Seminary
Mosias 3:19: Hubarin ang Likas na Tao


“Mosias 3:19: Hubarin ang Likas na Tao,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 3:19,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 3:19

Hubarin ang Likas na Tao

mga batang nakangiti

Nalulungkot ka ba sa iyong mga pagkakamali o kawalan ng kakayahang sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos? Tinukoy ni Haring Benjamin ang ating hindi perpektong katangian bilang “likas na tao.” Itinuro niya na madaraig natin ito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang hingin ang tulong ng Tagapagligtas sa pagdaig sa iyong nahulog na pagkatao.

Lumikha ng kapaligiran na nagpapalawak ng kaalaman. Kapag ang mga titser at estudyante ay may pagmamahal at paggalang sa Panginoon, sa bawat isa, at sa salita ng Diyos, sila ay lalo pang natututo at lumalawak ang kaalaman. Ang pagtanggap at pagmamahal na nadarama ng mga estudyante mula sa iba ay maaaring magpalambot ng mga puso, makabawas sa takot, at magpatindi ng kanilang hangarin at tiwala na magbahagi ng mga damdamin at karanasan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 3:19 at isipin ang kahulugan nito. Maaari mo rin silang anyayahang maghanap ng isang talata o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan para mas maunawaan nila ang isang bahagi ng talatang ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang ating nahulog na pagkatao

umaalulong na lobo

Maaari kang magpakita ng larawan ng isang lobo habang ibinabahagi mo ang kuwento mula kay Pangulong Dallin H. Oaks.

Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod na kuwento:

Isang matalinong Cherokee, isa sa mga katutubong lipi sa Estados Unidos, ang nagkuwento sa kanyang apo ng isang talinghaga tungkol sa buhay. “May naglalaban sa kalooban ko. Matinding labanan ito, at ito ay sa pagitan ng dalawang lobo,” sabi ng lolo. “Ang isa ay masama: puno ng galit at inggit, awa sa sarili at kalungkutan, kasakiman at kasinungalingan. Ang isa ay mabuti: puno ng kabaitan at habag, pagpapakumbaba at katotohanan, pagmamahal at kagalakan. Nagaganap din ang labanang ito sa kalooban ng bawat isa sa atin.” “Alin pong lobo ang mananalo?” tanong ng apo. (Dallin H. Oaks, “Mga Pagpili,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2021, 13; kuwentong hango mula kay Shayne M. Bowen, “Kalayaang Pumili at Pananagutan,” Liahona, Set. 2012, 8)

  • Kung kayo ang lolo, paano ninyo sasagutin ang tanong ng inyong apo?

    Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sagot nila sa sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo napansin ang labanang ito ng “dalawang lobo” sa inyong sarili?

Sa kuwentong ibinahagi ni Pangulong Oaks, ang tugon ng lolo sa tanong ng kanyang apo kung aling lobo ang mananalo ay, “Ang lobong pakakainin mo.”

Bilang bahagi ng kanyang huling mensahe sa mga Nephita, itinuro ni Haring Benjamin ang inihayag sa kanya ng isang anghel tungkol sa ating nahulog na pagkatao at kung paano nito naaapektuhan ang ating kaugnayan sa Diyos.

Basahin ang Mosias 3:19, at alamin kung paano inilarawan ni Haring Benjamin ang isang tao na may mga katangiang katulad ng sa unang lobo sa kuwento.

Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang unang bahagi lang ng Mosias 3:19 (na nagtatapos sa mga salitang “magpakailanman at walang katapusan”) sa bahaging ito ng lesson.

Ang Mosias 3:19 ay isang doctrinal mastery passage.  Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magamit ang doktrinang itinuro sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

  • Ano ang natuklasan mo?

Maaari mong isulat ang mga salitang Likas na Tao sa pisara bilang heading. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga salita o parirala na maaaring makatulong sa kanila na maunawaan ang kahulugan ng katagang ito. Pagkatapos ay ipalista sa kanila ang kanilang mga sagot sa ilalim ng heading.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Sa ilang aspeto, ang likas na tao na inilarawan ni Haring Benjamin ay kitang-kita sa bawat isa sa atin. Ang likas na lalaki o babae ay hindi nagsisisi, makamundo at mahalay, mapagpalayaw at mapagpasasa, at palalo at makasarili. (David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 42)

  • Sa inyong palagay, bakit kaaway ng Diyos ang likas na tao?

  • Ano kaya ang ibig sabihin ng “pakainin” ang likas na lalaki o babae na nasa ating lahat?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang likas na tao, maaari mong ilahad ang ilan sa mga sumusunod na sitwasyon o maaari kang mag-isip ng sarili mong mga sitwasyon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano maaaring tumugon ang likas na tao sa bawat isa:

  1. May nakasakit sa iyo.

  2. Kumukuha ka ng pagsusulit at nakikita mo ang mga sagot ng isa pang estudyante.

  3. Isang di-angkop na larawan ang lumabas sa iyong electronic device.

Isipin ang ilan sa mga paraan kung paano mo napapansin ang mga pag-uugali o gawi ng likas na lalaki o babae sa iyong buhay. Habang patuloy kang nag-aaral, hanapin ang mga turong makatutulong sa iyo sa mga pagsisikap mong madaig ang mga pag-uugali at gawing ito.

Pagdaig sa likas na tao

Basahing muli ang Mosias 3:19, at sa pagkakataong ito ay alamin ang itinuro ni Haring Benjamin kung paano natin madaraig ang likas na tao.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa talatang ito na makatutulong sa iyo na madaig ang likas na tao?

Kung isinulat mo ang Likas na Tao sa pisara, maaari kang gumawa ng pangalawang heading gamit ang salitang Banal. Habang natutuklasan ng mga estudyante ang mga katotohanan tungkol sa pagdaig sa likas na tao at pagiging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ilista ang mga ito sa pisara sa ilalim ng pangalawang heading.

Mula sa Mosias 3:19, nalaman natin na sa pagbibigay-daan sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, madaraig natin ang likas na tao at tayo ay magiging mga banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Sa iyong palagay, paano tayo matutulungan ni Jesucristo na hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu? Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang paggawa nito upang madaig ang likas na tao?

Paggamit ng mga cross-reference upang palalimin ang iyong pag-unawa

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa sa mga turo sa Mosias 3:19 sa pamamagitan ng paggamit ng mga cross-reference na kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Ang paggamit ng mga cross-reference ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na makatutulong na mapalalim ang iyong pag-unawa sa isang scripture passage. Gawin ang kasanayang ito sa pamamagitan ng paghahanap ng mga cross-reference na magpapalalim ng iyong pag-unawa sa mga turo sa Mosias 3:19.

Isiping maghanap ng mga cross-reference sa pamamagitan ng paghahanap sa katagang “likas na tao” o iba pang mahahalagang salita mula sa Mosias 3:19 sa Gospel Library app. Maaari mo ring hanapin ang ilan sa mga scripture reference at paksang nakalista sa mga footnote para sa Mosias 3:19.

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference. Pagkatapos ay atasan ang iba’t ibang grupo na basahin ang isa o mahigit pa sa mga ito at ibahagi ang natutuhan nila. Maaari mo ring bigyan ng oras ang mga estudyante na makahanap ng mga kaugnay na banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan.

Matapos ang sapat na oras na makapag-aral ang mga estudyante, anyayahan sila na ibahagi sa klase ang natutuhan nila. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang pinakamakabuluhan sa kanila at kung paano ito nauugnay sa mga turo sa Mosias 3:19. Maaari din nilang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na madaig ang likas na tao. Anyayahan ang maraming estudyante na ibahagi ang mga ideya nila.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang likas na tao at maging banal?

Ipamuhay ito

Ngayong marami ka nang natutuhan tungkol sa ibig sabihin ng hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, isipin kung paano mo ipamumuhay ang mga turong ito. Ano ang isang bagay na nahihikayat kang gawin o itigil na gawin? Isulat ang mga naisip at impresyon mo sa iyong study journal.