Seminary
Mosias 21–24, Bahagi 1: Paghahanap sa mga Layunin ng Panginoon para sa Ating mga Pagsubok at Paghihirap


“Mosias 21–24, Bahagi 1: Paghahanap sa mga Layunin ng Panginoon para sa Ating mga Pagsubok at Paghihirap,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 21–24, Bahagi 1,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 21–24, Bahagi 1

Paghahanap sa mga Layunin ng Panginoon para sa Ating mga Pagsubok at Paghihirap

isang kabataang nag-iisip, na mukhang malungkot

Paano mo ipaliliwanag sa isang tao kung bakit tinutulutan ng Panginoon na makaranas tayo ng mga pagsubok at paghihirap? Inilarawan sa Mosias 21–24 ang mga karanasan ng mga tao ni Limhi at ng mga tao ni Alma, na kapwa nakaranas ng mahihirap na hamon. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang makadama ng ibayong tiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag dumaranas ka ng mga pagsubok at paghihirap sa iyong buhay.

Magtanong ng mga bagay na maghihikayat ng talakayan. Nangyayari ang mga makabuluhang talakayan sa klase kapag nakikipag-ugnayan ang mga titser sa mga estudyante at nakikipag-ugnayan ang mga estudyante sa isa’t isa. Magtanong ng mga bagay na may kaugnayan at nagbibigay ng pagkakataon sa maraming estudyante na makasagot. Maaari ka ring maghikayat ng talakayan sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga estudyante na tumugon sa mga komento ng kanilang mga kaklase.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang pagsubok o hamon noon na nakatulong sa kanila na makaranas ng pag-unlad o mas mapalapit sa Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na dumating na handang ibahagi ang natutuhan nila o kung paano sila naimpluwensyahan ng pagsubok na ito sa positibong paraan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ito ang una sa dalawang lesson na tumatalakay sa Mosias 21–24. Pagtutuunan sa bahagi 1 ang dahilan kung bakit tinutulutan tayo ng Panginoon na makaranas ng mga pagsubok, at pagtutuunan sa bahagi 2 kung paano tayo makakaasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na tutulong sa atin sa mga pagsubok na ito. Kung limitado ang oras ng klase at isang lesson lang sa Mosias 21–24 ang maituturo, isipin kung paano maaaring pagsamahin ang dalawang lesson nang epektibo.

Pagdadala ng mga pasanin

taong may dalang mabigat na backpack

Isipin kunwari na ang iyong mga pagsubok, pasanin, at paghihirap ay kinakatawan ng mga bato na kailangan mong pisikal na dalhin sa isang bag o backpack.

Maaari kang magdala sa klase ng backpack at mabibigat na bagay na kumakatawan sa mga pasanin. Anyayahan ang isang handang estudyante na isuot ang backpack habang nagbabanggit ang kanyang mga kaklase ng iba’t ibang pagsubok at ilagay ang mga bagay sa bag. Siguraduhing hindi magiging napakabigat ng backpack upang hindi masaktan ang estudyanteng nakasuot nito. Kung posible, maaaring ipagpatuloy ng estudyante ang pagsusuot ng backpack habang tinatalakay ng klase ang mga sumusunod na tanong.

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang ilan sa mga pagsubok o pasanin na maaaring maranasan ng mga tinedyer na maaaring maging parang mabibigat na bato sa loob ng backpack?

  • Anong mga bagay ang maaaring itanong ng mga tao tungkol sa mga pasaning dala nila?

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na ilista ang ilan sa kanilang mga personal na pagsubok at isulat ang kanilang mga iniisip, tanong, at nadarama tungkol sa mga pagsubok na iyon sa kanilang study journal. Makatutulong ito upang mas maihanda sila na magkaroon ng personal na karanasan habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan.

Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung bakit maaaring tinutulutan ng Panginoon na maranasan mo ang mga pagsubok na ito.

Ang mga tao ni Limhi at ang mga tao ni Alma

Upang matulungan ang mga estudyante na maalala ang konteksto na may kaugnayan sa mga tao ni Limhi at sa mga tao ni Alma, maaari mong idispley o idrowing ang sumusunod na larawan at ituro ang lokasyon ng bawat grupo ng mga tao habang binabanggit mo ang mga ito.

Sa Mosias 21–24, nalaman natin ang tungkol sa dalawang grupo ng mga tao na nakaranas ng malalaking pagsubok at paghihirap. Ang unang grupo ay nakatira sa lupain ng Nephi at pinamumunuan ng anak ni Haring Noe na si Limhi. Ang pangalawang grupo ay nakatira sa lupain ng Helam at pinamumunuan ni Alma.

paglalarawan ng mga lugar sa Mosias 21–24

Anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga kalagayan na humantong sa pagkabihag ng mga tao ni Limhi at ng mga tao ni Alma. Kung kinakailangan, gamitin ang mga sumusunod na buod.

Ang mga tao ni Limhi

Matapos tanggihan ang mga turo at babala ni Abinadi, ang mga Nephita, na pinamumunuan na ngayon ni Haring Limhi, ay dinalang bihag ng mga Lamanita sa lupain ng Nephi at kinailangang magbayad ng malaking buwis (tingnan sa Mosias 19:15). Tulad ng ipinropesiya ng propetang si Abinadi (tingnan sa Mosias 12:5), sapilitang pinaglingkod ng mga Lamanita ang mga tao ni Limhi at pinatawan sila ng mabibigat na pasanin (tingnan sa Mosias 21:3).

Ang mga tao ni Alma

Pagkamatay ni Abinadi, si Alma at ang kanyang mga tagasunod ay tumakas patungo sa mga Tubig ng Mormon, kung saan sila bininyagan (tingnan sa Mosias 17:1–4; 18:1–14). Kalaunan ay tumakas sila para sa kanilang kaligtasan at nagtayo sila ng isang matwid na pamayanan sa lupain ng Helam (tingnan sa Mosias 18:32–34; 23:1–4, 19–20). Kalaunan, ang mga tao ni Alma ay natuklasan at dinalang bihag ng mga Lamanita (tingnan sa Mosias 23:25–29, 36–37). Si Amulon, na isa sa masasamang saserdote ni Noe, ay nabigyan ng kapangyarihan na pamahalaan sila at nagsimulang usigin si Alma at ang kanyang mga tao (tingnan sa Mosias 24:8–9).

Bakit tinutulutan ng Panginoon ang mga pagsubok

Maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo at sabihin sa kalahati ng mga grupo na pag-aralan ang tungkol sa mga tao ni Limhi at sa natitirang kalahati na pag-aralan ang tungkol sa mga tao ni Alma.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at hanapin ang mga turo na makatutulong sa iyo na maunawaan kung bakit tinutulutan ng Panginoon na makaranas tayo ng mga pagsubok at paghihirap. Maaari mong markahan ang mga salita at parirala na pinakanapansin mo.

Kung pinag-aralan ng mga estudyante ang mga talatang ito sa maliliit na grupo, sabihin sa mga boluntaryo mula sa bawat grupo na ibuod ang natutuhan nila mula sa mga talatang pinag-aralan nila. Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito.

  • Anong mga pagkakatulad at pagkakaiba ang nakita mo sa dalawang grupo ng mga tao at sa naranasan nila?

  • Anong katibayan ang nakita mo sa mga salaysay na ito tungkol sa pagmamahal at pagmamalasakit ng Panginoon sa mga tao?

    Bilang tugon sa naunang tanong, maaaring bigyang-diin ng mga estudyante ang mga pariralang tulad ng “dininig ng Panginoon ang kanilang pagsusumamo” (Mosias 21:15), “nagsimula silang unti-unting umunlad” (Mosias 21:16), “Pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat,” o “Ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap” (Mosias 24:14).

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa dahilan kung bakit tinutulutan ng Panginoon na dumanas ang mga tao ng mga pagsubok at paghihirap?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa tanong. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng mga katotohanan na maaaring nakita ng mga estudyante.

  • Tinutulutan ng Panginoon na makaranas tayo ng mga pagsubok upang tulungan tayong maging mapagpakumbaba at mas umasa sa Kanya (tingnan sa Mosias 21:5–14).

  • Ang ilang pagsubok at paghihirap ay dumarating dahil sa pagsuway (tingnan sa Mosias 21:15).

  • Ang ating mga pagsubok ay makapagbibigay sa atin ng mga pagkakataong hangarin at madama ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay (tingnan sa Mosias 21:15–16; 24:14).

  • Pinapahirapan ng Panginoon ang Kanyang mga tao at sinusubok Niya ang kanilang tiyaga at pananampalataya (tingnan sa Mosias 23:21).

Inaakala ng maraming tao na ang salitang pagpapahirap (tingnan sa Mosias 23:21) ay kasingkahulugan ng pagpaparusa. Ipinaliwanag ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu na, “Ang salitang chasten o pahirapan ay mula sa salitang Latin na castus, na ibig sabihin ay ‘malinis o dalisay,’ at ang chasten o pahirapan ay nangangahulugang ‘dalisayin’ [tingnan sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “chasten”]” (“Ang Tapat na Hukom,” Liahona, Nob. 2016, 97). Pag-isipan sandali kung paano ka maaaring dinadalisay ng Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga pagsubok at paghihirap.

Ang mga sumusunod na tanong (o iba pa na maiisip mo) ay magagamit upang makatulong na makagawa ng kaugnayan para sa mga estudyante. Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang journal bago talakayin ang mga tanong sa klase. Tiyaking pasalamatan ang mga estudyante sa pagbabahagi ng kanilang mga ideya.

  • Paano maiimpluwensyahan ng pag-unawa sa mga katotohanang ito ang paraan ng pagtugon mo sa iyong mga pagsubok?

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na makita ang mga layunin ng Panginoon sa pagtutulot na maranasan mo ang mga pagsubok?

    Upang magpakita ng halimbawang naglalarawan sa naunang tanong, maaari mong ipanood ang video na “Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan” (mula sa time code na 6:33 hanggang 9:37), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

    3:2
  • Ano ang natutuhan mo ngayon na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga pagsubok na nararanasan mo?

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo ngayon.