“Alma 1:1–18: Ang mga Kasamaan ng Huwad na Pagkasaserdote,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 1:1–18,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 1:1–18
Ang mga Kasamaan ng Huwad na Pagkasaserdote
Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan itinataguyod ng mga tao ang kanilang sarili at ang kanilang mga ideya para sila mapuri at makinabang. Ang paniniwala sa mga maling gawaing ito ay nagiging dahilan upang magkasala ang maraming tao at hindi nila tanggapin ang kanilang Tagapagligtas na si Jesucristo. Nangyari din ito sa mga Nephita. Isang lalaking nagngangalang Nehor ang nagturo ng maling doktrina na naging dahilan para hindi tanggapin ng mga tao sa kanyang panahon, at ng iba pa sa darating na mga taon, ang kanilang Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy at tanggihan ang mga maling turo na maaaring magtulak sa iyong tumalikod kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga maling turo
-
Mula 1 hanggang 5 (kung saan ang 1 ay lubos na hindi sumasang-ayon at ang 5 ay lubos na sumasang-ayon), gaano katindi ang iyong pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon sa mga sumusunod na pahayag? Bakit?
Karamihan sa impormasyong inihahayag sa akin sa bawat araw ay totoo. (Halimbawa, sa social media, sa mga advertisement, mula sa mga lider at influencer sa lipunan.)
Ang impormasyong natatanggap ko ay nakakaimpluwensya sa aking pananampalataya kay Jesucristo.
Naglaan ang Diyos ng tulong para malaman ko ang katotohanan laban sa kamalian.
Nabubuhay tayo sa mundong maraming maling mensahe na makapagpapahina sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Sa pag-aaral mo ng Alma 1, hingin ang patnubay ng Espiritu upang matulungan kang matukoy ang mga maling turo sa mundo sa paligid mo na maaaring magtulak sa iyong tumalikod kay Jesucristo.
Bago siya namatay, nagtatag si Haring Mosias ng bagong uri ng pamahalaan. Sa halip na magkaroon ng mga hari, ang mga tao ay naghalal ng mga hukom na magpapatupad ng mga batas. Ang Nakababatang Alma ay hinirang bilang unang punong hukom, o gobernador (tingnan sa Alma 2:16). Siya rin ang mataas na saserdote at pinuno ng Simbahan (tingnan sa Mosias 29). Sinimulang subaybayan ng mga tao ang panahon mula sa panahong binago ang kanilang pamahalaan.
Sa unang taon ng panunungkulan ng mga hukom, isang masamang lalaking nagngangalang Nehor ang nagsimulang mang-impluwensya sa mga Nephita. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit isinama ang kuwento ni Nehor sa Aklat ni Mormon.
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng salaysay tungkol sa isang taong nagngangalang Nehor. Madaling maunawaan kung bakit naisip ni Mormon, nang paikliin niya ang libu-libong taon nang mga talaan ng mga Nephita, na mahalagang isama ang tungkol sa lalaking ito at ang nagtagal na impluwensya ng doktrina nito. Hangad ni Mormon na balaan tayo, dahil alam niya na muling lilitaw ang pilosopiyang ito sa ating panahon. (D. Todd Christofferson, “Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Liahona, Nob. 2011, 38)
Basahin ang Alma 1:2–6, at alamin ang itinuro ni Nehor sa mga tao. Ilista ang mga turo ni Nehor. Lagyan ang mga ito ng label na “Tama,” “Mali,” o “Magkahalo.”
Maaaring napansin ninyo na hinaluan ni Nehor ang kanyang mga maling turo ng mga totoong pahayag. Inilalarawan nito ang isang taktika na ginagamit din ni Satanas. Sa pagkukumpara natin kay Nehor kay Satanas, nalaman natin na gumagamit si Satanas ng mga kasinungalingan na may kahalong katotohanan upang linlangin ang mga tao at maudyukan sila na tumalikod kay Jesucristo.
-
Anong katibayan nito ang nakikita ninyo ngayon?
Inilarawan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nakakaapekto ang mga maling ideya ni Nehor sa ilang tao ngayon:
[Ang isang maling turo na humahadlang sa atin na magsisi] ay ang isipin na hindi naman mahalaga kahit magkasala tayo dahil mahal naman tayo ng Diyos kahit ano pa man ang ating gawin. Nakakatuksong paniwalaan ang itinuro sa mga tao sa Zarahemla ng mapanlinlang na si Nehor: “Na ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw, at na hindi nila kailangang matakot ni manginig, … at, sa katapusan, ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.” [Alma 1:4] Ngunit ang nakakatukso na ideyang ito ay mali. Talagang mahal tayo ng Diyos. Gayunman, mahalaga sa Kanya ang mga ginagawa natin. Nagbigay siya ng malilinaw na direksiyon kung paano tayo dapat kumilos. Ang mga ito ay tinatawag na mga kautusan. Ang Kanyang pagsang-ayon at ang ating buhay na walang hanggan ay nakadepende sa ating pagkilos, kabilang na ang ating kahandaang mapagpakumbabang hangarin na tunay na magsisi. (Dale G. Renlund, “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2016, 123)
Pagtukoy sa mga maling turo
Ang pagtukoy sa mga maling turo, tulad ng mga turo ni Nehor, ay maaaring mahirap kung minsan. Sa kabutihang-palad, matutukoy mo ang mga ito. Itinuro ni Mormon na kung ang isang mensahe o turo ay nanghihikayat sa atin na “gumawa ng masama at huwag maniwala kay Cristo, at itinatatwa siya, at huwag maglingkod sa Diyos,” malalaman natin na ito ay mali at nagmumula sa diyablo (Moroni 7:17).
-
Alin sa mga turo ni Nehor ang makapagpapadama sa isang tao na hindi niya kailangan ang Tagapagligtas?
-
Ano ang iba pang mga maling turo ngayon na nagtutulak sa mga tao na tumalikod kay Jesucristo?
Isipin ang mga mensaheng regular mong naririnig o nababasa. Paano nakakaimpluwensya ang mga ito sa iyo? Mayroon ba sa mga ito na negatibong nakakaimpluwensya sa iyong pananampalataya kay Jesucristo?
Kung tumatanggap ka ng mga maling mensahe sa media na negatibong nakakaimpluwensya sa iyong pananampalataya kay Jesucristo, i-turn off o alisin ang pinagmumulan ng mga mensaheng iyon sa iyong buhay. Palitan ang mga ito ng mga mensaheng magpapalakas ng iyong pananampalataya kay Jesucristo. Halimbawa, ang mga magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan at Liahona na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, ay may nilalaman na nagpapalakas ng pananampalataya.
Huwad na pagkasaserdote
Isang araw, nakasalubong ni Nehor ang isang matandang lider ng Simbahan na nagngangalang Gedeon. Habang tinatangka ni Nehor na maakay palayo ang mga tao ng simbahan, isang matwid na lalaki na nagngangalang Gedeon ang “nangatwiran [kay Nehor], at [pinaalalahanan] siya sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos” (Alma 1:7). Nagalit si Nehor kay Gedeon at pinatay niya ito. Pagkatapos ay dinala si Nehor kay Alma at hinatulan ito ng kamatayan ayon sa batas (tingnan sa Alma 1:9–15).
Basahin ang Alma 1:12, at alamin kung paano inilarawan ni Alma ang mga turo ni Nehor.
Basahin ang Alma 1:16 at 2 Nephi 26:29, at maghanap ng talatang naglalarawan sa huwad na pagkasaserdote.
-
Paano mo nakikita ang pangangaral ni Nehor bilang halimbawa ng huwad na pagkasaserdote?
-
Sa iyong palagay, bakit popular ang ilang maling ideya?
-
Sa iyong palagay, bakit napakadelikado ng huwad na pagkasaserdote?
Pagtanggi sa mga maling turo
Tulad ni Gedeon, magagamit natin ang mga salita ng Diyos upang tulungan tayong tanggihan ang mga maling turo (tingnan sa Alma 1:7, 9). Pumili ng isa o mahigit pa sa mga maling turo ni Nehor o ng ilan na posibleng narinig mo mula sa ating panahon. Pagkatapos ay maghanap ng banal na kasulatan na nagtatama sa kamalian. Halimbawa, maaari mong salungatin ang mga turo ni Nehor sa Alma 1:3 gamit ang turo ng Tagapagligtas sa Mateo 23:11.
-
Ibahagi ang (mga) maling turo na pinili mo at ang (mga) banal na kasulatan na sa palagay mo ay nagtatama nito.
-
Ibahagi ang natutuhan mo mula sa Alma 1 kung paano tukuyin at tanggihan ang mga maling turo.