Seminary
Mosias 12–13: Nakasulat ang mga Kautusan sa Iyong Puso


“Mosias 12–13: Nakasulat ang mga Kautusan sa Iyong Puso,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 12–13,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 12–13

Nakasulat ang mga Kautusan sa Iyong Puso

mga kabataan sa klase na nakapabilog

Si Noe at ang kanyang mga saserdote ay dapat sanang maging mga espirituwal na pinuno. Gayunman, namuhay sila sa kasalanan at tinuruan ang kanilang mga tao na gayon din ang gawin. Itinuro sa kanila ni Abinadi ang tungkol sa ginagampanan ni Jesucristo sa kanilang kaligtasan at ang kahalagahan ng nakasulat ang mga kautusan ng Diyos sa kanilang puso. Sa buong lesson na ito, matututuhan mong mas sundin si Jesucristo habang isinusulat mo ang mga kautusan sa iyong puso.

Pagsunod at pagmamahal. Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Kapag ang pagsunod ay nahihikayat ng pagmamahal, nagiging mas natural at makabuluhan ito. Tulungan ang mga estudyante na makita ang mahalagang kaugnayan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo at pagmamahal sa Tagapagligtas.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring hilingin ng mga estudyante sa isang kapamilya o kaibigan na magbahagi ng isang karanasan kung saan ang isang kautusan ay naging personal na makabuluhan sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paano mo ira-rank ang iyong pagsunod?

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na dalawang pahayag at pagkatapos ay ipasuri nang tahimik sa mga estudyante kung gaano kahusay na naglalarawan sa kanila ang mga pahayag sa scale na 1–10 (ang ibig sabihin ng 10 ay ito ang pinakamainam na naglalarawan sa kanila).

  • NADARAMA ko ang kahalagahan ng mga kautusan ng Diyos

  • SINUSUNOD ko ang mga kautusan ng Diyos

  • Ano kaya ang problema kung nadarama ng isang tao ang kahalagahan ng mga kautusan ng Diyos ngunit hindi siya sumusunod?

  • Ano kaya ang problema kung sinusunod ng isang tao ang mga kautusan ng Diyos ngunit hindi niya nadarama ang kahalagahan ng mga ito?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pagnilayan ang iyong nadarama at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.

Taos-pusong pagsunod

Matapos itapon sa bilangguan dahil sa pagpapatotoo sa kasamaan ni Haring Noe (tingnan sa Mosias 12:9–17), si Abinadi ay dinala sa harapan ni Noe at ng kanyang mga saserdote. Pinagsabihan sila ni Abinadi dahil nagkukunwari sila na nauunawaan at itinuturo nila ang salita ng Diyos gayong hindi nila ginagamit ang kanilang puso sa pang-unawa. Sinabi ng mga saserdote ni Noe na itinuturo nila ang batas ni Moises, ngunit hindi nila sinusunod ang mga batas ni Moises ni sinusunod ang Sampung Utos. Itinuro ni Abinadi kay Noe at sa kanyang mga saserdote ang kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan (tingnan sa Mosias 12:25–37).

Maaari mong piliing gamitin ang mga bahagi o kabuuan ng video na “Si Abinadi ay Nagpatotoo sa Harapan ni Haring Noe at ng mga Saserdote Nito” (4:35), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, sa buong lesson.

4:35

Bago basahin ng mga estudyante ang mga sumusunod na scripture passage, maaari mong sabihin sa kanila na ilista ang lahat ng naaalala nila na Sampung Utos. Habang sinasabi ng mga estudyante ang mga kautusan, isulat ang mga ito sa pisara. Pagkatapos ay maaari nilang gamitin ang sumusunod na banal na kasulatan upang makumpleto ang listahan.

Basahin ang Mosias 12:34–36; 13:15–24 at tukuyin ang bawat isa sa Sampung Utos. Maaari mong lagyan ng numero ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan.

Basahin ang Mosias 13:11 at alamin ang isa sa mga dahilan kung bakit itinuro ni Abinadi ang Sampung Utos kay Noe at sa kanyang mga saserdote.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa talatang ito?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talatang ito ay ang mga kautusan ng Diyos ay kailangang isulat sa ating puso.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng isulat sa iyong puso ang mga kautusan?

  • Maaari bang maging masunurin ang mga tao sa isang kautusan nang hindi ito nakasulat sa kanilang puso? Bakit oo o bakit hindi?

  • Sa iyong palagay, paano nakatutulong sa atin ang pagsunod sa mga kautusang nakasulat sa ating puso upang masunod natin si Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President, ang mahahalagang katotohanan na makatutulong sa atin na maunawaan ang ibig sabihin ng isulat ang mga kautusan sa ating puso:

Kailangan nating isapuso ang ebanghelyong nasa ating isipan! Posibleng basta ipamuhay lang natin ang ebanghelyo dahil inaasahan ito sa atin o dahil ito na ang kulturang kinalakhan natin o dahil nakagawian na natin ito. …

Kailangan nating hangaring lahat na baguhin ang ating puso at likas na pagkatao upang hindi na natin hangaring tularan ang mga gawi ng sanlibutan kundi sa halip ay bigyang-kasiyahan ang Diyos. (Bonnie L. Oscarson, “Naniniwala ba Ako?Liahona, Mayo 2016, 88)

  • Sa iyong palagay, paano maisasapuso ng mga tao ang ebanghelyo na nasa kanilang isipan?

Maaari mong ipakita kung paano gawin ang sumusunod na aktibidad sa pamamagitan ng pagpili ng isa sa Sampung Utos at pagtutulungan na masagot ang mga tanong bilang isang klase. Halimbawa, ang utos na “Huwag kayong magnanakaw,” kapag nakasulat sa puso ng isang tao, ay makahihikayat sa isang tao na maging masipag at huwag mandaya. Gayon din, ang “Huwag kayong papatay” ay makahihikayat sa isang tao na igalang ang iba at sikaping huwag tumugon nang may galit. Pagkatapos ay maaari mong ipakumpleto sa mga estudyante ang aktibidad nang mag-isa, nang may ka-partner, o sa maliliit na grupo.

Ang mga alternatibong opsiyon ay ang magtalaga ng iba’t ibang kautusan sa mga estudyante at sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa isang kapartner, at magpalit-palit ng partner kapag natapos na sila. O maaaring isadula ng mga estudyante kung paano kikilos ang isang tao kung ang kautusan ay nakasulat sa kanyang puso.

Pumili ng dalawa o tatlo sa Sampung Utos. Para sa bawat isa, gumuhit ng puso at isulat ang kautusan sa itaas ng puso. Pagkatapos ay isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa bawat puso:

  • Ano kaya ang maaaring gawin o hindi gawin ng mga tao kung ang kautusang ito ay nakasulat sa kanilang puso?

  • Ano ang magagawa ng mga tao upang mas lubusang maisulat ang kautusang ito sa kanilang puso?

Pag-alaala kay Jesucristo

Bukod pa sa hindi nakasulat ang Sampung Utos sa kanilang puso, hindi naunawaan ni Noe at ng kanyang mga saserdote ang layunin ng batas ni Moises.

Basahin ang Mosias 13:28–32, at alamin ang layunin ng batas ni Moises.

  • Ano ang nais ni Abinadi na maunawaan ng mga saserdote ni Noe tungkol sa batas ni Moises?

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang tungkol sa pangangailangan kay Jesucristo:

Ang kalalakihan at kababaihan … ay makagagawa ng mga dakilang bagay. Ngunit matapos ang lahat ng ating pagsunod at mabubuting gawa, hindi tayo maliligtas mula sa kamatayan o sa mga epekto ng ating kani-kanyang mga kasalanan nang walang biyayang hatid ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nilinaw ito ng Aklat ni Mormon. Itinuro nito na “ang kaligtasan ay hindi darating sa pamamagitan ng batas lamang” (Mosias 13:28). Sa madaling salita, hindi dumarating ang kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga kautusan. “Sa pamamagitan ng batas walang laman ang makapagmamatwid” (2 Nephi 2:5) … Hindi matatamo ng tao ang kanyang sariling kaligtasan. (Dallin H. Oaks, “Another Testament of Jesus Christ,” Ensign, Mar. 1994, 67)

  • Paano makatutulong sa atin ang mga kautusan na maalaala si Jesucristo?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong ang pag-alaala kay Jesucristo upang maisulat sa ating puso ang mga kautusan?

Mag-isip ng isang kautusan na mahirap para sa iyo na sundin o sa palagay mo ay hindi nakasulat sa iyong puso. Habang iniisip mo ang kautusang ito, maaari mong tingnan ang Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2022). Humingi ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo at sagutin ang sumusunod na tanong sa study journal:

Maaari kang magpatugtog ng mahinang instrumental na musika habang pinag-iisipan at sinasagot ng mga estudyante ang sumusunod na tanong. Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng isang ginupit na papel na hugis puso kung saan nila maaaring isulat ang sagot sa tanong. Pagkatapos ay anyayahan silang ilagay ito sa isang lugar upang maipaalala sa kanila ang kanilang mithiin. Bilang alternatibo, maaari din nilang iguhit ang puso sa kanilang journal, magsulat dito, kunan ng litrato ang puso gamit ang kanilang phone, at gamitin ang larawan bilang wallpaper ng kanilang phone nang isang linggo.

  • Ano ang magagawa mo upang mas masunod si Jesucristo at mas lubusang maisulat ang kautusang ito sa iyong puso?