Seminary
Mosias 14–16: Tinubos ng Panginoong Jesucristo


“Mosiah 14–16: Tinubos ng Panginoong Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 14–16,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 14–16

Tinubos ng Panginoong Jesucristo

larawan ni Cristo

Bagama’t handa na siyang patayin ni Haring Noe, alam ni Abinadi na tutulutan siya ng Diyos na tapusin ang mensaheng ipinahatid sa kanya. Kailangang marinig ni Noe at ng kanyang mga saserdote ang mensahe na tinatawag ng Diyos ang lahat ng propeta upang ituro na si Jesucristo ang ating Manunubos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagkilala kay Jesucristo bilang nag-iisang makatutubos sa atin mula sa kasalanan at kamatayan.

Nangungusap tungkol kay Cristo, nagagalak kay Cristo, at nangangaral tungkol kay Cristo. Maghanap ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo at anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng patotoo tungkol sa Kanya. Nagbibigay-daan ito sa Espiritu Santo na mapatunayan ang tungkol sa Tagapagligtas “sa puso” ng mga estudyante (2 Nephi 33:1). Ang pagpapatunay na ito ay makatutulong sa kanila na makilala si Jesucristo upang malaman nila “kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” at mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob sa Kanya (2 Nephi 25:26).

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung alin sa mga tungkulin at titulo ni Jesucristo ang pinakamakabuluhan sa kanila at bakit.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga tungkulin at titulo ni Jesucristo

Bawat isa sa maraming tungkulin at titulo ni Jesucristo ay maaaring magkaroon ng espesyal na kahulugan sa atin sa ilang partikular na aspeto sa ating buhay. Halimbawa, maaari tayong makipag-ugnayan nang taimtim kay Jesucristo bilang ang “Panginoon, ang Pinakamakapangyarihang Diyos” (Mosias 11:23) kapag kailangan natin ng tulong na Siya lang ang makapagbibigay.

Maglaan ng ilang minuto upang makagawa ng isang listahan ng mga titulo ni Jesucristo mula sa mga banal na kasulatan na nagtuturo sa atin tungkol sa Kanya.

  • Sa maraming titulo ni Jesus, alin sa palagay mo ang makatutulong na malaman pa ang tungkol dito? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 13:33 at 16:15 upang tumukoy ng iba pang titulo ni Jesucristo at kung ano ang tanging Siya lang ang makagagawa.

Si Jesucristo, ang ating Manunubos

Ang mensahe ni Abinadi kay Haring Noe at sa mga saserdote ay nakasentro kay Jesucristo. Itinuro Niya ang katotohanan na maliligtas lamang tayo sa pamamagitan ng pagtubos ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 13:33; 16:15). Sa pag-aaral mo ng mga salita ni Abinadi, alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang tungkulin bilang ating Manunubos.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

15:21

pagtubos

Hangga’t sumusunod tayo kay Cristo, hinahangad natin at nakikibahagi tayo sa Kanyang gawain ng pagtubos.

Isa sa mga pinakamakahulugang titulo na naglalarawan kay Jesucristo ay Manunubos. … Ang ibig sabihin ng salitang tubusin ay bayaran ang obligasyon o utang. Maaari ding ang ibig sabihin ng tubusin ay sagipin o palayain sa pamamagitan ng pangtubos. Kung may isang nagkasala at iwinasto niya ito o inihingi ng paumanhin, sinasabi nating naialis niya ang sarili sa maling palagay sa kanya ng tao. Bawat isa sa mga kahulugang ito ay nagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng dakilang Pagtubos na isinagawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, kabilang na ang paglalarawan dito ng diksyunaryo bilang, “pagliligtas mula sa kasalanan at sa mga kaparusahan nito, sa pagsasakripisyo para sa nagkasala.” (D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 109)

  • Ano ang matututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang titulong Manunubos?

    Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang salitang pagtubos sa Mosias 16:15 at isulat ang kahulugan nito.

  • Kailan ninyo nadarama na lubos na makatutulong ang kaalamang ito sa inyong buhay? Bakit?

Maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod na pag-aaral nang mag-isa, sa maliliit na grupo, o bilang isang klase. Isipin ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante habang nagpapasiya ka kung ipapagawa mo sa kanila ang lahat ng tatlong study prompt, o isa o dalawa lang sa mga ito. Kung nag-aaral ang mga estudyante nang mag-isa o bilang mga grupo, maaaring makatulong na ipakita sa mga estudyante ang mga study prompt at nilalaman upang makagawa sila ayon sa kanilang sariling bilis. Maaari ka ring mahinang magpatugtog ng mga himno. Kung hihilingin mo sa mga estudyante na magbahagi sa klase, ang pagsasabi sa kanila nang maaga ay maaaring makatulong na mabawasan ang kanilang pagkabalisa at posibleng makatulong sa mga estudyante na gawin ang lahat ng kanilang makakaya.

Maaaring may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa mga talatang binasa nila. Maaari mong puntahan sandali ang bawat estudyante upang matulungan sila na maunawaan ang mga banal na kasulatan habang nag-aaral sila.

Isipin ang isang tao sa iyong buhay na sa palagay mo ay makikinabang sa pag-unawa na si Jesucristo ang kanilang Manunubos.

Pag-aralan ang mga sumusunod na prompt nang may layuning tulungan kang maturuan ang taong naisip mo.

Study prompt 1: Ano ang ginawa ni Jesucristo upang matubos ako?

Nagsalita si Abinadi tungkol kay Isaias bilang halimbawa ng isa sa maraming propeta na nagpatotoo tungkol kay Cristo. Binasa niya ang mga turo ni Isaias upang ipakita na ang Diyos mismo ay paparito sa lupa upang “pagmalupitan at pahirapan?” (Mosias 13:35) upang matubos tayo mula sa pagkahulog at pagkaligaw.

Basahin ang Mosias 14, at maghanap ng mga salita at parirala na tutulong sa iyo na maunawaan ang halagang handang bayaran ni Jesucristo upang mapalaya ka mula sa kasalanan at kamatayan.

Maaari mong ibahagi sa mga estudyante ang mga sumusunod na paliwanag:

  • “Ang parusa ng ating kapayapaan ay nasa kanya” (talata 5): Sa bawat kasalanang ginagawa natin, may ibinubunga ang mga ito, kabilang na ang pag-uusig ng budhi, pasakit, kalungkutan, at pagkawalay sa Diyos. Pinagdusahan ni Jesucristo ang bunga ng ating mga kasalanan upang makatanggap tayo ng kapatawaran at kapayapaan.

  • “Sa pamamagitan ng kanyang mga latay tayo ay gumaling” (talata 5): Sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, mapagagaling tayo ni Jesucristo mula sa mga sugat ng ating mga kasalanan at mga bunga ng Pagkahulog nina Adan at Eva, kabilang na ang espirituwal at pisikal na kamatayan.

  • “Ikinasiya ng Panginoon na mabugbog siya” (talata 10): Nalugod ang Ama sa Langit dahil kusang-loob na inialay ni Jesucristo ang Kanyang sarili bilang sakripisyo para sa mga kasalanan ng iba (tingnan sa 3 Nephi 11:7, 11; Juan 3:16).

  • Anong mga salita o parirala mula sa mga talatang ito ang ibabahagi mo sa taong naisip mo?

Study prompt 2: Paano ako mapagpapala sa pamamagitan ng Pagtubos ni Jesucristo?

Naiisip mo ba kung ano kaya ang buhay kung hindi tinupad ni Jesucristo ang Kanyang tungkulin bilang ating Manunubos? Pag-isipan sandali kung ano ang magiging buhay mo kung wala si Jesucristo.

Basahin ang Mosias 15:19; 16:4–7, at alamin ang paglalarawan ni Abinadi sa buhay kung wala ang pagtubos ni Cristo.

Basahin ang Mosias 15:20–25; 16:8–10 upang malaman kung anong mga pagpapala ang matatamasa natin dahil sa ating Manunubos.

  • Ano ang gusto mong malaman ng taong naisip mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito?

Study prompt 3: Bakit tinatawag kung minsan si Jesucristo na Ama sa mga banal na kasulatan?

Itinuro ni Abinadi ang tungkol sa mga tungkulin ni Jesucristo bilang Anak ng Diyos at bilang Ama. Ang ama ay isang taong nagbibigay ng buhay. Si Jesucristo ay parang ama sa atin dahil mabibigyan Niya tayo ng imortalidad at buhay na walang hanggan. Hindi ito nangangahulugan na Siya at ang Ama sa Langit ay iisang personahe. Basahin ang Mosias 15:1–9, at alamin ang mga dahilan kung bakit maaaring tawagin si Jesucristo bilang ating Amang Walang Hanggan.

Maaaring makatulong na basahin ang mga talatang ito bilang isang klase. Huminto pagkatapos ng ilang talata upang maituro ang mga salita o parirala na makatutulong para mapansin ng mga estudyante at mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magtanong.

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Tulad ng itinuro ni Abinadi, si Cristo ay “ipinaglihi … sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos” (Mosias 15:3) at sa gayon ay taglay ang mga kapangyarihan ng Ama. Bukod sa banal na kaugnayang iyan, si Cristo ay gumaganap din na Ama dahil siya ang Lumikha ng langit at lupa (tingnan sa Mosias 15:4), ama ng ating espirituwal na pagsilang na muli at kaligtasan, at siya ay tapat sa pagsunod sa kalooban ng kanyang Ama kaysa sa sarili niyang kalooban—at dahil dito, matatanggap niya ang kapangyarihan. (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 183–84)

  • Sa paanong paraan naging kapwa Ama at Anak si Jesucristo?

  • Bakit maaaring makatulong sa taong naisip mo na malaman ito tungkol kay Jesucristo?

Maaaring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase o sa maliliit na grupo ang natutuhan nila. Maaari ding hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang mensahe sa kanilang pamilya o sa taong naisip nila.