Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 4: Enos–Mosias 17


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 4: Enos–Mosias 17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 4,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

I-assess ang Iyong Pagkatuto 4

EnosMosias 17

mga kabataang sama-samang nag-aaral at nag-uusap tungkol sa mga banal na kasulatan

Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pag-unlad na naranasan mo na sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon.

Pagtulong sa mga estudyante na kumilos ayon sa personal na paghahayag. Upang kumilos ayon sa paghahayag, dapat maunawaan ng mga estudyante na tumatanggap sila ng paghahayag. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang kanilang espirituwal na damdamin ay nauugnay sa Espiritu Santo. Sa pagtalakay kung paano ipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo, binibigyan mo ng pagkakataon ang Espiritu Santo na hikayatin ang mga estudyante na gawin ang dapat nilang gawin upang maging higit na katulad ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na kausapin ang isang magulang o kaibigan tungkol sa ginagawa ng mga propeta at kung paano sila naimpluwensyahan o napagpala ng mga propeta.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Layunin ng mga sumusunod na aktibidad na tulungan ang mga estudyante na i-assess ang kanilang mga mithiin, ang kanilang kakayahang ipaliwanag ang mga turo sa Aklat ni Mormon, at kung paano nagbabago ang kanilang pag-uugali, hangarin, at kakayahang ipamuhay ang ebanghelyo.

Maaaring pinagtuunan ng klase mo ang iba’t ibang katotohanan sa pag-aaral nila ng EnosMosias 17. Kung gayon, huwag mag-atubiling gumawa ng mga aktibidad sa assessment na tumatalakay sa iba’t ibang katotohanang iyon. Para sa tulong sa pag-aangkop o paggawa ng mga aktibidad sa assessment, tingnan sa Training para sa mga Assessment, na makikita sa Training para sa Kurikulum ng Seminary sa ChurchofJesusChrist.org.

“Suriin … at patuloy na magsikap”

Paminsan-minsan, mahalagang mag-ukol ng oras na pagnilayan at suriin ang ginagawa natin. Sabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang paanyaya ko sa ating lahat ay suriin ang ating buhay, magsisi, at patuloy na magsikap. … Kapag nagbago tayo, makikita natin na talagang mas mahalaga sa Diyos kung ano tayo ngayon at kung ano ang kahihinatnan natin sa hinaharap kaysa sa kung ano tayo noon. (Dale G. Renlund, “Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2015, 58)

Maaaring pag-isipan ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong. Kung kinakailangan, gamitin ang mga aktibidad sa lesson upang tulungan ang mga estudyante na masuri ang sarili sa mas partikular na mga aspeto.

  • Sa iyong palagay, paano ka umuunlad o nagbabago dahil sa natututuhan mo mula sa Aklat ni Mormon?

  • Kumusta ang progreso mo sa mga itinakda mong mithiin?

  • Ano ang gusto mong patuloy na pagsikapan pa, o makabubuti bang pumili ng ibang aspeto na pagtutuunan mo ng pansin?

Ang mga sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na sukatin ang iyong pang-unawa, ang iyong kaalaman, at ang pag-unlad na sinisikap mong gawin. Anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang mapahalagahan ang iyong mga pagsisikap at madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit.

Pagpapaliwanag ng tungkulin ng mga propeta

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na magsanay na ipaliwanag ang tungkulin ng mga propeta. Para makapagsimula, maaari mong anyayahan ang isang estudyante na maikling isalaysay muli ang kuwento ni Abinadi.

Nang pag-aralan mo ang tungkol sa propetang si Abinadi sa Mosias 11–17, maaaring natanto mo na naniwala si Alma na siya ay isang propeta at sinunod niya ang kanyang mga turo habang hayagan siyang tinanggihan ni Haring Noe at ng iba pang mga saserdote. Maaari mong mapansin sa ating panahon na tinatanggap ng ilang tao ang mga propeta habang ang iba naman ay tinatanggihan sila.

Gamitin ang mga sumusunod na resources o iba pa na nahanap mo upang maghanda ng maikling tugon upang tulungan ang isang tao na maunawaan kung ano ang propeta at kung bakit kailangan ng mga propeta ngayon. Magsama ng isa o mahigit pang banal na kasulatan upang suportahan ang iyong sagot.

Upang maiba, maaaring gumawa ang mga estudyante ng social media post o maikling video na maaaring ibahagi sa klase. Maaari ding magpartner-partner ang mga estudyante sa paghahanda ng kanilang mga sagot.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na resources at tanong upang matulungan ang mga estudyante sa kanilang paghahanda. Makatutulong din na lumibot sa silid upang mas matulungan ang mga estudyante na maaaring may mga tanong.

Mga banal na kasulatan na maaaring makatulong:

Mga tanong na maaari mong pag-isipan sa pagbuo ng iyong sagot:

  • Ano ang propeta, at ano ang ginagawa ng mga propeta?

  • Anong mga tanong o maling pagkaunawa ang maaaring mayroon ang mga tao tungkol sa mga propeta?

  • Ano pa ang maibabahagi mo upang matulungan ang iba na maunawaan kung bakit tumatawag ang Diyos ng mga propeta ngayon?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na ilahad ang kanilang mga sagot o maghalinhinan sa pagpapaliwanag ng tungkulin ng mga propeta.

Pagtulong na tipunin ang Israel at paglilingkod sa iba

Ang aktibidad na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mag-follow up sa mga paanyayang inaksyunan nila at masuri ang kanilang pag-unlad at progreso.

Isa sa mga katotohanang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ay ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay ang tulungan ang Kanyang mga anak na makamtan ang buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39). Sa Aklat ni Mormon, ipinaliwanag ni Haring Benjamin na isa sa mga paraan na makatutulong tayo na maisakatuparan ang gawain ng Diyos ay sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba (tingnan sa Mosias 2:17). Kamakailan lang, itinuro ni Pangulong Bonnie H. Cordon, General Young Women President:

Ang ating walang-hanggang layunin ay lumapit kay Cristo at aktibong makiisa sa Kanya sa Kanyang dakilang gawain. Ito ay kasing-simple ng paggawa ng itinuro ni Pangulong [Russell M.] Nelson: “Tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino … para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel.” At kapag ginagawa natin ang Kanyang gawain nang kasama Siya, mas nakikilala at minamahal natin Siya. (Bonnie H. Cordon, “Lumapit kay Cristo at Huwag Lumapit nang Nag-iisa,” Liahona, Nob. 2021, 11)

Isipin ang mga mithiin o plano na maaari mong ginawa sa mga naunang lesson na tumutulong sa iyo na makibahagi sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng:

  • Pagtulong sa Panginoon sa Kanyang gawain na tipunin ang Israel (tingnan sa Jacob 5:71–72, 75)

  • Paglilingkod sa iba sa mga paraang katulad ng kay Cristo (tingnan sa Mosias 2:17)

  • Pagsasakatuparan sa ibang mithiing may kaugnayan sa ebanghelyo na kasalukuyan mong ginagawa o gusto mong simulang gawin

Bigyan ng oras ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Maging sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu kung inaanyayahan mo ang mga estudyante na magbahagi ng mga ideya tungkol sa kanilang espirituwal na pag-unlad.

  • Paano ka (o bakit mo gustong) umunlad sa aspetong ito? Ano ang ginawa (o magagawa) mo upang matamo ang pag-unlad na ito?

  • Ano ang ilan sa mga balakid o paghihirap na naranasan mo (o inaasahan mong maranasan)? Paano mo sinikap (o sisikapin) na madaig ang mga ito?

  • Paano mo nadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit nang pagsikapan mo ang mithiing ito? Sa iyong palagay, bakit Siya malulugod sa iyong mga pagsisikap?

Nadaramang kaligayahan at kagalakan sa pamamagitan ni Jesucristo

Layunin ng sumusunod na aktibidad na tulungan ang mga estudyante na masuri ang antas ng kaligayahan at kagalakang nararanasan nila sa pamamagitan ni Jesucristo. Upang makaalala ang mga estudyante, maaari kang magpakita ng mga larawan ng mga salaysay na ito ng mga banal na kasulatan.

Sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon, nabasa mo ang mga salaysay ng maraming tao na nakadama ng kagalakan at kaligayahan sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Maglaan ng oras na pag-aralan ang ilan sa mga halimbawang ito. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod:

Isipin kung paano mo mailalarawan o maisasalarawan ang kaligayahang nadarama mo sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Maaari mong pag-isipang simulan ang sumusunod na aktibidad na mind map sa pisara bilang isang klase bago gumawa nang mag-isa ang mga estudyante. Tiyakin sa mga estudyante na ang kanilang mga ideya ay pribado at hindi kailangang ibahagi.

Sa gitna ng isang blangkong pahina sa iyong study journal o sa isang hiwalay na piraso ng papel, isulat ang mga salitang Kagalakan at Kaligayahan sa pamamagitan ni Jesucristo. Bilugan ang mga salita. Ngayon, simulang magdagdag ng mga ideya na iniuugnay mo sa mga salitang ito. Para makapagsimula, maaari mong pag-isipan kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong.

  • Nadarama mo ba na nag-aambag ang ebanghelyo ni Jesucristo ng kagalakan sa iyong buhay? Bakit oo o bakit hindi?

  • Ano ang natutuhan mo sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa iyo na maging mas masaya?

  • Nadarama mo ba na mas tumibay ang ugnayan mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil sa pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan? Bakit oo o bakit hindi?

Habang nag-iisip ka ng mga ideya, isulat ang mga ito sa iyong papel at bilugan ang mga ito. Ikonekta ang mga ito sa isa’t isa o pabalik sa parirala na nasa gitna. Habang nagdaragdag ka ng iba pang mga saloobin at ideya, maaaring magsimulang magmukhang ganito ang iyong mind map:

blangkong mind map

Bigyan ng oras ang mga estudyante na patuloy na gawin ang kanilang personal na mind map. Maaari silang gumamit ng iba’t ibang kulay ng lapis o ballpen upang bigyang-diin ang mga makabuluhang ideya.

Pagkatapos tapusin ang iyong mind map, maaari mo itong ilagay sa isang lugar kung saan makikita mo ito sa susunod na linggo. Maaari mong ipagdasal sa Ama sa Langit na tulungan kang mahanap at madama ang mas malaking kagalakan at kaligayahan kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Bagama’t hindi ibabahagi ng mga estudyante ang kanilang mind map, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang nadama nila nang ginawa nila ang mga ito. Maging sensitibo at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu kapag pinag-iisipan kung aanyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga iniisip.