kung paano mo maipamumuhay ang natutuhan mo upang mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo

  • Mga karanasan kung saan napagpala ka o ang mga kakilala mo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng itinuro ni Jacob

Sabihin sa mga estudyante na lumibot sa silid, maghanap ng isa pang estudyante, at magsalitan sa pagbabahagi ng inihanda nila nang tigdalawang minuto bawat isa. Kung may oras pa, maaaring magpalitan ng kapartner ang mga estudyante at magsalitan ulit sa pagbabahagi ng inihanda nila.

Matapos silang magbahagi, sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang anumang natutuhan nila na gusto nilang ipamuhay. Sabihin sa kanila na gamitin ang mga kasanayang sinanay nila sa klase ngayon sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.